Iniisip mo ba na hindi mo kaya ang
isang bagay kaya atubuli kang gawin ito? Kung ganun ay paano mo nasabing
mahirap ito gayung hindi mo pa naman sinusubukan? Marahil ay natatakot kang
maging palpak ang kalalabasan at natatakot pa na mapulaan ng iba. Kaya’t ang
ginagawa ay naghahanap ng maraming excuces para huwag lang itong gawin. Puwes,
walang maitutulong ang pag-iisip ng negatibo. Dahil ito na rin ang nagiging
dahilan kung bakit maraming tao ang kuntento na lang sa madadaling bagay. Ang
katuwiran ay ayaw pahirapan ang sarili, pero kung tutuusin hindi naman talaga
ito pagpapahirap kundi paraan lamang para lumabas ang potensiyal ng isang tao.
Mabuting mag-isip muna sandali at ulit-ulitin mo sa iyong sarili na kaya
mo ‘yan. Isipin mo na lang kung nagagaawa ng iba bakit ikaw hindi? Ano’ng
pinagkaiba mo sa kanila, mayroon ba? Tunay nga namang ang takot ay nasa isip
lamang. Dahil lahat ng pagdududa ay nanggagaling lahat sa isipan. Kaya’t walang
ibang gagawin kundi putulin ang pagdududang ito. Ito ay sa pamamagitan ng
paglilinaw ng isipan para mawala ang mga hadlang sa utak. Simple lang ang dapat
gawin, mag-isip lagi ng positibo at puspusin ang isipan ng magagandang bagay.
Maaaring magbasa ng mga babasahing tumatalakay sa pagpapalakas ng loob o mga
kuwentong inspirasyunal. Pagkatapos mong makakuha ng motibasyon mula sa mga
nabasa ay itanim itong mabuti sa utak. Magugulat ka na lang dahil parang
napakadali na para sa iyo ang kumilos. Humingi rin ng payo sa mga taong may
mayroong lakas ng loob at tapang. Hangga’t maaari ay iwasan munang makipag-usap
sa mga may mahihinang loob. Dahil hindi mo maaasahang himukin ka nila bagkus ay
ibababa ka lang nila. Alalahaning walang mangyayari kung mahina ang loob dahil
mapapag-iwanan ka lang.
Isipin mong ang bagay na mahirap gawin ay isa lamang hamon para subukin
ang iyong kakayahan. Dapat nga ay matuwa ka dahil isa naman itong uri ng
pakikipagsapalaran. Kung saan ay may hatid itong excitement dahil panibago na
naman itong karanasan para sa iyo. Na kapag nalagpasan mo ay maaari mo
itong maituring na isang achievement dahil sa pinagsikapan mong gawin. Ngunit
bago mo ito gawin ay pag-aralan mo munang mabuti para maiwasang magkamali. Pero
kung sakali mang magkamali pa rin ay huwag matakot na ipagpatuloy ito.
Alalahaning maraming aspeto sa ating buhay ay nagkakaroon talaga ng trial and
error. Ang importante ay matuto ka sa bawat pagkakamali. Minsan ay kailangan
nating magkamali para malaman natin kung alin ang tama. Tinuturuan din tayo
nitong maging matatag at hindi basta-basta susumusuko sa laban.
Hindi ko alam kung ano man ang bagay na mahirap para sa iyo. Pero isa
lang ang msasabi ko, kaya mo yan, kaibigan!
No comments:
Post a Comment