Monday, April 28, 2008

Tao Vs. Aso

Kuha ni: William M. Rodriguez II
Kinatay mo ang iyong kaibigan
Ng walang awa,
Ng walang kaluluwa
Palibhasa ay hayop at walang laban
Ni hindi makagat ang among
pinag-alayan ng bait.

Masarap ba ang karne ng aso?
Eh, ang karne kaya ng tao?

Pero sino ba ang mas matindi
ang aso o ang tao?
Matibay ang sikmura ng asong
kumakain ng samu't saring dumi
Kulang na lang ay kaninin ang sariling tae
Pero mas matibay ang sikmura ng taong
kumakain ng sariling alaga
Parang nagpapataba lang ng baboy
para patayin at katayin!

Mahalay ang aso at nakikipagtalik
sa kalsada
Samantalang ikaw sa tagong lugar nakikipagniig
Pero kapwa kayo nakalawit ang dila
at marunong ka rin naman ng istilong aso
'Yun nga lang magaling kang mangabayo.

Pareho lang kayo ng asong umiihi
sa kung saan-saan
Pero 'di traydor ang aso
Humaharap ito kung gusto niyang humarap
Ng walang pag-aalinlangan,
Ng walang pagkukunwari.

Ang hayop ay hayop sa kanyang pagkahayop
Pero ang tao ay hindi tao sa kanyang pagkahayop.
Ngayon sino ba ang mas ulol ang tao o ang aso?


Wednesday, April 23, 2008

Mahal

Kay hirap bigkasin ng salitang "mahal"
Lalo't gumagamit at pinaggagamitan nito ay sandamukal
Pero wala ng mas mamahal pa sa presyo ng mga paninda
Na sa araw-araw ay ating iniinda.

Gusto mo bang tawagin din kitang Sweet o Chocolate?
Kahit 'di ka baklang super kulet
Ayoko namang tawagin mo akong si Mura
Kahit bansot ang bulsang laging walang pera.

Paano mo pa ako mamahalin
Kung wala na ako sa iyong maipapakain?
Kundi mga tulang mas maalat pa sa asin,
Ano ang kahulugan ng pag-ibig
Kung ang sikmura'y laging maligalig?
Matamis na pagtitinginan din ay tumatabang
Hanggang sa mawalan ng lasa't kasusuyaan na lamang
Buhay pa tayo pero inililibing na sa utang.

Ah, mahal na ngayon lahat ng bagay sa mundo
Pati na ang puso ng tao
Habang nagmamahal sumasakit ang ulo
Ikaw, magkano ka ba sa palagay mo?
Oo nga pala 'di kita kayang bilhin
Kahit pa sabihing ikaw na ay sa akin.

Kaya't puwede ba h'wag mo akong tawaging mahal
Dahil nakakaasiwa na at nakakaduwal
Ang kailangan natin ay kanin at ulam
Saka kape, asukal, tinapay, mantika, toyo
at kugn anu-ano pang nasa mahabang listahan
Na kinalalagyan ng tunay na nagmamahalan...

Monday, April 21, 2008

Bingo!


Umaga na naman at kagigising ko pa lang ay nauulinigan ko na ang usapan sa aking mga kapitbahay, "Ano'ng lumabas sa ending kagabi?" Kung hindi ending ang itinatanong ay jueteng naman ang pinag-uusapan. "Putsa! Sayang hindi ko natayaan ang alaga kong numero." Himutok ng isa dahil lagi niyang tinatayaan ang numerong 'yun. Kung kailan hindi siya nakataya ay saka pa tumama ang alagang numero niya. "Sayang nga no eh 'di marami ka sanang pambili ng bigas ngayon," pakli naman ng isa na hihimas-himas pa sa alaga niyang manok. Buti nga kung pambili ng bigas dahil sa pansugal din nauuwi, kung hindi ay pang-toma. Wala, halos araw-araw ganun lang ng ganun ang naririnig kong usapan. Mag-iiba lang ang eksena tuwing araw ng Linggo dahil may ilegal na pasabong sa lugar namin. Minsan nga ay may mga pulis na sumugod sa bakanteng lote na kanilang pinag-sasabungan. Ano pa't dali-daling nagpulasan ang mga sabungero. Tapos may biglang dumagundong na mga yapak sa bubungan namin na parang mga kabayo. Ang mga lekat sa pagmamadaling makatakas ay sa bubong ng may bubong nagsipagdaan.Gusto pa yatang butasin ang bubong namin. Buti na lang daw at walang nahuli dahil ang bibilis tumakbo ng mga sabungero kundi proproblemahin pa nila ang pampiyansa kapag nakulong.

Pero ang pinaka-highlights sa lahat ay itong pa-bingo ni Ineng. Si Ineng ay katapat lang ng bahay namin at mayroong tatlong maliliit pang mga anak. Ang kanyang asawa ay isang construction worker. Noong una nagkukuwentuhan lang sila ng kanyang mga kasamahan. 'Yun bang walang sawang kuwentuhan mula umaga hanggang hapon. Kahit ano na lang ang pag-usapan basta may masabi. Pero nagsawa na yata sila sa ganuong eksena kaya't isang araw ay naisipan niyang bumili ng mga prapernalya sa pagbibinggo. Hindi naman siya nabigo dahil dayuhin na talaga siya ng mga kapitbahay namin. Kahit hindi siya magtawag ay nilalapitan siya ng mga ito. Kahit wala siya ay tuloy pa rin ang bingo dahil hinihiram ang gamit niya ng mga adik sa bingo. Minsan nga umulan ng kaunti tapos ng tumila na ang ulan ay patuloy pa rin ang ligaya.

Marunong din naman akong magbinggo, nakapaglaro na ako nito sa lamay ng patay ng isa kong kakilala. At talaga namang nakakawili ang maglaro dahil maliit lang ang taya mo ay marami ang babalik sa iyo. Iyon ay kung ikaw ay mag-isa kang naka-jackpot.Minsan din ay isinama kami ng kaibigan naming ale sa binggohan na nakapuesto sa may palengke. Singgkuwenta pesos ang isang card tapos nang manalo siya ay binalatuhan kami ng tig-isang daan ng kasama ko. Ang ibinigay niya ay dinagdagan ko na lang ng singkuwenta pesos para ibili ko ng t-shirt na may tatak ni Che Guevarra. Adik din sa binggo ang isang 'yun pero marunong siyang magkontrol dahil ang sobrang pera lang sa pangangailangan ang kanyang ipinang-susugal.

Araw-araw maraming player ang binggohan ni Ineng. Ang masama nga lang nakahamblanag sila sa daanan. Pati ang hagdanan namin ay sinakop na nila at doon nagsi-pag-upo at inilalatag ang mga card. Tapos ang ingay ng inaalog na boletin at ang pagssigaw-sigaw ng taga-alog nito. "Sa letrang B, bulbol!" ang sigaw ng aleng pagkalakas-lakas ng bunganga na akala mo ay nasa palengke. Paikot-ikot lang ang mga taga-alog, kung sino ang may gusto ay pinagbibigyan. "Sa lertrang O,tsalap tsalap!" sabi ng lalakeng parang tutulo pa ang laway sa pagkakabigkas. Kapag sinabing ganito gets na ng mga player kung ano ito, na ang ibig sabihin ay 69(baliktaran). Ang mga bingoers talaga magagaling maglaro ng mga salita, kabastusan nga lang ang iba. Kapag mayroong bumibingo ay nagsisipagsigaw pa na para bang tumama sa lotto kulang na lang ay tumalon dahil sa matinding katuwaan. Hay naku, nakakatulilig talaga parang gusto ko na ngang magwala sa inis. Mabuti pa ang pagbabaraha tahimik dahil kailangang nakatutok ka rito kapag naglalaro. Pero ano ba naman ang laban ko sa mga ito eh ang dami nila samantalang ako ay nag-iisa lang. Lalabas pa na kj ako sa kanila at walang pakisama. Kaya't wala akong ibang magawa kundi ang damhin ko ang kanilang ingay at mag-excuse ng mag-excuse tuwing nanduruon ako sa papasok sa bahay namin. Ako pa ang nag-aadjust nang husto gayung sila lang itong nakikipuwesto. Saka mga manhid na rin ang mga taong ito kahit nakikita ka ng dadaan ay hindi agad tatabi. Minsan nga parang gusto ko ng lumipad 'pag dadaan ako kaysa naman masagi ang mga card nila at mapag-nitan pa nila ako. Minsan nga nagpatugtog ako ng malakas pero wa epek din dahil lalo pa nilang nilakasan ang boses nila at pagsigaw-sigaw. kaya walang ibang nabingi kundi ako. kahit lagyan ko pa ng bulak ang taenga ko wala pa rin. kahit basain ko pa ang hagdanan namin wala pa rin. Sa init ba naman ng araw ay ang bilis matuyo ng semento. Iniisip ko nga ano kaya kung pag-aaapakan ko lagi 'yung mga taeng nadadaanan ko tapos ikaskas ko sa pinaglalaruan nila. Hindi kaya sila magalit sa akin?

Hindi ko namang gustong maging kaisa nila dahil 'di ako naniniwala sa kasabihang, "If you can't beat them,join them." Binibiro nga ako ng ilan na kalabanin ko na lang daw si Ineng, magtayo rin ako ng bingohan sa loob ng bahay namin para maglipatan ang kalaro nila. Kung 'di ba sila gunggong eh gusto ko nga iwasan dadalhin ko pa sa loob ng bahay namin? Minsan nga hindi ako umuuwi para makaiwas lang sa ganitong eksena. Ganun naman talaga ang ilan sa Pinoy walang pakialam sa kapwa nila basta sila ay nasisiyahan, tabla-tabla na! Kaya't maraming nagbi-videoke kahit dis oras ng gabi kasi nga mga sarili lang nila ang kanilang iniisip. Eh, 'sa gabi lang sila nakakapagpahinga eh? Ang kapahingahan nila ay 'di naman pagkatulog ng iba.

Iba't ibang karakter ang mga manglalaro ni ineng pero lahat sila ay mga walang trabaho. Dahil ang sila ay mga housewife at ang ilan ay mga stambay na kalalakihan. Nakakapagtaka palagi silang may pera pagdating sa bingo. Kunsabagay barya-barya lang naman ang taya rito kaya't hindi ka mababaon sa utang. Masaya na rin siguro si Ineng sa natatanggap niyang tong mula sa mga naglalaro. Ito siguro ang dahilan kung bakit araw-araw ang kanyang pa-binggo para magkaroon na pera.Wais! Ang ibang mga kalahok ay pawang may maliliit pang mga anak. Ipinapaalaga na lang sa kasamahan sa bahay makapaglaro lang ng bingo. Tapos ang iba ay pinababayaan lang na maglaro kung saan-saan. Tulad nitong si Apeng na minsan ay 'di na raw nakakain at madalas ay nadadapa, naasusugatan at nakakaapak pa ng tae. Ang batang ito ay papansin dahil kapag napadaan ka ay bigla ka na lang hahampasin. Paano 'di papansin ay 'di naman iniintindi ng magulang. Kahit sabihan pa ang magulang ay wala rin dahil parang wala itong naririnig at wala sa sarili.

Mayroon namang nanay na habang nagbibinggo ay nagpapasuso ng anak! Ito ba ang tinatawag nilang,"kapag gusto may paraan, kapag ayaw maraming dahilan." Hay,ewan ko ba sa mga taong ito kung bakit naging ganito na lang ang ikot ng mundo nila sa araw-araw. Hindi lang ito basta ordinaryong libangan dahil kitang-kita ang kanilang pagkatalamak sa larong ito. Mapangit namang isipin na ganito na lang ang laman ng kanilang utak. Gayung mas marami pang dapat isipin at mas marami pang dapat gawin. Parang 'yung utak yata nila ang inaalog hindi ang boletin.dahil ang boletin ibinabalik lang sa lalagyan. Eh, sila hirap na silang ibalik sa kung ano man ang dati nilang pinagkaka-abalahan sa buhay. 'Yun ay kung mayroon man,he he. Paano ito hindi mangyayari eh mga adik nga, adik sa bingo!

Ilang lugar kaya ang mayroong ganito sa Pilipinas sigurado akong marami ang may kagaya rito?Teka may naririnig na naman akong nagsasabing namumuro na raw siya. "Sa letrang I...46!"..."Bingo!"

Thursday, April 17, 2008

Kapag Nagsisikip Ang Trapik


Hindi makalipad ang gulong na de pakpak
'Di makaalis tila awtong pupugak-pugak
Dito sa kalsada kay sangsang ng halimuyak
Maalinsangan, ang ulan ay 'di makapatak.

Ayaw dalawin nitong antok, 'di makaidlip
'Di makapaglakbay sa magandang panaginip
Sa loob ng sasakyan lubhang nakaiinip
Kumakabog ang aking dibdib, tumatahip.


Gusto kong sumigaw ngunit 'di makapalahaw
Gusto kong umigpaw ngunit 'di makaibabaw
Nagkakasiksikan kaya't 'di na makagalaw
Mula sa kinauupuan ay nakapangaww.

'Di makaraan ang tumatakbong ambulansya
Halos lahat ng sasakyan bubusi-busina
Iba'y bubulung-bulong waring naglilintaya
Nakahinto man 'di makaiwas sa disgrasya.

Nag-iinit ang ulo karamihan ng ttao
Madaling mapikon parang ilawang pundido
Laging may bangayan ang tsuper at pasahero
Mahangin sa labas kaya't gustong magpapresko?

Mga sasakyan ay parang nakapilang langgam
Mahalaga ang bawat oras lahat ay nababalam
Makarating agad ang siyang inaasam-asam
Ngunit ang lintek na trapik parang nang-uuyam.

Mabuti't lumalawak itong imahinasyon
Kahit nalulukob na ng matinding polusyon
Dumadaloy sa diwa ang ritwal ng abusyon
Usok ng tsubibo ang tanging nagbibendisyon.

Saturday, April 12, 2008

Ambot sa Emo


Bakit ang mundo'y laging kay dilim?
Tulad ng isinusuot mong damit na kulay itim
'Di ka naman gothic na nanghiram ng balabal
kay kamatayan
Na kanilang ibinalabal sa nandidilat na katauhan,
Maaari bang mahiram ang itim mong lipstik?
Upang sa blangkong pader ay aking maiguhit
ang pinagmulan ng iyong hinanakit.

Utak nga ba ay wala ring sing gulo
Tulad ng buhok mong kakaiba ang istilo
Nais mo yatang takpan ang iyong mga mata
Dahil ba sa marami kang ayaw makita
O isa lang pagbaling sa gilid ng mukhang
pilit itinatago ang namumuong luha?

Marahil nalulunod lang sa emosyon
Pagkat ang damdamin ay 'di naikakahon
Bagkus kumakawala ito't sumasabog
Sumasabay sa maingay ngunit napakalungkot
na tugtog.

Mistulang pinaghapdi ng iyong musika
ang matagal mo ng sugat
Kinalkal, ginatungan hanggang sa sumiklab
Waring nahulog sa likha mong bahay-alapaap
Mistulang awit ng agunyas o punebre
Sa atmosperang pang-unang araw ng Nobyembre.

Nais mo bang alayan kita ng kabaong
Upang mahimlay ka na't tuluyang maibaon?
Ngunit bawat isa sa atin nakahanda na ang hukay
Walang maiiwan kundi ang puso't diwang imortal
Ngunit mistulang nagpapakamatay
Sa musikang unti-unti kang pinapatay...

Saturday, April 5, 2008

Taong Grasa



Kuha ni William M. Rodriguez II



Wala siyang pangalan, walang tirahan, walang kamag-anak, walang kaibigan o sa madaling salita ay walang pagkakakilanlan. Basta't ang tawag lang sa kanya ay taong grasa dahil nakukulapulan ng samu't saring dumi ang buo niyang katawan. Bagama't 'di naliligo ay hindi nababahuan sa sariling amoy. Marahil ay manhid na siya sa mga mikrobyong nakakapit sa kanya 'Di tulad ng iba na maselan na makaharap lang ang tulad niya ay agad nang magtatakip ng ilong. Pagdating naman sa porma, gutay-utay ang damit at pantalon. Minsan nga ay hubad na ito at nakikita na ang kanyang kaselanang dapat sana'y nakatago. May kung anu-ano pang burluloy na nakapulupot sa katawan. May dala-dalang mga plastik na kung anu-ano lang din naman ang laman. Ngunit para sa kanya ay isa itong kayamanan na kanyang pinakaiingatan.




Hindi lang siya iisa kundi napakarami dahil kahit saan ka magpunta ay maraming tulad niya. Palakad-lakad lang sa mga lansangan pero wala naman talagang patutunguhan. Umuusal ng wikang siya lamang ang tanging nakakaintindi, minsan pa nga tunog German. Kapag naiintindihan naman ay pailit-ulit lang ng sinasabi. Kapag tumatawa siya, sino kaya ang kanyang tinatawanan? Ang sarili ba niya o ang mga taong nakapaligid sa kanya? Kapag umiiyak naman siya marahil ay iniiiyakan niya ang aba niyang kalagayan. Kung iisipin ay siya na ang pinakaawa-awang nilalang sa mundo. Hindi ang mga pulubi na nakikita natin, dahil ang pulubi ay mayroon pang katinuan at may kakayahang kumitat sa pamamagitan nga ng pamamalimos. Eh, siya wala na dahil wala na siyang pakialam sa ating lahat.




Iniisip ko nga, paano pa kaya siya nabubuhay sa ganito nilang kalagayan? Marahil ay instinct na lang ang umiiral kaya patuloy pa rin siyang nabubuhay. Kapag nagutom ay magkakalkal na lang ng pagkain sa basurahan. Masuwerte kapag may mga taong naaawa dahil may libreng pagkain. Ang masaklap nga lang marami sa katulad niya ay bumubulagta na lang. Namatay siguro sa gutom o nanigas na lang sa sobrang lamig ng panahon.Ni wala man lang makikiramay sa kanilang pagpanaw.




Bago kaya siya maging taong grasa ay sino siya? Ano ang mga bagay na nagpatiwalag sa kanya sa realidad? Kung ano mang dahilan ay tiyak na malalim. Iniwan kaya siya ng mga anak at asawa tapos 'di niya nakayanan ang lahat?O siya ay mayroon na talagang diperensya sa pag-iisip? Hindi maipagamot sa mental kaya hinayaan na lang itong magpagala-gala sa kalye. Baka naman dati itong adik at sinira na ng droga ang kanyang utak? Hinahanap pa kaya siya ng kanyang pamilya o sadyang kinalimutan na? Ah, napakahirap ng malaman kung saan talaga siya galing at kung sino siya. Basta ang alam ko ang bawat taong grasa ay may sariling kuwento na 'di lang maisalaysay. Napakahirap sigurong maging taong grasa dahil andyan ka nga nakikita ng iba pero parang wala ka naman. Sana kapag nakakakita tayo ng taong grasa ay may sulyap ng pakikisimpatya na sisilay sa ating mga mata. Dapat nating hilamusan ang nanlilimahid nating pandama para sa kanila. Isa pa ba tayo sa yuyurak sa pagkatao nilang pinabuway na ng pangit na kaganapan?

Thursday, April 3, 2008

Bayani si Hudas

Niyurak-yurakan ng lahat ang iyong pangalan
Matagal ng panahon na ikaw ay hinuhusgahan
Napakasama ng tingin sa iyo ng sanlibutan
Tinatawag na hudas ang nagtataksil na sinuman
Gayung sa kasalanan nilay wala kang kinalaman
Idinawit nila ang ngalan mo sa kagaguhan.

Bagamat naging napakabigat ng pagkakasala
Ipinagkanulo si Cristo nang narito sa lupa
Napili ka lang at ito ang talagang nakatakda
Kayat sa kaibuturan ng puso ay di masama
Dahil sa yo nagkaroon ng katuparan ang hula
Nagkaroon ng kaligtasang puwedeng matamasa.

Di ka rin masisisi dahil sinapian ng diablo
Nasulsulan at nasuhulan ng mga kawal-Romano
Ang tunay na taksil ay yaong mga Paraseo
Pati na rin ang mga nagsipagtalikod na Hudyo
Pagkat silang nagpapatay sa Mesiyas na sugo
Ipako sa krus! Ipako sa krus!, sigaw ng mga lilo.

Di bat noon si San Pabloy kaaway ng Kristiyanismo?
Minsan ding itinatwa si Cristo nitong si San Pedro
Nang nabihag si Cristo walang tumulong kahit sino
Iniwan syang mag-isa sa kamay ng mga berdugo
Takot na takot sila kayat ang ginaway nagtago
Ngunit pinatawad ng Diyos na lubhang maamo.

Marami sa atin ang matigas at nagmamalinis
Kunwariy tapat yun pala ay iba ang ninanais
Puno na ng putik, sasabihin pang wala raw dungis
Sisirain ang pangalan mo dahil sa katsistismis
Gayung ang sariling puwing ay di man lang nilinisS
amantalang si Hudas ay nagsisi pat sabay tangis.

Kung si Hudas ay napakasama di na sana nagbigti
Ang nakuhang pilak di na rin sana isinauli
Pagkat ang totoong masamay manhid at walang budhi
Wala itong puso at pagsisisi kahit kaunti
Sa kanyang sarili ay inamin ang pagkakamali

Kayat si Hudas ay bayani sa ayaw man at hindi!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...