Wednesday, April 23, 2008

Mahal

Kay hirap bigkasin ng salitang "mahal"
Lalo't gumagamit at pinaggagamitan nito ay sandamukal
Pero wala ng mas mamahal pa sa presyo ng mga paninda
Na sa araw-araw ay ating iniinda.

Gusto mo bang tawagin din kitang Sweet o Chocolate?
Kahit 'di ka baklang super kulet
Ayoko namang tawagin mo akong si Mura
Kahit bansot ang bulsang laging walang pera.

Paano mo pa ako mamahalin
Kung wala na ako sa iyong maipapakain?
Kundi mga tulang mas maalat pa sa asin,
Ano ang kahulugan ng pag-ibig
Kung ang sikmura'y laging maligalig?
Matamis na pagtitinginan din ay tumatabang
Hanggang sa mawalan ng lasa't kasusuyaan na lamang
Buhay pa tayo pero inililibing na sa utang.

Ah, mahal na ngayon lahat ng bagay sa mundo
Pati na ang puso ng tao
Habang nagmamahal sumasakit ang ulo
Ikaw, magkano ka ba sa palagay mo?
Oo nga pala 'di kita kayang bilhin
Kahit pa sabihing ikaw na ay sa akin.

Kaya't puwede ba h'wag mo akong tawaging mahal
Dahil nakakaasiwa na at nakakaduwal
Ang kailangan natin ay kanin at ulam
Saka kape, asukal, tinapay, mantika, toyo
at kugn anu-ano pang nasa mahabang listahan
Na kinalalagyan ng tunay na nagmamahalan...

3 comments:

pen said...

waah nagustuhan ko to ah :D
dko n nga tatawaging mahal si payaso hehehe..kudos!

reality bites! argh!

Pinoy Wit said...

galing ah! pinagsama ang dalawang kahulugan ng mahal. ok to!

Maria Cristina Falls said...

Naligaw at humanga sa iyong tula. :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...