Sino
ang may sabing wala ng komiks sa bansa? Hindi naman ito nawala kundi nag-iba
lang ng anyo. Mula sa produkto na nakikita sa bangketa, ngayon ay laganap na
ito sa mga bookstore. Kung mapupunta ka nga sa National Bookstore ay makikita
mong andaming comics book na gawa ng mga Pinoy artist mula sa Visprint,
Precious Pages at iba pa.
Pagkatapos
na mamatay ang industriya ng komiks sa bansa ay sinubukan pa itong ibalik ng
batikang manunulat ng komiks na si Carlo J. Caparas katulong ang kumpanyang
Sterling. Pero nabigo ang aksyon nilang ito. Sadyang nag-iba na ang panahon at
tuluyan nang inagaw ng mga bagong libangan ang komiks na numero unong libangan
noon ng masang Pinoy. Naabutan ko pa ang kasikatan ng komiks. Noong bata pa ako
ay nahilig din ako sa pagbabasa rito. Lahat na yata ng uri ng komiks ay binabasa
ko. Mula action, fantasy, comedy, drama at iba pa ay meron ako. Ibang klase
kasi ang katuwaang hatid ng komiks dahil lumalawak ang iyong imahinasyon.
Dinadala ka ng komiks kung saan-saan at tulad ng panunuod ng pelikula ay para
bang kaharap mo lang din ang mga tauhan. ‘Ika nga ay nararamdaman mo sila.
Nang
mawala ang komiks, siyempre marami ring mga comics creator ang nawalan ng
trabaho. Marami ang naghirap sa kanila nang mawala ang kabuhayan nilang ito. Ngunit
may mapapalad pa rin naman na nagamit pa rin ang kanilang talento. Ang ibang
manunulat ng komiks ay bumaling sa pagsusulat ng pocketbook at diyaryo. Ewan ko
lang kung ano na ang nangyari sa mga dibuhista. May debuhistang ‘di
pinangalanan akong napanuod sa TV at pinasok niya raw ang pagdu-drowing ng
hentai o anime na bold ng mga hapon.
Dahil
na rin sa pagkakaroon ng event para sa mga gumagawa at nagbabasa ng komiks
partikular na ang Komikon ay nabuhay ang komiks sa bansa. Pero siyempre,
kinabibilangan na ito ng bagong henerasyon. Ipinapa-xerox nila ang kanilang mga
gawa at saka ibinibenta sa naturang kumbensyon. Pero ‘yung mga may budget ay
naka-imprenta ang kanilang gawa. Tinangkilik naman ito ng mga kabataan. Bukod
dito ay may mga Pinoy komiks din na lumabas sa Internet at naging positibo rito
ang feedback ng mga tao. Kaya’t ‘di na
rin nakapagtataka na naging visible na ang Pinoy komiks sa mga bookstores.
Dati-rati kasi ay puro komiks lang na gawa ng mga dayuhan ang makikita.
Kung
ikukumpara ang komiks noon sa ngayon ay ibang-iba na talaga ito. Hindi na ito
pang-masa, ‘ika nga. Mahal na rin kasi ang presyo ngayon ng mga komiks. Pero
natural lang ito dahil nasa book form na ito at mahal ang mag-produce ng ganitong
uri ng babasahin. Marami rin sa mga ito ay sa Ingles na nakasulat. At kung
papansinin, ang ilan ay katulad sa istilo ng mga dayuhan, may ala-manga at
meron ding ala-Marvel. Pero ‘di naman
natin ito minamasama, ang importante ay kulturang Pinoy pa rin ang itinatampok
sa kanilang mga akda. Pero kung husay ang pag-uusapan, walang duda na
magagaling talaga ang mga Pinoy. ‘Di ba’t ang ilan pa nga sa kanila ay bahagi
ng paglikha ng mga sikat na karakter, ‘di lang sa komiks kundi pati na rin sa
paglikha ng anime na pinasikat ng mga hapon.
No comments:
Post a Comment