Monday, February 25, 2008

Rebeldeng Pag-ibig

Ang pag-ibig ay rebelde dahil sa palasuway
Kautusan ng ibang tao’y winawalang-saysay
Marami mang tutol ang dibdib ay pinapatibay
Ayaw nitong mabigo kundi maging matagumpay.

Ang puso’y rebelde dahil isa itong kadre
Pinakamataas na puno’t sinusunod lagi
Mayroon itong prinsipyong di masasabotahe
Nilalabanan ang sinumang ibig umatake.

‘Pagkat ang pag-ibig ay isa ring pakikidigma
Sandata mo lamang ay ang iyong paniniwala
Kailanman ay di marunong makinig sa babala
Walang pakialam kahit sinong makasagupa.

Itong pag-ibig ay walang kinikilalang batas
Masalimuot man ang landas laging nangangahas
Maging ang ganda, dunong at yaman ay binabaklas
Masunod lang ang damdamin lahat tinataliwas.

Lahat ng hirap ay itinuturing na pagsubok
Hindi ito marupok na gaya ng isang gapok
Ang ipinunlang pag-ibig walang pagkabulok
Matatag ito’t sariwa gaya ng birheng bundok.

Sa rebeldeng pag-ibig sino ang makahahadlang?
Sinong sundalo ang maaring makatimbuwang
Gayung ‘di sinusunod maging sa utos ng magulang
Ang lahat ng sumalungat ay sinasalansang.

‘Pagkat ang tunay na pag-ibig ay sadyang matapang
Anumang pagkatakot ay ‘di binibigyang puwang
Tulad nito ay bakal na ‘di takot sa kalawang
Ang nararamdaman kailanman ay ‘di mapapaslang!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...