Sunday, December 14, 2014

Pacquaio Versus Mayweather sa May 2, 2015?


               Nabuhay na namang muli ang isyu tungkol sa laban sa pagitan ni Manny Pacquaio at Floyd Mayweather Jr. Ito ay matapos na muling nagpakita ng interes si Mayweather na labanan ang pambansang kamao. Nagbigay pa ito ng petsa at ayon sa kanya ay nais niya itong gawin sa May 2, 2015. Tinanggap naman agad ito ni Pacquaio at sinabing gawin ito ni Floyd at huwag lang puro salita. May pagdududa kasi siya sa hamon nito dahil parang hindi naman sinsero ang katunggali.

                Matagal nang inaabangan ng mga tao ang bakbakang Pacquaio at Mayweather. Pero lagi na lamang hindi natutuloy. Ipinagpapalagay tuloy ng mga boxing enthusiast na takot lang si Mayweather na madungisan ang kanyang record dahil wala pa itong talo. Kung anu-ano kasing kundisyon ang hinihingi ng kampo nito. Kesyong magpa-drug test si Pacquaio. Pinagbintangan niya kasi itong gumagamit ng steroid kaya’t malakas ang ating pambansang kamao. Mayroon ding isyu tungkol sa hatian ng pera at kung anu-ano pa. Sinabi ni Pacquiao na ayos na sa kanya kahit maging malaki pa ang porsiyento ng kita ni Mayweather matuloy lang ang kanilang laban.


                Ayon kay Pacquaio ay kuntento na naman siya sa anumang narating niya sa kanyang karera kaya’t wala na siyang dapat pang patunayan pa. Pero gusto niya pa ring makalaban si Mayweather dahil hinihiling ito ng isa sa kanyang mga anak na si Jimuel at siyempre ng kanyang mga fans na matagal nang nasasabik na makita ang bakbakang Pacquaio versus Mayweather. Ngayon pa lang ay marami na ang nagpapahayag ng kanilang suporta sa pambansang kamao at naniniwalang kayang-kaya niyang pataubin si Mayweather kabilang na rito ang kanyang naging katunggali na si Juan Manuel Marquez na ilang ulit na rin niyang nakalaban sa ibabaw ng ring. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...