Sunday, November 16, 2014

Ang Pag-ibig Mo

Mahal, huwag kang lumimot sa gitna ng pag-alala
Ng bawat sandaling tayo'y magkasama
'Di ba't ito'y may dinadalang sigla?
Sa mundong 'di alam kung saan ang punta.

Mga mata natin ay mayroong kislap
Kapag tinititigan ka'y ayoko nang kumurap
Ayaw ng bumitaw 'pag ikaw'y yakap-yakap
Sa himaymay ng diwa ko ikaw ang kalangkap.

Kapag 'di ka nakikita lubhang kainip-inip
Damdamin may kalungkutang kahalukipkip
Marahil 'pag nawala ka masisiraan ng isip
Ngayon pa man ding baliw na sa 'yong pag-ibig.

Langit sa lupa aking natagpuan
Sa piling mo'y mayroong kaligayahan
Ang umibig pa sa iba'y 'di ko hahayaan
'Pagkat sa pag-ibig mo lang nananangan.

Batid kong mahal mo rin akong sadya
'Pagkat ang puso'y hinding-hindi madadaya
Bagama't sinasabing natuturuan pa nga
Ngunit pag-ibig mo'y sumibol ng kusa.

Ang pag-ibig mo ay walang kasing tamis
Ninanamnam ko sa puso ng labis-labis
Nawa ito ay 'di na mapapalis
'Pagkat sa habambuhay ikaw na ang nais! 


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...