Friday, February 22, 2008

Makatang Ina Mo

Anak ng dagat,
Anak ng lupa,
Anak ng kalawakan
Mga anak ng kalikasang
Isinupling ng panahon
Mula sa puso ng anino
ng dilim sa kawalang-turing
ng dagidig
Inihele sa daluyong ng
kaligtasan at panganib
sa pagbalong ng bukal
na 'di masayod, maging
ng martang-tubig.
Ang ina mo ay makatang
nag-aaruga sa sumisibol
na binhing ipinunla
sa kanyang dalisay
na puso't budhi
tungo sa maalab na tunggali,
Pinalayaw sa kanyang
kandungan ang bawat
bigkis ng salitang hinabi
ng kanyang isipan
Babaeng makata ng kalayaan
at pagkapantay-pantay
sa sumasalungang agos
ng buhay.
Makata ang ino mo
sa lupang ina na kanyang
kauri't kaurali
Ang ina ay ina
sa walang hanggang pagiging ina,
Ang parang aat bukirin
ay kaputol ng kaanyang dilang
dinilig sa ulan
sa himagsik ng pag-ibig,
Nawisikang diwa ng
makabagong talinghaga
itinarak sa pagitan
ng kanyang hita't dibdib
Ng makatang ama mong
sakdal-tigas-bakal
sa kanyang kabuuan
Ngunit makata ang ina mong
'di palulupig
sa latay at hagupit
ng huklubang pananalig.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...