Ibig sabihin, kapag may isinulat ka na itinuturing na kasiraan ng ibang tao ay puwede ka nang ihabla ng libel. Sino ba naman ang madalas na matira sa net kundi ang mababait na mga nasa poder. O ‘di kaya’y mga taong nagpo-power tripping. Kahit yung ilang biktima ng cyber bully ang tanungin mo ay tutol din sila sa batas na ito. Alam nilang ang nambiktima sa kanila ay iisang tao lang. Di tulad ng batas na ito na matindi ang epekto sa lahat ng netizen. Isa ba itong paraan para mapatahimik ang mga Pinoy kapag may isyung laban sa kanila? Alangan namang kapag may ginawa silang kalokohan ay purihin mo pa? E di nagmukha ka namang engot nu’n. Nasaan ang lohika roon? Hmm, puwede rin pupurihin mo kunwari pero kabaliktaran naman ang ibig mong sabihin.
Pero di ba dapat kapag public official ka ay bukas ka sa kritisismo at hindi ‘yung pikon? Dahil ang pikon yan yung mga taong kapag nasaling mo ang ego ay mga madaling sumiklab. Wala tayong tutol sa pagkakaroon ng batas na ganito dahil kailangan nating laban ang mga loko-loko sa net. Para maiwasan ang human trafficking, child pornography, paglaganap ng sex scandal at kung anu-ano pang krimen na may kinalaman dito. Pero kung ang kalayaan sa pamamahayag ang masasagasaan, ibang usapan na ‘to. Para saan pa at tinawag tayong demokratikong bansa?
Dati-rati hindi gaanong pinapansin ang internet. Hanggang sa mauso ang tinatawag na citizen journalism kung saan ang kahit na sino ay puwedeng maghatid ng impormasyon at opinyon. Isama na natin rito ang mga bloggers na walang kiming ihayag ang kanilang opinyon at mga saloobin sa kung anuman ang napapansin nila sa paligid. Pero nang may kasamahan ang administrasyon na-bash sa net ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Napaaray sa dami ng bumanat. Marahil ay doon nila naisip na ang lakas ng bisa net lalo na ng social media. Dahil tulad ng mga traditional media ay lumilikha rin ito ng public opinion. Ibig sabihin, nagsisilbi na itong boses ng ordinaryong tao man o hindi sa mga napapanahong isyu.
May kalayaan tayong ihayag ang ating saloobin negatibo man o positibo. Pero nang dahil sa Cyber Crime Law ay mukhang nagkakatakutan na. Yan kasi mahihilig kasi tayong mag-react. Ayaw nila ng ganyan. Ang gusto lang nila ay makipagbolahan tayo sa kanila. Parang gusto yata ng mga nasa poder na bumalik na lang tayo sa dati kung saan di pa uso ang computer. Imbes na lumakad nang pasulong ay parang paurong ang gusto nila. Tara, balik na lang tayo sa panahon ng bato. Siguradong walang internet dun. Ops, teka lang gawa na ba ang kulungan ng mga makakasuhan ng libel? Makapag-Facebook na nga lang muna.
1 comment:
bumisita..
Post a Comment