Monday, February 25, 2008

Talipapa:Little Palengke




Bakit mo pa kailangang lumayo para pumunta sa palengke kung meron namang talipapa malapit sa inyong lugar? Sa panahong ito dapat ay maging wais at praktikal para makatipid. Hindi naman gaanung magkaiba ang presyo sa talipapa kumpara sa palengke. Bukod sa hindi ka na mapapagod, ang natipid sa ipapamasahe sana ay puwede pang ipandagdag sa panggastos. Kapag may nakalimutang bilhin ay madali lang makakabalik sa bahay. Isa pa, makakapamili rin naman kung ano'ng gustong bilhin dahil magkakahilera ang nagtitinda sa talipapa.
Kagaya sa lugar namin, mag-aalas kuwatro pa lang ng hapon nag-aayos na ang mga may puwesto sa talipapa. Paano'y malapit na namang mag-uwian ang mga tao galing sa trabaho. Siyempre kinakailangan nilang sumadya sa talipapa para may maiuwing uulamin sa bahay. O di kaya'y vice versa 'yung mga naiwan naman sa bahay ang sasaglit sa talipapa para paghandaan ang pagdating ng kapamilyang galing sa trabaho.Ano pa ba ang hahanapin mo sa talipapa? Buhat sa pagkain gaya ng karne, gulay, prutas, pansahog, isda at iba pa. Nakihilera rin ang mga nagtitinda ng gamit sa eskuwela, mga laruan, kolorete at kung anu-ano pa. Lahat ng 'yan meron sa talipapa.
Kapag magtatakipsilim na asahan mong buhay na buhay ang talipapa sa dami ng mga tao, nagsisiksikan para lang makabili ng produkto sa talipapa. Ang talipapa nga ay sagot sa pangangailangan ng mamimiling ayaw ng lumayo pa. Samantalang ito naman ay hanapbuhay para sa mga tindero at tindera na dito ay umaasa. Sa loob lang ng maiksing oras ay uminog na ang munting komersyo sa mga komunidad.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...