Thursday, November 14, 2013

Pinoy Reads Pinoy Books: Libro para sa mga biktima ni Yolanda

                Nito lang nakaraang gabi ay nakilala ko ang ilang mga taga-Pinoy Read Pinoy Books, ang nag-iisang grupo sa Goodreads.com na sumusuporta sa mga librong gawa ng Pinoy. Merong proyekto ang grupo kung saan ay mangangalap ng libro upang ipagbili online. At ang mapapagbentahan ay idu-donate sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas. Ito ay idadaan sa pamamagitan ng Sagip-Kapamilya ng ABS-CBN. Isang napakagandang ideya ng isang book club kaya’t ang inyong lingkod ay ‘di nagdalawang isip na makiisa. Nangangahulugan lamang na ‘di lang puro basa ang maaaring gawin bagkus ang aklat ay maaari rin maging tulay para makatulong sa kapwa.

                Ayun nga at nakilala ko ang mga moderator ng PRPB na sina K.D. Surely at Biena pati na rin sina Juan, Diane, Chibivy, Glaiza at Anna. Nagkikita-kita kami sa McDo sa may Quezon Ave. Dito kinalap ang unang batch ng mga libro. Unang salang pa lang ay isang bag na ang nakolektang libro. Bukod dito ay marami pang pledges at may mga nagkakaloob pa ng libro. Kaya’t inaasahang uusad ang proyektong ito at nawa’y marami pang magkaloob at bumili ng libro.  

                Pagkatapos naming magkita-kita sa McDo ay tumuloy kami sa isang resto para uminom. Apat na lang kaming magkakasama, sina K.D., Biena at Juan. Nakadalawang bote rin ako ng Red Horse. Salamat sa treat na ito ni K.D. Masaya ako’t nakilala ko sila dahil nakatagpo ako ng mga bagong kaibigan na kapareho ko ng interes. Ano pa nga ba ang pag-uusapan namin kundi ang sarili nating panitikan. Siyempre, naging maganda ang daloy ng usapan. Naudlot nga lang ng may banda nang sumalang sa harapan. Ang gara lang dahil may lalaking nasa kabilang mesa na mukhang nagse-senti habang lumalaklak ng isang pitsel ng ice tea. Pero ‘di ko maintindihan kung nakikinig ba talaga siya dahil may nakapasak na earphone sa tainga. Nasabi ko ito kay Biena, pero una na palang napansin ni K.D. Ibang klase talaga, hehe.  


                Sa mga nais tumulong sa proyekto ng PRPB, maaaring magtungo lang sa aming Facebookfan page at i-like ito at antabayan ang mga ibebentang libro. Maaari ring mag-donate ng libro. Ang proyektong ito ay magtatagal hanggang Disyembre 15. Gawin natin ‘to para sa mga naging biktima ni Yolanda at para na rin sa ngalan ng pagbabasa! 

               

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...