Minsan nang ang puso ko ay nahalina
Sa karilagan ng orkidyas at kamya
Pinangarap ko ito't pinipithaya
Na malasap ang bangong nasa kanila.
Nag-aanyaya yaong mga talulot
Silakbo ng dibdib walang pagkatugot
Nadarama ay lubhang masaligutgot
Heto ako't naluluoy, natutuyot!
Sa Cadena de Amor, mata'y naakit
Ngunit mailap t'wing ako'y lumalapit
Tila amorsekong nagbibigay tinik
Sakit ang gawad sa aking pananabik.
Pagkatao ko ay kanyang kinadena
Sa lungkot, kawalang-pag-asa't pangamba
Bawat bulaklak tila walang halaga
Laging taglagas pagsapit ng umaga.
Malamlam ang pagbati ng mga santan
Gumamela ay mag ngiting mapang-uyam
Habang ang liryo ay walang pakiaalam
Puso ko'y tila nahiwa ng kampilan.
No comments:
Post a Comment