Saturday, February 16, 2008

Ibig Kong Maging Inbisibol

Ibig kong maging inbisibol
Upang di makita ng mapanghusgang mga mata
Sa bawat pag-ikot ng retina
Kaluluwa ay magiging manibela
Sa paglalakbay sa kung saan
Ipadpad ng namamaltos na talampakan
Makatakas sa mundong ginagalawan
Maging sangkap ng mga bagay na lingid sa isipan.

Kaysarap maging inbisibol
Sumasabay sa ihip ng hanging sumisipol
Magmistulang multo sa gitna ng mga impakto
Habang sumasama sa usok ng sigarilyo
Ako lang pala ay tila abo
Abong kahalintulad ng atomo
Alabok at tubig may iisang prinsipyo
Kasanib ng bawat elemento.

Oo, ibig kong maging inbisibol
Ngunit huwag ipagkakamaling
Ibig kong mamboso sa kadalagahan
Habang hubo't hubad na naliligo sa batalan
O makapasok sa birhaws at sine ng libre
Ni mambuntal ng mga sagarate.

Ngunit kaytagal ko na palang nawawala
Sa paningin ng nagkakagulong madla
Ni di marinig tibok ng pandama,
Nawawala lagi sa metikulosong sarili
Habang nag-iisa't nagdidili-dili
Umaalis ako't dumadating na walang nakakapansin
Kundi ang saksing-sariling inbisibol sa turing.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...