Marami nang tumuligsa sa MILF dahil di diumano sila nagpakita ng sinsieridad kung talagang hangad nila ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao. Depensa naman ng MILF, hindi nakipag-usap ang SAF sa kanila na papasukin nila ang kanilang teritoryo. Sinabi pa ng kanilang gobyerno na unang nagpapatok ng baril ang mga taga-SAF kaya't wala silang nagawa kundi ang lumaban. Bilang pagpapakita ng sinseridad ay ibinalik pa nila ang mga armas na kanilang nasamsam mula sa mga nasawing miembro ng SAF.
Hindi naniniwala ang mga kritiko ng BBL na hindi alam ng MILF na nasa Mamasapano ang target ng SAF na sina Marwan at Usman na itinuturing na most wanted terrorist sa buong mundo. Bagama't nasa poder ng BIFF ang dalawa. Ang BIFF ay break away group ng MILF at marami sa kanila ang mga magkakamag-anak.
Naniniwala ang iba na hindi sagot ang BBL sa pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao dahil lalakas lang diumano ang puwersa ng MILF sa ilalim nito. Base sa draft ng BBL ay magkakaroon ng sariling police ang kanilang grupo. Malaking pondo rin ang ialalaan ng pamahalaan kung sakaling maging ganap na batas nga ito. Meron na diumanong ARMM, bakit kailangan pa ng BBL? Para sa mga kritiko, parang inihihiwalay na nila ang teritoryong masasakupan nila sa Pilipinas dahil magkakaroon sila ng sariling alintuntunin. Mistula diumanong nais lang magpailalim ng MILF, hindi sa gobyerno ng Pilipinas kundi sa Malaysia na kilalang kaalyado ng grupo.
Bagama't marami ang tumututol ay purisigido pa rin si Pangulong Benigno Aquino na maisabatas ang BBL bago matapos ang kanyang termino. Naniniwala siya na ito ang magiging daan para sa pagkakaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao na matagal na ring pinaghaharian ng takot partikular na sa mga lugar na nasasakupan ng mga rebelde. Mahirap naman diumano kung babalik pa ang MILF sa armadong pakikibaka dahil pihadong maraming buhay na naman ang maisasakripisyo. Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief na si Gregorio Catapang ay ayaw na rin ng giyera dahil mahirap diumano ang maging frontliner sa giyera. Kung mayroon mang nakaaalam ng kung anong epekto ng giyera ay ang mga sundalo 'yun. Hindi ang mga taong nananawagan ng all out war na nasa isang tabi lang naman at nagpapasarap sa air condition.
Para sa mga taga-suporta ng BBL, mahalagang maisabatas ito para matuldukan na ang ilan ng dekada nang digmaan sa Mindanao. Mahirap kasing magpatakbu-takbo kapag nagpapalitan na ng putok ang magkabilang panig. Dahil sa digmaan ay 'di rin nakakapag-aral nang maayos ang mga bata. Mahirap din ang tumira sa mga relocation site. Bakit daw 'di na lang hayaan ng iba na sila ang magpatakbo ng kanilang lugar at hindi ang mga taga-labas?
Pero para sa mga kritiko, kahit nakikiisa pa ang MILF sa gobyerno ay 'di pa rin matatapos ang digmaan dahil and'yan pa rin ang puwersa ng BIFF pati na rin ang Abu Sayaff. Mayroon ding nababalitang may bagong tayong grupo na Islamic Justice Movement (IJM). Banggitin na rin ang grupo ng MNLF na nagtampo sa gobyerno matapos na makipag-negosasyon ang gobyerno para sa balak nilang paglalatag ng BBL. Kaya't ano ang kasiguruhan ng gobyerno na matatapos na nga ang gulo sa Mindanao dahil sa BBL.
Sadyang masalimuot ang usapin tungkol sa BBL. Dahil kasi sa nangyari sa Mamasapano ay maraming nagkakasakitan na ng loob. Nadamay na rin ang usapin hinggil sa relihiyon ng mga Muslim na hindi dapat mangyari dahil lumilikha lang ito ng pagkabaha-bahagi sa pagitan ng mga Muslim at 'di Muslim. Kung hindi naman siguro nangyari ang insidente sa Mamasapano ay 'di magiging ganito katindi ang pagtutol ng mga tao sa BBL. Sa ngayon, ang antabayan na lang natin ay kung maisusulong nga ba ang BBL o hindi. Pero kung matuloy man ito o hindi sana ay mayroon itong buting idudulot sa bansa natin.
No comments:
Post a Comment