Sa mapaglaro kong isipan
Umaalimpuyo ang alon sa aking dibdib
Nang mag-umpisa kang sumanib
Humalo ka sa aking dugo,
Tumatatak sa kailaliman ng bungo
May talinghaga kang ibinubulong
Na sa aking palad ay 'di maikuyom
'Di ko batid ang laman ng 'yong isip
Liban sa lantad kong panaginip
Ibig kong isuko itong sarili
Sa banal na pagdidili-dili
Habang umaatungal ang katahimikan
'Di ko maaninaw kanyang katiningan
Paano mo dadamhin ang libong pahiwatig?
Kung sa bawat sandali puso mo'y namamanhid
Ano'ng isusukli mo sa tamis ng kataga?
Kung ibig mong ipukol ay pait ng pagluha
Paano kata makakalaya't liligaya?
Kung sa puso't isip may nakapulupot na kadena
Sa bawat sandali'y nililingkis ng pangamba
Patuloy ka pa rin bang nahihibang?
Pilit mong hinahanap ang mutyang lumisan
Ngunit ang lahat ay delusyon lamang
Tulad ng pag-ibig kong walang katiyakan
Nababaliw ako't dinideliryo sa nararamdaman.
No comments:
Post a Comment