Monday, November 9, 2015

Multo ng Alaala

Mahal, matulog ka sa gabing payapa
Habang nalulumbay itong diwa
Sa buhay ko ay sadyang walang himala
'Pagkat mata ng puso'y kinukulaba.
 
Malalim na ang pagbalatay ng gabi
Lumalatay nang husto sa guni-guni
Bakit kapanglawan ang namumunini
Ang ibong asul patuloy sa paghuni.
 
Narito sa dibdib ko'y pawang hinagpis
Tila mayroong kanser na 'di matistis
Walang gamot na puwedeng makapag-alis
Sa sakit na likha ng matalas na kris.
 
Kay sarap damhin noon ng nakalipas
Buhay-pag-ibig may tuwang 'pinaranas
Ngayo'y wala ng paglaglag ng taglagas
Bulaklak kang naluoy dahil kumupas.
 
Walang kabuluhan tugtog ng silindro
Bagting ng gitara, kudyapi at piano
'Pagkat alaala mo ay nagmumulto
Humahaplos sa kasu-kasua't buto.
 
At bukas kapag sumikat na ang araw
Nawa'y matapos na rin ang 'yong pagdalaw
Sa nakaraan ayoko ng masingkaw
'Pagkat sa puso ko ikaw na'y pumanaw.

Mga Bulag Kayong Maraming Mata

Mga bulag kayong maraming mga mata
Na samu't saring bagay ang nakikita
Isip at dila ninyo'y merong mahika
Nakahahabi ng sinulsing istorya.
 
Naglalagos ang nag-aapoy na tingin
Habang dumadampi mainit na hangin
Ito ba'y lalang ng mundong malikhain
Binobosohan ay bastos na manikin.
 
Tila sabog, may matang mapupungay
May sariling mundo at nakahiwalay
Mga pinaggagawa ay walang saysay
Mga kaisipang 'di abot ng malay.
 
Parang nakakita ng multo't maligno
Mligtas sana kayo ng purgaturyo
Tulad ninyo'y napaglaruan ng espiritu
Nasusugatan lang na basag na baso.
 
O, Haring Pinya ng taglay na sagimsim
Ilayo sa akin matang maiitim
'Pagkat mga mata'y nagwawating-wating
Katotohanan nagkaroon ng piring!

Lupang Ina Mo!

O, bayang na sa dusa at hirap
Mabigat na krus nakapasan sa balikat
Pag-asa't kaliwanagan 'di mahagilap
Baliktarin man, pula't asul na watawat.
 
Araw na dumadaa'y gabi't pamamanglaw
Ang lambong ng ulap pakapal ng pakapal
Kahit saan walang ningning na maaninaw
Sa kadiliman mayroong mga halimaw.
 
Ang bulaklak walang samyo o halimuyak
Mga dahon at talulot nalalagas
Magandang ibon nabalian ng pakpak
Walang ibang maawit kundi pahimakas.
 
Lupang ina mo ay punong-puno ng tinik
Nagkalat ang ahas sa labas ng talahib
Sa bangko nakap'westo'y patabaing biik
Mga baboy at buwayang maninibasib.
 
Marami ng dugo ang dumanak sa lupa
Binhi ng galit sumisigid, 'di maupat
Kaya't nauuhaw pa rin ang mga linta
Sa lupang ina mo'y maraming nagdidigma!

Ang Daming Kulang

Patuloy ang pag-inog ng mundo
Paikot-ikot, nakakahilo
May lumalakd, may tumatakbo
May naiiwan, may nakapreno
Kanya-kanya tayo ng konsepto.
 
Walang hanggan ang ating pag-asam
Maraming bagay ibig makamtan
'Di makasulong at nababalam
Nakamulagat ang kahirapan
Ngunit kulang pa sa mayayaman.
 
Matapos maranasan ang lahat
Ay kulang, kulang pa at 'di sapat
Sumisidhi, lalong naghahangad
Sugatan sa pakikipagtalad
Umiiksi ang guhit sa palad.
 
Kumain, uminom at magsaya
Magpasiklab at magpakilala
Lumaban, makipagkumpetensiya
Ibig mahigitan bawat isa
Pinakamagaling ang matira.
 
Lahat sa mundo ay babahagya
Kulang sa pansin, kulang sa rangya
Kulang sa saya, puro luha
Sagana lang sa pagkabahala
Palaging naghahanap ng wala.
 
Mga bulag sa katotohanan
Tumatakip ang kabulaanan
Kulang kaya't nais madagdagan
'Pagkat marami ang isinilang
Na kapos ang isip, kulang-kulang.

Ang Dilim at Liwanag ng Pag-ibig

Tulad ng buwan at araw
Ang pag-ibig ay nagbibigay-tanglaw
Upang sa sanga-sangang landas ay 'di maligaw
Mga pusong naghahanap ng pag-ibig
Sa mundong mapanglaw at kay ligalig
May sulong sa kadilima'y nagniningas
Na tila ba 'di mauubusan ng gaas
Akala natin 'di marunong magpahimakas
Pilit pinapatay ng mga talipandas
Mga anino silang 'di laging makasunod
Maaaring magtaksil sa pagtalikod
Nasaan na ang binitiwang sumpa
Sadyang ito ay nakahalik sa lupa
Kahungkagan, may uod na sumisira
Ang pag-ibig ay ligaya't paninimdim
Sa pag-aagawan ng liwanag at dilim.

Ang Sundang Ko ay Ikaw

Mahal, kaisntaklas ka ng sundang
Na walang tetano at kalawang
Ang tulad mo ay walang pagkakupas
Lalong nahahasa sa bawat oras.
 
Araw-gabi kita'y baon-baon
Tulad ng kutsilyong pamproteksyon
'Pagkat ikaw ang aking kalasag
Sa bawat panganib 'di matitinag.
 
Mangingilag yaong sa pag-ibig nati'y
gustong humarang
Kapag nariyan ka'y walang katatakutan
Ngunit ako'y 'di na magiging handa
Sa sandali na ikaw na ay nawala
Magiging duwag na lang mistula
'Pagkat ikaw lang ang tanging sandata.
 
Oo, kumikislap ka sa liwanag at dilim
Na nag-aalis ng paninimdim
Pinuputol mo ang kahinaang angkin
Maging dugo kaya kong papatakin!
 
Paminsan-minsan ako ri'y nahihiwa
Sa dibdib ko may sugat kang nalilikha
Ngunit ito'y sadyang binabalewala
'Pagkta sundang ng pag-ibig
ay laging may dalawang mukha--
Ang katatagan at pagluha!

Sa Pagitan ng Hininga

Wala nang tatamis pa sa halik mo, mahal
Mas matamis pa sa pukyutan at asukal
Kapag nalalasap ako'y natitigagal
Puro halik na lang at wala nang mausal.
 
Sa t'wing naglalapat ang ating mga labi
Kadiliman ng paligid ay nahahawi
Ibig kong manatili't h'wag nang umuwi
Yamang ikaw lang ang tuwa't itinatangi.
 
Sadyang lumalakas ang tibok nitonmg dibdib
Sa t'wing mga puso nati'y nagsasanib
Bawat segundo ay lumalakas ang kabog
Sa lubos na kaligayaha'y nahuhulog.
 
Mahal ko, sa pagitan ng ating hininga
Naroon ang buhay at makulay na pagsinta
Sa labas ng daigdig 'di natin makita
Habang nakapikit ang ating mga mata.
 
Bakit kaya kung ikaw itong kahalikan
Humihimpil ang galaw sa sangkalupaan?
Pansin ay sa isa't isa lamang nakatuon
'Di sa lupa kundi sa ulap nakatunton.
 
Kaya't sa ganda mo ako ay sumasamba,
Habang ako ay may natitira pang hininga
Ay habambuhay na kitang maaalala
'Pagkat ang halik mo'y sadyang walang kapara!

Sa Araw ng Kasal

Itong oras ng pagsasanib ng liwanag
Ng mga pusong sa pag-ibig nagliyab
Dito ay walang puwang ang kadiliman
May silahis ng araw na nasa likuran.
 
Ito ang panahon ng pakikipagtiyap
Patungo sa landas ng maayang ulap
Pakikipag-ulayaw nitonbg buntala
Sa dalawang nilalang dito sa lupa.
 
Sa daliri'y may singsing na nakasuot
Tulad ng pagsintang 'di mababaluktot
Maghari man ang tetano at kalawang
Titingkad pang lalo magandang samahan.
 
Maririnig mo awit ng mga ibon
Himig-handog mula sa 'ting Panginoon
Ubod-banal yaong nabuong pag-irog
Kailanman palaging papaimbulog.
 
Maging mga anghel ay nakikigalak
Sa mapuputing talulot ng bulaklak
Ngayon ang araw ng maluwalhating kasal
Simula't dulo ay tanging pagmamahal.
 
 

Isang Pagbaling

Ibig kong malango sa alak ng paglimot
Habang ang lamig ng gabi ay nanunuot
Masuyo mong titig h'wag sanang ipagdamot
'Pagkat sa puso ay sumisidhi ang kirot.
 
Halika na itong kalungkutan ay hugasan
Isang baldeng tubig ibuhos sa ulunan
Nang magising natutulog na kamulatan
Ayoko ng malasap pa ang kapaitan.
 
Ibangon mo ako sa pagkakagupiling
Sana ay tanggapin sa gagawing pagbaling
Upang mabawasan ang sakit ng damdamin
At ikaw ang bagong landas na tatahakin.
 
Hindi man ikaw ang hinangad kong ligaya
Sa pamamagitan mo malilimot ko s'ya
Marahil hangal nga ang ganitong pagsinta
Matapos mabigo iba ng inaasinta!
 
Huwag mag-alala't iibigin kang lubos
'Pagkat ikaw ang napili kong manunubos
Iahon mo ako habang naghihikaos
Sana ikaw na ang idinalangin sa Diyos.
 
Bukas ang pusao ko kung ibig mo ring saktan
Nang tuluyang mamanhid itong pakiramdam
Manalig ka at huwag nang mag-alinlangan
H'wag isiping ikaw'y panakip-butas lamang.

Kuya

Huwag, huwag mo akong tawaging kuya
'Pagkat ama't ina nati'y magkaiba
Ngunit dugo mo't dugo ko puwedeng maging isa
Kapag kapwa puso nati'y pinagsama.
 
Ah, tayong dalawa ay 'di magkapatid
Hungkag na paggalang dapat lang mapatid
Isipan mo sana huwag maging makitid
Pagitan ng gulang huwag maging balakid.
 
Edad nga lamang ba ang siyang sukatan
Dito sa larangan ng pagmamahalan?
Hindi ba't ito nama'y maling batayan?
Tanging mahalaga'y ang nararamdaman.
 
Sadyang hindi tumatanda itong pagsuyo
Nananatiling bata bawat pagsuyo
Ngunit sanay na sa mga alimpuyo
Asahang 'di ka dadanas ng siphayo.
 
Pagmasdan mo ang sarili sa salamin
'Di na ikaw ang Neneng na dati'y iyakin
Ikaw na ngayon ay dalagang sakdal-ningning
Sukat na bumulag sa aking paningin.
 
Salitang kuya sa bibig mo'y iwaglit
Nawa'y ibigin mo ako kahit isang saglit
Sa kinalauna'y makamit ang langit...

Kumbaga sa Tattoo

Nakaukit ng malalim sa aking dibdib
Sa pagdaloy ng ugat ay sumasanib
Talagang pag-ibig ay mistulang karayom
Sa sarili'y walang awang ibinabaon
'Pagkat napakabrutal nitong pagmamahal
Katawan ko'y tila hinihiwa ng punyal
Ikaw mismong lumilikha ng 'yong sugat
Ginuguhitan at kinakalkal ang balat
Tinitiis ang dugo habang naghahapdi
Isipin lang kita sakit ay napapawi
Katotohanang ako ay isang bilanggo
Wal;ang layang matamo't laging nakadungo
'Pagkat sa damdaming ito ay nakakulong
Dalisay na batik sa puso'y suson-suson
'Di mababagsik na hayuop ang nakaburda
Kundi maamo mong mukhang gaya sa ada
Nagdarasal sa gitna ng pananahiimik
Kay Cristo na sa ulo'y may koronang tinik
Nakatatoo sa isipan ang pananalig
Na ako sana'y magawa mo ring maibig
Kahit burahin ito ng buto ng kasoy
Tatoo ng pag-ibig 'di na maitataboy,
Tanggalin man sa pamamagitan ng gatas
Pasuin ng sigarilyo't makina'y ikaskas
Larawang-guhit ay lalo pang mag-iigting
Tatoo itong makulay kahit na maitim
Kung baga sa tatoo mahirap nang alisin.
 

Naglahong Damdamin

Parang kailan lang kay saya ng ating pagsasama
Ngunit ngayon wala ng kasiyahang madama
'Di ko na masisilayan ang kislap ng umaga
Itim na ulap ang tumatambad sa aking mga mata.
 
Marahil lahat sa mundo ay maaaring magbago
'Di ko namalayan kabilang na pala ang pag-ibig mo
Kung kailan mahal na kitang labis at 'di kayang isuko
Saka pa ang damdamin mo para sa akin ay naglaho.
 
Bagama't nasaktan ako nang husto 'di ko makuhang magalit
Minsan din namang ang buhay ko'y gunawa mong langit
Kahit pa ang naging katapusan ay ubod ng pait
Mahal pa rin kita, limutin man ako at iyong ipagpalit.
 
'Di man maibalik pa ang matamis na kahapon
Mga puso natin 'di na muling magkakasalubong
Ngunit asahan mong alaala mo aking baon-baon
'Di iwawaglit lumipas man ang 'sandaang taon.
 
Ngayong wala ka na, buhay ko 'di na alam kung paano sisimulan
At aling landas-pag-ibig pa ang dapat na lakaran?
Magkagayunman hangad ko pa rin ang  iyong kaligayahan
Yamang buhat nang ibigin ka sarili na ay kinalimutan...

Regalo

Marahil ikaw na ang pinakamagandang regalong aking natanggap
'Pagkat labis na kaligayahan sa piling mo'y nalasap
Sa iyo lamang naramdaman tunay na pagmamahal
Na sa mga naunang inibig ay 'di nila naibigay.
 
Bawat oras at araw na ikaw'y aking nakasama
Alam kong ito'y sulit dahil walang pagkaaksaya
Kaya naman gayun na lang aking pasasalamat
Dumating ka sa buhay ko upang ako ay iangat.
 
Matapos mong ibigay nang buo ang iyong sarili
Saka ka susuko na para bang walang nangyari
'Di ba't alam mong ikaw lang ang nais ko hanggang huli?
Ngunit bakit ngayon ay iiwan mo ako sa ere?
 
Bakit kailangang bawiin pa ang pag-ibig mo?
Kung kailan matagal na tayo saka pa nagbago?
Iiwan mo lang ako na ang utak ay magulo
"'Di na kita mahal" ang sinasabi mo sa dulo!
 
Aanhin ko pa ang mga alaala mong puno ng kulay?
Kung wala ka na at kubkob na ang puso ng lumbay
Ang regalong akala ko na'y panghabuhay
Biglang naglaho't 'di ka na matanganan ng mga kamay.
 
Sana isang araw hanapin mo ako't magbago ka ng pasya
Maisip at madamang mahal mo pa rin ako pala;
Regalong para sa akin lang dapat, sinta
Ngunit ang masakit ay 'yung mapunta ka na sa iba.

Nasa Iyo

Nasa iyo lamang ang aking ikaliligaya
'Pagkat mistulang hawak mo itong pandama
Ikaw ang itinitibok ng puso ko sa t'wina
Maging sa sansaglit na pagkapugto ng hininga.
 
Nasa iyo rin ang labis kong ikalulungkot
Kapag pag-ibig mo'y tuluyang ipagdadamot
Pakiusap ang saktan mo ako'y h'wag ipahintulot
Yamang sa buhay ko ikaw ang pamawi sa kirot.
 
Nasa iyo na ang lahat kong naisin at pangarap
Na sa isang makakapareha ay hinahanap-hanap
Para sa akin wala nang hahanapin pang sukat
Tumbasan man nilang lahat 'di pa rin sila sapat.
 
Nasa iyo na rin bawat bahagi ko, maging kabuuan
Mula nang mabihag mo puso ko't isipan
Ang mawala ka'y isang malaking kakulangan
'Pagkat sa iyo na nakalagak yaring kapalaran.
 
Wala na akong ibang hangad kundi lagi kang makapiling
Habang tayo'y umiiral pa sa mundong tumatakbong matulin
At kung sakali mang may buhay pang darating
Nasa iyo pa rin ako't hinding-hindi magbabago ang damdamin!

Kumpisal ng Pagmamahal

Makinig ka't may mahalaga akong sasabihin
Ang matagal ng nilalaman nitong damdamin
Kung bakit kasi akin pang inilihim
Sa pangambang baka ako'y iyong balewalain
Ngunit ngayon iyo na ring malilining.
 
Marahil ang tulad ko ay isang duwag
Tunay na saloobin 'di man lang maihayag
Subali't handa na ako't pilit magpapakatatag
Anumang pasya pag-isipang mabuti bago igawad
Nang maibsan pinapasan kong bagabag.
 
Batid mo bang minahal na kita nsa simula?
Kahit wakas pa nito'y 'di ko alintana
Ilang ulit na ring ang sarili'y aking dinaya
Damdamin ko sa iyo nagawang itatwa
Kahit mga mata't kilos ko na ang nagsasalita.
 
Alam mo rin bang ikaw ang nasa isip bawat oras?
Sa kaiisip sa 'yo, nasa paligid 'di na talastas,
Sa gitna ng ingay ikaw ang katahimikan sa landas
Okaw ang aking kapayapaan sa mundong marahas
Ang pinaghuhugutan ng hininga ko't lakas.
 
Wala akong pagsisisihan saan man tangtayin ng agos
Basta't ang pagmamahal ay akin lang ibubuhos
Yamang pinakawalan na ang pangingimeng yumayapos
Sana man lang ang kalooban mo'y aking nahaplos
Ngayong alam mo nang iniibig kita ng lubos!

Isang Gabing Tahimik

Mahal, sana mahimbing ka habang natutulog
At sa diwa mo'y walang anumang bumubulabog
Yamang katahimikan hatid ng ating pag-ibig
Na 'di nayayanig kahit may ligalig.
 
Kung sakali mang ikaw na ay nananaginip
Sana ako ang laman dahil laging nasa isip;
Alam mo bang maging sa lubog na kamalayan
Naroon ka'tagbibigay hinahon sa kalooban.
 
Bago ako matulog ikaw'y aking ipinagdadasal
Na ang pag-ibig natin 'di lang basta magtagal
Kundi ikaw na sana para sa akin habambuhay
At 'di ko na nananaisin pang tayo'y magkawalay.
 
Oh, baunin mo ang mga yakap ko't halik
Para bang nasa tabi lang habang nakapikit
Darating din ang buong gabing tayto'y magkakapiling
Hanggang sa mag-umaga na kapwa gumigising.
 
Sabay nating sasalubungin ang umaga
Nakangiti at bumabati ng pagkaganda-ganda
Gaya ng dati muli na namang magkakasama
Upang pagsaluhan ang pag-ibig sa isa't isa.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...