Friday, February 15, 2008

Elemental

Nauulinig ko ang halinghing ng tikbalang
Tila nakikipag-ulayaw sa mga aswang
Habang nagniningas ang pulang mata ng halimaw
May duwendeng itim na nagtatanod
Sa gintong gusi na 'di natin masayod
Kapre, kapre na nasa punong mangga
Ang usok ng tabako panay sa pagbuga
Humahalakhak ng nakakatulilig sa tainga,
Ikaw na tiyanak 'di mo kami maililigaw
'Pagkat baliktad na ang damit nami't pananaw
Ano't ikaw daw dati ay munting anghel
Na biktima ng mga magulang n'yong mangingitil.

Mga dambana para kayong alitaptap
Lilipad-lipad na para bang kulisap
Ano'ng ginagawa n'yo sa puno ng dapdap?,
Magsip[aglabas kayong mga diwata
Diwata ng kagandahan at mga himala
Inyong aliwin ang tao sa pagkariwara
Yamang kayo'y 'di basta likha ng diwang diwara
kayo ba'y kahangalan sa paniniwala
O pag-arok sa mga bagay na mahiwaga?
Bunga lang ba ng kultura't ilusyon?
Ngunit may mga saksing umaayon.

Sa gabing ito nais ko kayoing makasalo
Sa hapag-kainan ng diwang tila naghihingalo
Ang kababalagha'y 'di ganap na maisubo
May bisyong mahirap mawatasan
Tulad ng mundo ninyong ginagalawan
'Di maaninag ng aandap-andap na isipan
Mga elemental kayong nagbibigay-palaisipan
Hindi ako esperitistang may ikatlong mata
'Pagkat ako ri'y maka-elemental na makata
Elemento ng tubig, apoy at hangin aking kapanalig
Katulong sa pagwasak at paglikha ng bagong daigdig.

1 comment:

Anonymous said...

Elemental
ni Francisco A. MonteseƱa


Dayuhan ang paniniwala
sa lahat ng di inaakala.
Nandiyan sila,
hindi tayo nag-iisa.
Nakikihati sa hamog mang
nalalaglag sa lupa.
Ito ang paliwanag na di maliwanag
ni Indang nakakikilala sa di nakikilala.
Mayroon kang bantay
noon pa mang isilang.
Mula noon ay matagal kong
inabangan ang pagsasa-anyo
ng mga bagay na madalas sa akin
ay kumakalabit:
mga huni sa isip,
sagitsit sa paligid,
mga yabag,
minsan ay dagundong,
o kaya ay bulong.
Dinig ko ang mga boses sa paligid,
umaaligid, sa lamig ng hangin
ay nagpapasigid.
Magsiiling man
ang mga Pantas-Agham,
may mga hiwagang
di natututuhan-tulad nang pagkakalikha
sa kanilang tila bula,
lilitaw, papailanlang,
magpaparamdam
at biglang mababasag…mawawala.
Mga di maisamata
ngunit alam mong naririyan;
mga tapat na katotong
kalipon sa maghapon,
nanggaganyak, nangungusap,
umaawit, nakikipangarap,
tumututol, umiiyak,
kakambal na kahit sa hirap.
Ay! marahil iilan lamang kaming mapapalad.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...