Ni walang magtitirik ng kandila
Lubusan nang nabangkay ang diwa
Kalkalin man wala ng mapapala
Wala ng makakaalala't naglahong parang bula
Pagtagni-tagniin man mga butong lumabas
Mga hibla't himaymay ay 'di na maikukuwentas
'Di na maisusuot tulad ng sirang pulseras
Saksi rin itong nakatikom ang bibig
Sadyang tumahimik upang walang makaulinig
Mga lihim man itong naisiwalat
Nahayag, nasabi o kaya'y naikalat
Ngunit ito na ay nakaselyadong aklat;
Mga balita sa araw-araw nagkapatung-patong
Tumitigil ang apoy at walang nanggagatong
Nagdalawang-isip hanggang sa umurong
Bawat isa ay 'di bahagi ng kasaysayan
Kaya dagling nawawala't nalilimutan
'Di na malaman ganap na katotohanan
'Pagkat may mga balitang sadyang kinalimutan...
No comments:
Post a Comment