Sunday, October 7, 2012

Huwag Kang Epal

    Likas na yata sa mga pulitiko ang magpapansin. Madalas mo kasing makikita ang kanilang mga mukha at pangalan kung saan-saang lugar. Mga nakangiti na akala mo ay pagkabait-bait. Kung hindi may nakasulat na ‘project by’ay ‘donated by’ ang nakalagay. O di kaya‎ ay pagbati ng kung anu-ano. Halimbawa, Happy Fiesta, Happy Valentine, Happy Graduation at kung anu pang hapi-hapi. Lahat ng puwedeng batiin ay binabati nila sa mga poster at tarpaulin. Pati sa Operation Tule ay may mukha pa nila. Bakit mukha ba silang itits? Huwag na nating isama pa ang mga ambulansya at iba pang sasakyang ginagamit ng mga tauhan nila na may mukha at pangalan din nila. Mas magaling yung dahil ang sasakyan ay kung saan-saan nakakaikot na parang rolling store lang ang dating. Inilalako ang sarili, e.

    Ang katuwiran ng mga pulitiko natin, wala namang masama sa kanilang ginagawa. Kahit sabihin pa na pera naman ng taong bayan ang kanilang ginagamit sa proyekto. Maliban na lang kung sariling pera nila ang ipinanggastos dito. Ang sa kanila lang daw ay ayaw nilang mapulaan na wala silang ginagawa. Kaya dapat na ipaalam sa madla na sila ang nagpagawa ng isang proyekto. Kaya maraming paaralan at ospital ang nakapangalan sa kanila. Para nga naman kahit wala na sila sa serbisyo ay nakatatak na ang kanilang pangalan.

    Pati sa mga relief goods ay hindi pinapaligtas. Kapag sumasapit ang sakuna at mga kalamidad ay may nakatatak pa na mukha nila at pangalan. Kunsabagay, sa oras ng kagipitan nga naman magandang magpapogi. Para isipin ng mga tao na napakatulungin pala ng kanilang alkalde, kongresista, gobernador etc. Hindi uubra sa mga pulitiko ang kasabihang, ang ginagawa ng kanang kamay ay huwag mong ipaalam sa kaliwa. Dahil hindi naman sila mga pilantropo na tumutulong ng walang kapalit. Pulitiko nga sila, di ba?! Dapat ay laging may kasunod na kamera para lumabas sa mga balita. Kailangan laging bida dapat para maganda ang dating. Sino ba naman ang may gusto sa kanila na mailabas ang baho kung mayroon man silang itinatago. Ýung mga kalaban lang naman nila sa pulitika ang may gusto nu’n.

    Oi, malapit na palang mag-eleksyon kaya kahit hindi pa oras ng pangangampanya ay marami na ang nagpaparamdam. Yung iba may mga adhikaing ipinaglalaban na sila ay para sa pagkakaroon ng kabuhayan, mayroong maka-kalikasan at kung anu-ano pa. Habang ang iba ay mga modelo ng kung anong serbisyo o produkto. Hanep, ang galing ng estratehiya. Hindi nga naman ito pangangampanya dahil wala ang salitang iboto n‎’yo ako. Siyempre, ang ginagawa nila ay isang uri ng advertisement ng kanilang mga sarili. Mas natatandaan kasi ng mga tao kapag ang isang tao ay lagi nilang nababasa, naririnig at nakikita kung saan-saan. Kaya kung ako sa kanila sasamahan ko ito ng jingle na madaling maka-relate ang mga tao para ma-LLS (last song syndrome sila.

    Hangga’t walang batas na naipapasa na nagbabawal sa pagiging epal ng mga pulitiko ay magpapatuloy pa rin ang ganitong tradisyon. Pero ang tanong hahayaan ba ng mga mambabatas na makapasa ang ganitong klase ng batas kung maraming epal sa kanilang hanay?

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...