Idagdag mo na ang calamares o piniritong pusit sa mahabang lisatahan ng mga street food. Kahit baguhan pa lang ito sa kalye ay matagal na ang ganitong uri ng pagkain kaya't pamilyar na tayo rito. Ngayong inilalako na ito sa kalye ay talaga namang humahataw dahil marami na agad ang bumibili rito. Hindi tulad ng ibang produkto ng pagkain na bagong labas na kailangan pang i-promote o ipakilala sa mga mamimili. Ang calamares ay ibinababad sa asin, paminta at seasoning. Pagkatapos nito ito na ay hinihiwa saka ibinababad sa arina bago iprito.
Sa lungsod nga ng Antipolo ay nagkalat na ang mga nagtitinda ng calamares at ayon sa mga bali-balita kalat na rin ito sa kalakhang Maynila. Hindi ito kataka-taka dahil masarap naman talaga ang piniritong pusit lalo na't kapag isinawsaw mo sa suka, mapamaanghang man o hindi. Isa pa, ugali na rin ng mga gustong kumita na kapag patok ang isang negosyo ay nagsisipaggayahan na.
Kung bibili ka nga naman ng isang kilong pusit ay napakamahal. Kaya't kung gusto mong makakain ng pusit ay bumili na lang sa naglalako ng calamares. Bukod sa masarap ngang papakin, ilang piraso lang nito ay puede ng iulam. Hindi ito gaya ng isda na kapag kinain mo ay may maiiwang lansa sa iyong bibig.
Ayon sa mga street food vendor na fishball at kwek kwek ang itinitinda hindi naman daw nila itinuturing na kakumpetensiya ang mga calamres vendors. Maganda nga raw 'yun at may ibang pagpipilian ang mga tao. Saka patunay lang daw ito na lalo pang sumisikat ang mga street food.
No comments:
Post a Comment