Tumuloy ang tropa
sa Baguio Palace at saglit na nagpahinga pagkatapos ay kumain sa Jack’s Restaurant na matatagpuan sa Mabinit St. Ang
nasabing restawran ay inirekomenda ni Aries Chan na sanay na sa Baguio dahil
nag-aral sa isang unibersidad doon. Pero bago ‘yun ay anlayo nang nilakad namin.
Nagkahiwalay pa nga ang tropa. Kaya pagdating naman du’n ay gutom na gutom na
ang lahat. Matapos mabusog sa masasarap na putahe ay naglakad-lakad ang tropa
na para bang naglalakad sa Paris. Iba talaga sa Baguio dahil kahit tanghaling
tapat ay malamig ang simoy ng hangin kumpara sa Manila na maalinsangan lagi.
Tumingin-tingin muna kami sa tiangge. Panalo talaga ang Baguio kung tiangge
lang ang pag-uusapan dahil halos lahat ng hanap mo ay narito na. Kaya’t ‘di
nakapagtatakang ito ang sentro ng ukay-ukay sa Pilipinas.
Naisipan ng tropa
na mamangka sa Burnham Park. Nahati ang grupo sa tatlo dahil na rin sa dami
namin. Ang bawat grupo ay may
kanya-kanyang dalang camera para magkakuhanan ng litrato. Noong umpisa ay
nahirapang makasagwan ang mga kasama namin. Pero ang sikreto lang naman ay nasa
tamang pagsagwan. Wala namang problema kung bumaligtad ang bangka dahil mababaw
lang naman ito. ‘Yun nga lang, sino ba naman ang may gustong maging basang
sisiw? Habang nagsasagwan sina Mario at PJ, ang inyo namang lingkod ay
mistulang amo lang na nakaupo sa dulo habang ninanamnam ang simoy ng hangin at
aliw-iw ng ilog. Nagri-relaks, eh.
Makalipas ang
isang oras, masarap pa sanang mamamangka kaya lang ay parang nagdidilim na ang
langit. Kaya’t naisipan ng tropa na bumalik na sa hotel dahil kailangan naming
dumalo sa pagtitipon ng United Benguet Baguio Breeders Association (UBBBA) na
pinamumunuan ni Konsehal Tony Boy Tabora. Two bird in a one stone ang nangyari,
bakasyon na, trabaho pa. Pero ayos lang ‘yun may chibugan naman, eh. Bago ang
pagtitipon ay ipinakilala ni Aries ang kanyang kaibigan at dating kaeskuwela na
si Atty. Jansen Nacar. Nagtungo rin ito sa pagtitipon ng UBBBA dahil may
kakilala rin siya roon. Pagkatapos nito, nagkayayaan na magpainit muna. Pero sa
event pa lang, mainit na ako. Tinagayan kasi ako ni Atty. Nacar ng black level,
eh. Buti na lang andu’n si Ramil na taga-salo ng ibang tagay. Ang iba naming
kasamahan, sa night market sila nagpunta kung saan makabibili ng ukay na
tig-sampung piso lang. Ako kasama sina Aries, Ghio, Mario at si Atty. Nacar ay
nagpunta muna sa Giligan’s Music Lounge. Acoustic ang tema at nakakailang bote
pa lang kami ay magsasara na ang bar. Ni hindi man lang natugtog ang aming
requested songs.
Kinaumagahan, ang
hirap gumising pero kailangang bumangon dahil ipinapatawag na kami ng boss
namin dahil pupunta kami sa Baguio Country Club para doon mag-almusal. Pusang
gala, unahan sa banyo ang eksena. Kahit nakaligo na ako parang andu’n pa rin
ang tama ng alak. Ang BCC ay noong pang 1905 naitayo kaya’t napakatagal na ng
establisyementong ito. Pagdating doon ay diretso agad kami sa buffet. Sa dami
ng pagkain ay ‘di mo malaman kung ano ang uunahin. Almusal pa lang,
pang-tanghalian na! Pagkatapos kumain ay pumunta ang tropa sa Strawberry Field
para anupa’t kundi ang magkuhanan uli ng litrato. Ang isa naming kasamahan sa
sobrang tuwa ay namitas pa ng strawberry. ‘Di kasi siya nasabihan na bawal ang
mamitas. Biniro namin siya na may
pestisidyo ang kinain niyang strawberry. Muntik na siyang naniwala kundi lang
kami nagtawanan. Pagkatapos ng tawanan at kulitan ay bumalik sa hotel ang iba.
Samantalang kami ng ilan kong kasamahan ay naiwan naman. May usapan kasing
pagkatapos sa BCC ay sa Tree Top Adventure, sa Camp John Hay naman kami
pupunta.
Nauna nga kaming
pumunta sa Tree Top Adventure pero ‘di muna kami gumawa ng anumang aktibidades.
Nanood muna kami ng nag-tree drop. ‘Yun bang ihuhulog ka sa taas na tatagal
lang ng dalawa hanggang tatlong segundo nasa baba ka na. Ikaw na nga itong
inihulog ay ikaw pa ang magbabayad? Talaga naman. Habang naghihintay ay lumabas
muna kami at umupo sa parke na puro ugat ng puno ang makikita mo sa baba.
Masarap magmuni-muni rito. Naiisip ko nga na ano kaya kung may buhay ang mga
ugat at magsipaggalawan. Parang ‘yung napapanood ko sa horror movie. Meron pang
replika ng Statue of Liberty na kasing laki ko lang. Nagpapiktyur pa nga ako sa
rebulto, eh. Mahirap naman kung sa totoong Statue of Liberty ako
magpapapiktyur. Sobrang taas kaya nu’n! Malapit lang sa park ang tinatawag na
Cemetary of Negativism kung saan ang masasamang ugali o negatibo sa iyo ay
puwede mong ilibing. Pero ako, ayokong maglibing. Mahirap na baka hindi ko rin
kayang panindigan. Parang sinabi kong masama nga ugali ko, ah. Naghulog na lang
ako ng piso sa wishing well na bulinggit at humiling ng kung ano. Hindi World Peace ang hiling ko dahil luma na
‘yun. Ano ang wish ko? Secret! Pagdating ng iba naming kasamahan sa Tree Top ay
nakinig agad kami sa briefing area. Nu’ng una ay pinakahalugan ko pa ang
briefing area na bihisan ng panloob ng mga lalaki. Halos lahat kami ay
nagkainteres na subukan ang Superman. ‘Yun bang lilipad ka sa ere habang
nakasabit gamit ang harness. Package D ang pinili ng ilan sa amin para may
kasamang canopy. Para itong cable car pero mabagal ang andar sa ere. Walong
istasyon ang dadaanan nito. Bago sumakay ng canopy natiyempuhan pa namin si Sheena
Halili na parang bata sa personal dahil sa height at hubog ng katawan.
Siyemp’re, nagpapikyur kami kasama niya.
Kay sarap sumakay
sa canopy, kitang-kita mo kasi ang mga puno sa ibaba. Para ka lang namang
nagduduyan nang hindi niyugyog. Hindi nga niyugyog, sobrang taas naman. Kung
mahihiluhin kang tao hindi ito para sa iyo. Kung may fear of heights ka ay
malalabanan mo ito sa pamamagitan ng ganitong ride. Habang pabalik ay bumangga
pa ang tagiliran ng sinasakyan kong canopy kaya’t bigla akong umikot. Nagulat
talaga ako, akala ko ano na ang nangyari. Ni hindi man lang ako binalaan ng
kasama ko na babangga na pala sa puno. Pero mas masaya pagdating sa Superman
ride dahil dito masusubukan ang iyong tapang. Nagkakantyawan at nagkakatakutan
pa nga bago mag-ala Superman. Sa umpisa, kakabahan ka dahil ‘di mo pa naman ito
nararanasan. Kaya nga ang mga kasamahan namin napapasigaw pa. Oo, kahit pa ang
mga lalaki ang lakas sumigaw! May kasama pa nga kami na napaiyak pa habang nasa
ere. Ganu’n talaga kakaiba kasi itong karanasan. Pero ang inyong lingkod ay
kalmado lang. Sabi nga ng mga kasamahan ko ay wala man lang akong emosyon na
ipinakita. Wala lang. Baka pagbaba ko ay puro kantyaw ang abutin ko kapag
nagsisigaw ako. Mag-isa lang kasi ako sa ere dahil nahatak ang partner ko. Grabe,
ibang klase talaga. Tama ‘yung sinabi ng bading na nag-orient sa amin sa
briefing area, “Ang sarap-sarap ng
feelings”. Tinitingnan ko pa nga sa ibaba, eh. Ang lamig nga lang sa itaas.
Ang sabi, mahigit 100 feet ang taas nito.
Pagkagaling namin ng
Tree Top Adventure nagkayayaan sa SM Mall para dito kumain. Ang iba naming
kasamahan ay walang interes pumunta rito
dahil marami namang SM sa Manila. Pare-pareho lang namang shop ang makikita mo
rito. Iba nga lang ang SM sa Baguio dahil walang aircon dito. Sa lamig ba naman
sa Baguio kakailanganin pa ng aircon? Eh, ‘di nasa freezer ka na nu’n? Sa
pinakataas ng SM dito ay naka-open pa kaya pumapasok ang hangin. Oo nga pala,
papaitan ang inorder kong ulam. Bihira lang kasi akong makatikim nito. Pagbalik
ng hotel wala munang gimik. Kailangang matulog nang maaga dahil maaga ang check
out namin sa hotel.
Kinaumagahan,
diretso ang tropa sa The Mansion. Sinabi ng bantay na sundalo na bakasyunan daw
ito ng Presidente. Nagtanong pa ang isa naming kasama na kung may multo ba
rito. Siyempre, wala ang sabi ng bantay. Sayang at ‘di namin pinasok ang
Teacher’s Camp na sinasabi ng iba na mayroon daw multo. Bawal nga lang lumapit
sa mansyon. Ang tangi mo lang magagawa ay magpa-pikyur na may nakasulat na The
Mansion na nasa unahan ng mismong mansyon. Sa tapat lang ng mansyon ay may
parang lumang ilog doon na magandang magpa-pikyur dahil para kang bumabalik sa
lumang panahon. Paano ‘di magiging luma eh iba ang kulay ng ilog? Habang nagpipiktyuran
kumakain naman ako ng taho na strawberry flavor. Sa Baguio lang mayroon nito
kaya’t tinikman ko talaga at masasabi kong isa pa nga!
Huling destinasyon
namin sa Baguio ay sa Mine’s View Park. Bago pumunta sa parke ay namili muna
kami ng pasalubong. Ano pa ba ang bibilhin namin kundi ang sikat na delicacies
nila gaya ng peanut brittle, lengua de gato, strawberry jam at iba pa.
Magaganda rin ang disenyo ng mga damit na kanilang itinitinda. Native na native
ang dating, bukod dito ay mura pa. May mga bumili rin ng walis tambo na sikat
ding produkto sa Baguio. Wala nga lang nakaisip na bumili ng pamosong barrel
man at ng ashtray na ang hugis ay asset ng lalaki. Halos maubos ang pera namin
sa pagbili ng mga pasalubong. Pero ayos lang dahil minsan lang naman mangyari
ito. Bago umuwi siyempre pumunta ang tropa sa Mine’s View. Talaga namang
napakaganda ng overlooking. Huwag nga lang masyadong malikot kung ayaw mahulog
sa bangin. Maliit lang ang parke pero maraming puwedeng gawin. Nagpapikyur kami
habang nakasakay sa kabayo at nag-feeling ala-Leon Guererro o Lito Lapid. Nagpapikyur
kasama ang malaking aso na St. Bernard. Kung ganito kalaki ang alaga mong aso
sa bahay malamang ay mamulubi ka dahil sa lakas nitong kumain. Nagpapiktyur din
kami na nakasuot ng pang-Igorot. Nagmistula tuloy akong lakandula sa hitsura
ko. Puwede na kayang pang-cosplay?
Pagbaba ng Baguio,
dumaan muna ang tropa sa bahay nina Aries sa may Brgy. Amallapay, La Union at
nagyaya ito na pumunta sa bahay ng kanyang kuya na si Robert Chan sa may
Rosario. Pagdating doon ay ipinaghain ang tropa ng pinakbet na specialty ng mga
Ilokono, pansit, sitaw at may liempo pa. Ipinagbukas pa niya kami ng beer. Ako
nga lang at si Aries ang uminom. May pabaon pang mangga ang kuya ni Aries na
agad na pinaghatian ng kasamahan naming babae na sina Katkat at Mae. Ang isa ay
naglilihi at ang isa naman ay nangangasim lang.
Talagang
napakasaya ang aming naging paglalakbay sa Baguio dahil sobrang kulitan ang
nangyari. Kahit paano ay saglit na nag-iba ang atmospera ng paligid. Hanggang
pagdating ng opisina ay usap-usapan ang aming naging adbentyur sa Baguio.
Kanya-kanyang tag at comment sa mga litrato. Ang isa naming kasamahan inalaska
nang husto sa FB dahil na rin sa mga posing niya sa litrato.
No comments:
Post a Comment