Ang karaniwang perlas ay ginagawang alahas at maaari ring gawing kasuotan. Dinudurog pa nga ito at inihahalo sa paggawa ng gamut, kosmetik at paggawa ng pintura.
Samantalang ang itim na perlas ay bibihira lamang matatagpuan. Inaakala pa nga ng iba na sa palabas lang sa telebisyon ito makikita kung saan ay sirena ang bida. Ipinapakita sa palabas na nagbibigay ng kapangyarihan ang itim na perlas sa gumagamit. Ngunit hindi ito basta bahagi lang ng pantasya bagkus mayroon talaga nito sa realidad. Hindi kapangyarihan ang ibinibigay nito kundi ibayong paghanga sa sinumang makakakita nito.
Ang itim na perlas ay naiulat na matatagpuan sa Libuton Cave, sa may Zamboanga Del Norte. Kapag pupunta ka roon ay may nakantabay ng giya o tourist guide at may kasama pang Red Cross personnel para siguradong magiging ligtas ang gagawing paglalakbay. Bago makapunta sa kuweba, kinakailangan munang mag-rappel ng apatnapung talampakan. Sinasabing bago makarating sa sentro ng kuweba ay dadaan muna sa maputik at medyo makitid na bahagi ng kuweba. Pero ayon sa mga nakapasok na rito ay sulit naman ang pagpunta dahil namangha sila sa ganda ng itim ng perlas.
Nabubuo ang itim na perlas sa pamamagitan ng stalactites at stalagmites sa loob ng kuweba. Ang stalactites ay ‘yung tubig na nagkahugis galing sa itaas sa kuweba samantalang ang stalagmites naman ay buhat sa ibaba. Sinabi ni Dr. Carlo Arcilla, Head of Geological Science Department ng UP na ang ganitong uri ng perlas ay sadyang pambihira. Dahil nabuo ito sa loob ng kung hindi man sa loob ng napakaraming dekada ay milyong taon ang inabot.
Bilang pagpapahalaga ng gobyerno sa nasabing likas na yaman ay ipinagbabawal itong kuhain. Maaari lamang itong litratuhan at hindi rin puwedeng hawakan para maiwasan ang pagkasira. Sa pamamagitan nga naman nito ay maipipreserba ang itim na perlas. Nang sa gayon ay makita pa ito nang susunod na henerasyon.
Ang ating Pambansang Bayani ay minsan nang naipatapon sa Dapitan, Zamboanga Del Norte, may apat na taon bago siya hatulan ng kamatayan ng mga Kastila. Nakag-ipon siya ng mga intersanteng datus tungkol sa iba’t ibang halaman at bulaklak sa nasabing lugar. Ngunit nakalagpas sa kanyang kaalaman ang kuweba ng Libuton na nasa malapit lang sa kanyang kinalalagyan. Marahil kung nadiskubre niya ito ay nagawan pa niya ito ng tula o ‘di-kaya ay isinama sa iba niyang sulatin. Malamang ay magiging literal ang pakahulugan sa sinabi niya, na ang Pilipinas ay ‘Perlas ng Silangan’ dahil may natatagong itim na perlas sa ating lupain!
No comments:
Post a Comment