Sunday, November 16, 2014

Bulaklak-Hangin

Sana 'di ka basta isang bulaklak-hangin
Na sumasabay lamang sa pag-ihip
Waring inililipad ng hungkag na panaginip
Pagkatapos ay 'di na masilip
'Di na matagpuan sa aking harding-silid.
Lalong h'wag kang maging bulaklak-tubig
'Di mabubuhay minsan lang 'di madilig
Naglulunoy lamang sa maghapon
'Di alam kung saan paroroon
At malulunod sa madaling panahon.

Kung bulaklak-hangin ka mang sadya
Hingahan mo ako upang maging payapa
Upang magkaroon ng buhay yaring tula
Hipan mo ang namumuong mga luha
Nang matuyo at di na mabalisa.

Ngunit h'wag ka sanang basta magpaparamdam
Na 'pag hinahabol ay nawawalang lubusan
Bagkus sa piling ko ay manahan
Maging bulaklak-hangin ka na aking nahahawakan
Mabubuhay kata, mistulang walang kamatayan!
Puspusin mo ako ng iyong bango
Upang matanggal itong pagkahilo
Sa mga salitang bunga ng pag-ibig ko sa 'yo
Ilusyon man subali't totoo
Bulaklak-hangin ka na sa diwa ko'y nabuo
Sa puso ko, ikaw'y 'di maaabo!


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...