Sunday, December 1, 2013

Mga Blogger Bagong Kasapi ng Media

                Dati-rati ay parang etsapuwera lang ang mga blogger at wari bang ang mga nagsusulat sa internet ay hiwalay sa mundo ng media. Meron lang kasing tinatawag na tri-media (print, TV atat radyo). Hindi pa kasama ang online noon. Minamaliit pa nga sila ng iba dahil kahit sino naman daw ay kayang gumawa ng blog. Nakahawak lang ng computer, blogger na. Hindi naman lahat, pero marami ang nasa media ay nakapag-aral ng Journalism at Broadcasting. Kaya’t alam ng mga ito ang tamang alituntunin ng pamamahayag sa bansa. Kung ikukumpara sa mga blogger na walang pormal na edukasyon sa pagsusulat.

                Pinupulaan din ng iba, na ang mga nagsusulat sa internet ay madalas ay ‘di tama ang nakasulat dahil ‘di naman kumpirmado kung totoo ang impormasyon na nakasulat. Mas mapapagkatiwalaan pa rin ang mga totoong journalist. Pero sa ngayon ay mahirap na itong sabihin dahil sa pagkakaroon ngayon ng tinatawag na citizen journalism. Wari bang ang internet ay nagbigay ng pagkakataon para ang kahit na sino ay mag-balita at magbigay ng kuru-kuro sa alinmang bagay o magbahagi ng kanilang mga karanasan.

                Pero sadyang nagbabago ang panahon. Kahit ang mga nasa traditional media ay ginagamit na rin ang online para mas mapalawak pa ang kanilang saklaw. Nagkaroon na nga ngayon ng mga online newsite kabilang na ang Rappler.com. Ang mga blogger na kabilang sa tinatawag na alternative media, ngayon ay ‘di matatawaran ang impluwensiya. Kung dati-rati ang blog ay nagsisilbi lang online journal, ngayon ay naging daluyan na rin ito ng mga makabuluhang talakayan at impormasyon. Ang gagawin mo na lang ay mamimili ng blog na sakto sa iyong interes.

                Napagtuunan na rin ng pansin ng mga advertiser ang mga blog. Depende na lang kung gaano kaimpluwensiya ang isang blog. Nakasalalay ito sa hits o kung gaano karami ang bumibisita sa blog. Ang iba kasing blogger ay merong mga taga-subaybay at may mga nagbabasa talaga. Dahil techie na ang mga tao ngayon, kapag may tanong sila sa kanilang isipan ay Google na agad ang katapat. Saka ‘di hamak na mura kasi ang paglalagay ng patalastas sa blog kumpara sa dyaryo, radyo at lalo na sa telebisyon na ilang segundo lang ay napakataas ng bayad. Samantalang sa internet, pangmatagalan ang pagpaskil. Depende na lang sa napag-usapan. Andun lang ang ads dahi 24-oras itong makikita at napakalawak ang saklaw dahil nasa world wide web nga.

                Marami na ring mga blogger ang naiimbitahan ng mga kumpanya para i-cover ang kanilang mga event. O kaya naman ay para i-review ang kanilang mga produkto. Ang ilan pa ngang mga blogger ay ginagawa pang brand ambassador kaya’t nagmistula na ring mga endorser gaya ng mga nagmu-modelo ng produkto. Nakakapanayam din nila ang mga kilalang personalidad, mapa-artista man, pulitiko at mga malalakign negosyante. Ilan lang sa maimpluwensyang blogger sa bansa ay sina Azrael Coladilla ng azraelsmerryland.blogspot.com, Earth Rullan ng www.earthlinggeorgious.com at marami pang iba.


                Sa huli, kahit blogger man o nasa traditional media,  sana ay ‘di ito dahilan para magkahati-hati bagkus ay magkatulungan pa nga. Hindi ang anyo ng daluyan ng impormasyon ang mahalaga kundi ang mismong impormasyong inihahatid nito. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...