Ilang buwan na lang ay sirkus na naman este eleksyon pala. Nag-umpisa nang maghain ng kanilang kanditura ang mga tatakbong pulitiko. Siyempre, kanya-kanyang hatak, kanya-kanyang baligtad at kung ano pang pagkakanya-kanya. Wala e, ganyan talaga ang pulitika sa Pinas. Kung may mga seryosong kandidato siyempre mawawala ba naman ang mga nuissance candidate o mga panggulo. Naalala ko tuloy si Eddie Gil, nasaan na kaya siya?
Kailangan nga ba natin ang mga nuissance candidate? Oo naman, dahil kung wala sila ay paano na lang tayo? Walang magpapasaya sa atin dahil wala tayong pagtatawan. Masyado pa namang mainit ang pulitika sa atin kaya’t kailangan ng ice breaker. Saan ka pa, may libreng entertainment na tayo.
Ops, kumandidato na naman pala itong paborito kong karakter na si Daniel Magtira ng Tondo, gustong maluklok bilang senador Dati ay pang-rak en rol siya, ngayon naman ang inilista niya sa kanya COC ay si Kris Aquino ang kanyang asawa. Siya na ba ang ipinalit ni Kris kay James Yap? Wow, hanep showbiz ang dating!
Pero sabihin na nating panggulo nga sila. Pero kahit ganu’n ay may kanya-kanya silang naiisip na solusyon sa problema ng ating bansa.
Noon ay may isang kandidato na kapag nahalal daw siya bilang mambabatas ay babawasan niya ng boltahe ang kuryente imbes na 220 volts ay gagawin na lang niyang 110 volts ang lahat ng appliances sa bansa. Hmm, para nga naman makatipid tayo sa kuryente. Ikaw naisip mo ba ‘yun?
Ang iba sa kanila ay talagang pinagtatawanan pa natin dahil kakaiba ang kanilang karakas. May mga parang nautusan lang na bumili ng suka sa tindahan ang hitsura o di-kaya’y parang mga ale-ale lang d’yan sa kalye tapos gustong tumakbo ng pagka-alkade o ng mas mataas pa na posisyon. Ikumpara mo nga naman sa mga kandidato na mga makikinis ang kutis at mga sosyal, mga naka-barong pa kung manamit.
Meron ding mga tila propeta sa Quiapo na nagsasabing magugunaw na raw ang mundo kaya’t dapat nang magbago ang lahat. Baka kapag nanalo ang ganitong tipo ng kandidato ay umayos ang takbo ng gobyerno. Kasi laging kakalampagin ang konsenya ng mga nagsisilbi sa pamahalaan.
Ang nakakabilib pa ay may umaangkin na sa kanya raw ang Pilipinas. Ilang beses ko na ring narinig ang ganitong istorya. Aba’y kung totoo ito, puwede niyang ipamahagi ang kanyang lupa sa mahihirap nating mga kababayan. E, di wala ng Pinoy na magiging iskuwater sa sarili niyang bansa.
E, kumusta naman kaya ‘yung kandidato na kaya dapat daw siyang iboto dahil kaboses siya nina April Boy Regino, Renz Verano pati si Imelda Papin? Baka kailangan nga siya sa Senado para puwede siyang kumanta kapag may session. Hindi yung puro baliktaktakan at bangayan na lang ng mga Senador ang maririnig natin.
Pero ba’t kahit mukhang walang alam ang tatakbo, pero kapag may pera at sikat puwedeng tumakbo? Minsan kahit nakukulong pa ay nagagawa pa ring tumakbo at nananalo pa. Sadya nga bang ang pulitika ay pera-pera lang? Hindi naman siguro. Paano ka nga naman makakapangampanya kung wala kang malaking pondo at walang nakakakilala sa iyo? Kaya nga may tinatawag tayo na makinarya sa pulitika. Paano naman yung mga seryoso talagang kandidato pero di naman kilala? Malamang sa kangkungan din sila pupulutin.
No comments:
Post a Comment