Saturday, November 29, 2014

Sa Dulo ng Alaala

Nais kong ibalik simula ng gunita
At ang wakas nito'y ayaw ko ng makita
Hayaan mo akong magmistulang bulag
Upang kahit sandali'y 'di matinag.
 
Nais kong masilayan matatamis na ngiti
Na kapwa gumhit sa ating labi
Sa panahong dibdib ay lipos ng ligaya
Kung saan oras ay walang pagkaaksaya.
 
Ngunit bawat umpisa'y mayroong pangako
Na akala ko'y walang pagkapugto
Ngunit bakit nauwi sa siphayo?
Namulat akong luha na'y tumutulo.
 
Nasaan na yaong mga nagdaang mga araw?
Na ngayon halos 'di na maaninaw
Sa naglahong pag-ibig ako'y giniginaw
Hinahanap ang init na noon ay nangingibabaw.
 
Bagama't sa isip ko ikaw'y buhay
Sa alaala ng puso mo ako'y patay
Dating pagtingin mo sa aki'y ibinulid
Sa lalim at kadilimang 'di masisid.
 
O, ano'ng lungkot naman ng lumipas?
Sa paghihiwalay ng ating landas
Kung maaayos lang mga bagay na nasira
Marahil sa akin ikaw'y 'di mawawala.
 
 
Sa tuwing sisilipin silid ng nakaraan
Nakikita ko'y makukulay na larawan
Ngunit ito ay panandalian lang pala
Nang marating ko ang dulo ng alaala...

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...