Friday, February 15, 2008

Kababalaghan

Sinusungkit ng langgam
Ang higanteng buwan
Habang nakadungaw
Sa lungaw ng pag-asam
Naghahanap ng himala
Sa lawak ng buntala.

Nanlalaki ang matang lawin
Tumatagos ang paningin
Ibig makapiling ang bituin
Ngunit mata'y napisak
Sa kuko ng tusong uwak
Ngunit matayog pa rin ang pakpak.

Nakikipagtagisan
Ang hitong tingting sa balyena
matapos tusukin mata ng pugita
Mistula lang sapsap sa tinggin nila
Mataapos arburin ng pating
Ginawa lang pantinga sa ngipin.

Ibig kong sumisid sa lalim ng dagat
Ngunit ayaw ko ng tubig-alat
Kaya't nasisid ko ay burak,
Ang isipang napuwing
'Di makapusag sa gitna ng dilim
Ako ba'y aning-aning?

'Pagkat bulag ang katotohanan
Sa mata ng laksang kasinungalingan,
Sa diwang puno ng kababalaghan
Nbabasag marupok na lamat
'pagkat walang dalang agimat
Kundi mga salitang mala-alamat.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...