Monday, December 15, 2014

Mga Raket sa Tag-ulan

       Tapos na ang panahon ng tag-araw at ngayon nga ay narito na ang tag-ulan. Para sa iba, ito ay panibagong araw ng pakikipagsapalaran sa basa at maputik na daan. Samantalang para sa mga magsasaka, ito ay isang biyaya dahil madidiligan na namang muli ang kanilang mga pananim basta't huwag lang masalanta ng bagyo. Kung mayroon pang ibang natutuwa maliban sa mga magsasaka siyempre iyan ay ang ating madidiskarteng mga kababayan. Ang tag-ulan kasi ay nangangahulugan ng pera dahil maaari silang kumikita mula rito.

     'Di nila alinta ang kaakibat na panganib ng tubig-baha dahil maaari silang makukuha ng bakterya mula rito. Balewala rin sa kanila ang ubo't sipon, ang importante ay kumita sila. Pabarya-barya man kapag naipon ay malaking bagay na rin. Kung saan may baha ay nariyan sila para tumulong sa mga taong ayaw lumusong sa baha. Mayroon silang mga improvised boat na gawa lang kung saan. Maaaring kahoy na nilagyan ng styro foam sa ilalim para lumutang. Kung hindi naman styro foam ay mga galon ang kanilang pampalutang. Hindi na nila kailangan pang sumagwan, dinadaan lang sa tulak o 'di-kaya'y paghila ay maihahatid na nila ang kanilang mga pasahero.

      Kung mababaw lang din naman ang baha ay naglalagay ang iba ng tawiran. Puwedeng malaking tipak ng mga bato o 'di kaya'y mahabang tabla. Habang tumatawid ang parokyano ay inaalalayan nila ang mga ito tulad ng pag-alalay ng isang maginoo sa mga kababaihan at sa matatanda. Kung may mabibigat na dala ang tumatawid ay nagsisilbi rin silang kargador. 

      Hindi rin nawawala ang mga buhos boys na walang sawang pumapara ng mga sasakyan. Isang timbang tubig at basahan lang ang kanilang dala ay nakakaraket na sila.  Pinupunasan nila ang salamin sa harapan ng sasakyan para nga naman malinaw na makita ng drayber ang kanyang dinadaanan. Nagkaroon tuloy ng car wash sa gitna ng kalsada. 

     Ang pagtitinda ng payong ang isa sa patok na negosyo ngayong tag-ulan! 'Di na uubra pa sa atg-ulan ang pa-macho effect ng mga kalalakihan na ayaw magdala ng payong. Mayroon din namang mga taga-payong sa mga walang dalang payong. 'Yung iba, malaking payong talaga ang dala para masigurong huwag mabasa ang kanilang mga parokyano. Siyempre, patok din ang pagtitinda ng mga inumin at pagkaing maiinit sa lalamunan. Goodbye muna sa palamig at halu-halo!

     Simple man ang kanilang diskarte, masasabing sila ay kahanga-hanga. Dahil ang likas na pagiging malikhain nating mga Pinoy ay nailalabas kahit sa panahon ng tag-ulan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...