Thursday, April 17, 2008

Kapag Nagsisikip Ang Trapik


Hindi makalipad ang gulong na de pakpak
'Di makaalis tila awtong pupugak-pugak
Dito sa kalsada kay sangsang ng halimuyak
Maalinsangan, ang ulan ay 'di makapatak.

Ayaw dalawin nitong antok, 'di makaidlip
'Di makapaglakbay sa magandang panaginip
Sa loob ng sasakyan lubhang nakaiinip
Kumakabog ang aking dibdib, tumatahip.


Gusto kong sumigaw ngunit 'di makapalahaw
Gusto kong umigpaw ngunit 'di makaibabaw
Nagkakasiksikan kaya't 'di na makagalaw
Mula sa kinauupuan ay nakapangaww.

'Di makaraan ang tumatakbong ambulansya
Halos lahat ng sasakyan bubusi-busina
Iba'y bubulung-bulong waring naglilintaya
Nakahinto man 'di makaiwas sa disgrasya.

Nag-iinit ang ulo karamihan ng ttao
Madaling mapikon parang ilawang pundido
Laging may bangayan ang tsuper at pasahero
Mahangin sa labas kaya't gustong magpapresko?

Mga sasakyan ay parang nakapilang langgam
Mahalaga ang bawat oras lahat ay nababalam
Makarating agad ang siyang inaasam-asam
Ngunit ang lintek na trapik parang nang-uuyam.

Mabuti't lumalawak itong imahinasyon
Kahit nalulukob na ng matinding polusyon
Dumadaloy sa diwa ang ritwal ng abusyon
Usok ng tsubibo ang tanging nagbibendisyon.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...