Wednesday, May 28, 2008

Eros Atalia: Alaskador na Kuwentista









Si Eros at ang kanyang kababata na nasa cover ng Peksman









"Kanya-kanyang kati,kanya-kanyang kamot
Kanya-kanyang libog, kanya-kanyang kantot."
-Eros Atalia




Ibang klase talaga ang libro ni Eros Atalia na pinamagatang,"Peksman Mamatay Man Nagsisinungaling Ako at iba pang kuwentong kasinungalingan na 'di pa dapat Paniwalaan." Pamagat pa lang ay nakakatawag-pansin na sa mambabasa. Sa cover pa nito ay mayroong naka-dirty finger na lalake na nakausli ang ngipin. Lalo na kapag binasa mo ang librong ito na punong-puno ng dark humor. Dahil 'di lang basta nagpapatawa si Eros kundi pinagtatawanan niya ang mga bagay-bagay na mayroon sa ating lipunan. Kaya't ang lalakeng naka-dirty finger sa unahan ay tila nanunuya sa mga tao o pangyayari sa ating bansa. Ikalawang libro na niya ang Peksman,inilabas ng UST ang una niyang libro na may pamagat na Taguan-Pung at Manwal sa mga Napapagal.



Si Eros ay nagmula sa lahi ng manunulat, ang kanyang lolo at ama ay mga manunulat din. Kaya't nasa dugo na talaga niya ang pagiging manunulat. Siya ay dating nagsusulat sa mga tabloid bago makapasulat ng libro. At hindi lang siya basta karaniwang manunulat dahil marami na rin siyang napagwagiang patimpalak tulad ng Palanca para sa maikling kuwento, Gawad Balagtas,Pambansang Timpalak sa Pagsulat ng Tula ng Panday Lipi Ink. Isa diumano si Jun Cruz Reyes sa kanyang impluwnesya sa pagsusulat ng kuwento. Si Eros ay tubong Cavite at kasalukuyang nagtuturo ng journalism.


Ang maganda kay Eros ay pang-masa ang mga gawa niya. Kahit pa sabihing siya ay nagmula sa eskuwelahan ng mga elitista(DLSU). Makikita ang kanyang pagiging maka-masa sa mga gawa niya dahil kahit mga simpleng bagay ay nabibigyan niya ng pansin. Tulad ng mga eksena sa loob ng dyipni, karenderya atbp. Dahil naniiwala siyang ang panitikan ay hindi lang para sa lobo ng akademya. Bagkus ito ay dapat ibahagi sa masa. Sinabi ni Eros na ang kahalintulad ng libro niya at ang mga gawa ni Bob Ong at iba pang manunulat ay nagsisilbing protesta ng mga tao sa nakasanayang panitikan na nakakahon pa rin sa kumbensyonal na pamamaraan. Itinuturing kasi ng mga nasa akademya na hindi sila bahagi ng panatikan kundi tinatawag lamang nila itong Pop Culture. Subali't mariin itong pinasubalian ni Eros dahil nagpapakita lang ito na iba ang kagustuhan ng mga tao kaya pumatok ang ganitong uri ng babasahin. Naniniwala siyang ang Visual Print Enterprises, publisher ng kanyang libro na sila ang nagpapasimulang bumago sa anyo ng panitikan sa bansa. Bagama't sarado pa rin ang taga-akademya ay unti-unti na naman diumanong natatanggap ng mga ito na sila ay bahagi rin ng panitikan.


Ang Peksman ay nagsimula sa paggising sa umaga ng bidang si Intoy patungo sa pag-aaplay ng ng trabaho at nagtapos naman sa pag-uwi nito sa kanilang bahay. Subali't sa isang araw na iyon, dahil sa likot ng pag-iisip niya ay nagawan niya ng paraan na ikonekta ang maraming bagay-bagay. Marahil ito ang tinatawag ni VIm Nadera,propesor ng UP na kuwentong walang balangkas dahil sadyang naiiba ito sa karaniwang paraan ng pagkukuwento. Hindi mo naman masasabing nobela o sanaysay. Kumbaga kung anu-ano na lang ang kanyang ipinapasok kaya't nagkasala-salabat. 'Yan ang nagpakulay sa kuwento ni Eros habang sumasalimuot ay lalong gumaganda. Hindi siya dapat sabihing gaya-gaya lang kay Bob Ong. Kung tutuusin mas maangas siya dahil sa pagkakaroon niya ng dark humor.



Gustong makilala ni Eros sa pagkakaroon niya ng dark humor at lutang na lutang ito sa kanyang libro. Kung galit ka diumano sa mundo maaari mo naman itong isulat sa ibang paraan. Katunayan marami siyang binira sa kanyang libro katulad na lamang ng Pinoy Big Brother, mga game show sa telibisyon, ang pulitika sa Pilipinas, relihiyon at marami pang iba. Mahilig lang daw talaga siyang mang-alaska kaya niya ito naisulat. Ani ni Eros, "Kung ano 'yung ipinagbabawal 'yun ang mas gusto kong isulat. Tapos na tayo sa panahon ng inquisition kung saan lahat na lang ay ipinagbabawal. " Ngunit nang tanungin siya kung ano ba ang mensaheng gustong iparating niya sa mga mambabasa ay sinabi niyang matatalino ang mga nagbabasa at bahala na sila kung ano man ang kanilang pagkakaunawa sa kanyang libro. At para naman sa mga tinamaan niya ng kanyang mga tirada ay wala siyang pakialam sa kanila. Ika nga, "batu-bato sa langit ang tamaan huwag magagalit."


Pero ang tanong, nagsisinungaling nga ba si Eros sa pagkukuwento niya? Isa lang ang totoo hindi si Eros ang nagsisinungaling kundi ang ilang personahe na pinatutungkulan niya sa kanyang kuwento. Sabi nga ni Eros, "Paano mo sila paniniwalaan kung alam mong nagsisinungaling nga sila."












6 comments:

Dakilang Tambay said...

nakita namin yan sa national bookstore. gusto ko sana bilhin kaso ala ako pera. mukhang maganda nga siya.:)

Unknown said...

Oo maganda talaga siya punong-puno ng kaangasan, na VPE lang ang may lakas ng loob mag-publish.

RioEda said...

tama tama

Anonymous said...

astig nga talaga yan.. bumili ako nyan ehh.. astig silang dalawa i bob ong..

Anonymous said...

astig din siyang prof. matututo ka talaga

kimoiselle said...

cover page pa lang, nakahihikayat nang umakit ng mambabasa. hindi ako sang-ayon na inihahalintulad si atalia kay bob ong, oo nga't pareho silang postmodernong prinsipe, oo nga't pareho silang nagpapatawa..ngunit kung titignang mabuti, kung susuriin at kikilatising maigi ang estilo ng pagsusulat at ang nilalaman ng libro ng bawat isa, magkaibang-magkaiba sila.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...