Ikid ng makinilya
Pagkabalam sa imprenta
Pagtugtog ng plawta
Lumulutang ang mga letra
Sa lawak ng papawirin
Ng puso't damdamin
Ng peregrinong salamisim
Nakikipagpingkian sa mga
noong may sinag ng
bituin.
Ito'y 'di kabig ng bibig
Na nakalulan sa dibdib
'Di lang ddikta ng isip
Ito'y gatilyo ng baril
Pumipitik
Tumatatak, bumubutas,
tumatagos, lumuluray
Nag-iiwan ng kung ano'ng
sikdo ng kamalayan
Ngiti, lungkot, pag-ibig
at libog
Habang nagsisindi ang bombilya
Sa liwanag ng alitaptap
na umaarya.
May bumabalong na alon
sa aking ulunan
Ikid ng utak mistulang
dagat-dagatan,
Namamalakaya ng isda
Sa ibabaw ng patay na sapa
Natagpuan ko'y patay na daga
na ang salarin ay maskuladong
pusa
Ang saglit na ito'y puno ng
himala.
Humahalo ang dugo
sa malapot na langis at grasa
Sarili'y nahihilo sa usok
ng nikotina
Nagpapait sa aking panlasa
nagpupuyat sa harap ng
isang tasang kape
Bumasag sa alak na nasa bote
Pilit inaarok ang lalim ng gabi
Habang ninanamnam sa bingaw
na kukote
Ang hugis ng katawan ng seksing
babae
Naghuhugos mga libro sa eskaparate
sabay sa pagkapunit ng papel
Naalala ko ang sinta na sa aaki'y nagtaksil
Na sa likod ko ay wnagwasak at bumaril.
Alin pang himig ang 'di naawit?
Ano pang sugnay ang 'di naisalaysay?
Ano pangg dasal ang 'di naussal?
Aba'y laksa pa't aangaw-angaw
Ang 'di naisakay sa likod ng kalabaw
Tanging sa tae lang nito nakaigpaw
Mundo'y kay lawak 'di kayang mapagdugtong
'Di masagot lahat ng bugtong
Ngayon, sino'ng tunay na marunong?
Kumanta ng Tong-Tong-Pakitong-kitong.
Ah, ito'y 'di pananaginip
na bunga ng matinding pagkainip
Sa pauli-ulit na pag-uulayaw
ng dilim at bukangliwayway
Ituring mo na lang na makabuluhang
paglalaro ng mga kataga
pagsubo at pagkain ng apoy at baga
Lahat sa akin ay bukas na hiwaga
Habang ang isipa'y nagdideliryo
Tila nakagat ng ulol na aso
Ngunit anghel ang sumanib at 'di diablo
Muli na namang nakapagluwal ang ulo
Sa pagiging haragan at bohemyo
Saa pag-iisip ng kung anu-ano
Adulaamin, ito'y salitang Ilokano.
No comments:
Post a Comment