Kaalinsabay ng paglaganap ng texting ay nauso rin ang pagpapaiksi o shortcut ng mga salita. Ito ay para magkasya ang mensaheng nais sabihin sa ka-text. ‘Di natin namamalayan na gumawa na pala ito ng bagong paraan ng pakikipagtalastasan. Ngayon ay nagkaroon na ng tinatawag na ‘Jejemon.’
Sinasabing ang Jejemon ay halaw sa salitang ‘jeje’ na ipinalit sa salitang hehe. Samantalang ang ‘mon’ naman ay halaw sa sikat na animation na Pokemon. Ang mga Jejemon ay iniiba ang spelling ng mga salita. Halimbawa, ang letrang S ay pinapalitan ng Z at nagsisingit din ng ng mga letrang H sa isang salita. Ang salitang hello kung spellingin nila ay Eow. May mga pagkakataon din na mahirap nang basahin ang paraan ng kanilang pagtext dahil ang ilang mga letra ay pinapalitan na ng mga letra. Bukod sa paraan ng pagti-text ay nagkaroon din ng sariling istilo sa pananamit ang mga Jejemon. Sila ay nagsusuot ng makukulay na mga sombrero at damit. Dahil sa pagiging makulay ay nagmumukhang cool. Ibang-iba sa mga tinatawag na EMO na laging nakaitim dahil kalungkutan naman ang kanilang tema.
Ngunit mayroon ding mga hindi natutuwa sa Jejemon dahil hirap na hirap silang intindihin kapag ganito ang kanilang ka-text. May mga nagsasabi rin naman na pang-jologs o baduy daw ito. Samantalang para sa mga konserbatibo ay sinasabi naman nilang ‘di maganda ang epekto nito sa ating wika. Dahil sa sobrang inis ng ilan sa mga Jejemon ay nagkaroon pa ng kampanya sa Internet laban sa kanila. Pero kung tutuusin, kanya-kanyang trip lang naman ‘yan.
Kung tutuusin ay hindi na rin naman bago ang ganitong tagpo. Sadyang nagkakaroon ng ebolusyon ang wika. Noon ay nauso ang mga salitang kanto na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin natin tulad ng mga salitang astig, haybol at iba pa. Kasama na rin ang pagrarambol o pagbabaliktad ng mga salita. Ang pare ay ginagawang erap o repa, na kapag dinagdagan pa ay nagiging ‘repapips’ na. Maging ang ilang salitang panlalawigan ay ginagamit na rin ng mga Tagalog. Samantalang ang mga wikang Ingles ay ini-espelling natin ng direkta sa Pilipino. Kahit mayroon naman itong katumbas sa wika natin. Halimbawa lang rito ay high school na ginagawang haiskul gayung puwede namang sekondarya.
Siyempre, nariyan din ang tinatawag na gayspeak, na kahit ‘di naman mga kasapi ng pederasyon ay gumagamit din ng kanilang mga salita. Isama na rin natin ang paraan ng pananalita ng mga cono na mahilig mag-taglish tulad ni Kris Aquino. Nagkakaroon ng ganitong bagong paraan ng kominikasyon para maiba naman sila sa karamihan. Ngunit dahil sa nagiging popular ito ay hindi maiiwasang tangkilikin na rin ito ng nakararami. Sa ngayon ay panahon muna ng mga Jejemon. Sana lang ay piliin nila kung sino lang ang dapat na padalhan ng ganitong uri ng text para ‘di mahilo ang magbabasa. Ngunit asahang sa hinaharap ay mayroon na namang bagong uri ng pakikipagtalastasan na uusbong.
Para sa iba pang babasahin.
1 comment:
hi po !
pwede po ba mahiram 'tong lathalain u , po-post ko po sa FB qo!!
thnks ,
-kiko-
admin
balagtas_bulacan ( kiko) FACE BOOK ACCOUNT.
Post a Comment