Wednesday, December 3, 2014

Sa Loob at Labas ng Rehas na Bakal

Maraming nilalang ang nakabilanggo
Napakalamig na rehas ang sinasapo
Singlamig ng matinding pagkasiphayo
Umantak ang dugo, pagkirot ng puso
Itong kalungkutan 'di mapugto-pugto.
 
Hinahanap-hanap dakilang paglaya
Habang ang katawa'y nakatanikala
Nakalilipad na lang ay tanging diwa
Binabantayan ng mahigpit ni Tata
Sa loob ng kulungan binabatuta.
 
Nakabilanggo ang gunita sa utak
Parang tatttoong sa balat ay nakatatak
Sa madilim na kahapo'y hinahaalytak
Kay sakit parang kutsilyong itinatarak
May sumbat ang budhi't may bahid ng sindak.
 
Nakaiinip lalo't kung walang dalaw
Isang taon katumbas ng bawat araw
Waring liwanag ay 'di na maaninaw
Maawak na paligid 'di na matanaw
Salaming basag ang tanging sumisilaw.
 
Batik sa lipunan kung sila'y bansagan
Kulay itim bumabalot sa katauhan
Bawat krimen siguradong may dahilan
Nakagupo na sana'y h'wag nang pasakitan
'Di laaht ng bilanggo'y may kasalanan.
 
Merong nasa labas ngunit nakakulong
Parang buhay na patay, walang pagsulong
Tila ba nakahiga sa may kabaong
Ginagawang kalokoha'y patung-patong
Ngunit tahimik kapag dumadaluhong.
 
Ikaw at ako ay bilangggo ng hirap
Kailangan ay unawa at paglingap
Tunay na laya'y nais nating malasap
Sana may katuparan bawat pangarap
Lahat ay huwag maglahong tila asap.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...