Friday, April 25, 2014

Mabuting Epekto sa Bibig ng Alcohol-Free Mouthwash

          Ikaw ba ay nakararamdam ng stinging sensation sa loob ng bibig mo habang nagmumumog ng mouthwash? Taliwas sa akala ng marami, ang matinding stinging sensation mula sa alcohol-based mouthwash ay hindi katiyakan ng isang malinis na bibig.

         Ang malakas na flavor ng mint na nagdudulot ng matinding sting ay hindi totoong naglilinis ng bunganga bagkus pinababango lang ito ng mouthwash.  Kung walang mint flavor  ang mouthwash ito ay mangangamoy tulad ng isang regular na antiseptic. Sa katunayan, ang mouthwash ay unang ginawa bilang isang surgical antiseptic noong 1879.

        Ang palagian at matagal na paggamit ng alcohol-based mouthwash ay inaakalang nagpapapresko ng hininga. Gayunman, ang masakit na bibig ay hindi indikasyon ng kalinisan. Itinatago lamang ng alcohol at malakas na mint flavor sa mouthwash ang amoy ng bibig upang isipin mo na wala na ang amoy nito.

       Kapag nakaramdam ng hindi maipaliwanag na sting habang nagmumumog o pagkatapos magmumog, ibig sabihin nito ay masakit ang bibig mo dahil may maling balance sa loob nito. Ipinaaabot ng bibig ang mensahe sa utak na ang mouthwash ay masyadong matapang at nasasaktan ang gums at iba pang tissue sa loob ng bibig.

       Ang alcohol-free mouthwash ay mas mabuti sa bibig sapagkat may mga aktibong sangkap ito na hindi nagdudulot ng sting. Ginagawa nitong stable ang chlorine dioxide upang mawala ang bad breathe sa pamamagitan ng paglalabas ng oxygen upang puksain ang bacteria sa bibig  at i-neutralize ang volatile sulphur compounds(VSC) na nagdudulot ng mabahong hininga. Ang epekto nito ay mas mababang concentration ng VSC na nagdadala ng bad breath kaya mas mabango ang hininga.

        Mas maganda sa kalusugan ang alcohol-free mouthwash dahil wala itong mga sangkap na nakasasama sa katawan. Dahil dito, ang mga gumagamit ng mouthwash ay mas makamumumog nang mas matagal ng walang nararamdamang sting, bukod pa sa mas tiyak na presko ang hininga.

Monday, April 21, 2014

Buhay-Travel Blogger

Lois Yasay of wearesolesisters.com
         Wala nang sasarap pa sa pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar dahil masaya ito. Bukod sa nakakakita ka ng magagandang tanawin ay marami ka ring matutunan dahil may matutuklasan kang bago. Iba’t ibang personalidad din ang iyong makikilala at makakasalamuha. Kaya naman marami na rin na ginawang career ang pagiging adbenturero sa pamamagitan ng paggawa ng travel blog. Kabilang na rito ang isa sa nangunguna sa nasabing larangan sa bansa- ang www.wearesolesisters.com.

        Nagsimula ang Sole Sisters nang magpasyang umalis sa kanilang trabaho ang magkaibigan na si Lois Yasay at Chichi Bacolod para makapag-biyahe. Pero bago ‘yun nag-ipon muna sila ng pera sa loob ng isang taon para makapunta sa India at Southeast Asia at naglakbay sila roon sa loob ng anim na buwan. Nakagastos lang sila ng ‘di hihigit sa isang daang  libong piso. Doon nila nagawa ang kanilang blog para mai-dokumento ang bihaye nilang ito at siyempre para maibahagi ang kanilang karanasan sa buong mundo.

        Marami ang nakaimpluwensiya kina Lois kabilang na rito ang paborito nilang mga blog gaya Adventurous Kate na gaya nila ay naglibot din sa Southeast Asia. Pati na rin ang Ayngelina of Bacon is Magic, Jodi of Legal Nomads, Nomadic Chick, This Battered Suitcase, Flipnomad at Soloflight Ed.

         Ang isang travel blog ay kumikita sa pamamagitan ng ad banners, sponsored post at paid links. Ang bayad ay nakadepende na rin kung maraming bumibisita sa iyong blog. Ang Sole Sisters ay may prinsipyong sinusunod, nagrerebyu lang sila ng produkto, lokasyon at serbisyo kung ito ay akma sa kanilang blog at nasubukan o napuntahan na nila ito mismo. Lahat ng biyahe nila sa Pilipinas ay merong nag-iisponsor maliban na lang sa biyahe sa ibang bansa na sila na ang gumagastos. ‘Di ang travel blog ang pangunahin nilang pinagkakakitaan dahil may iba pa silang source of income. Pero dahil sa ito ay kanilang passion  kaya’t masaya sila sa kanilang ginagawa. Nagbigay ito ng opurtunidad para magkaroon sila ng exposure. Dahil dito ay naiimbitahan silang maging taga-pagsalita sa mga inspirational talk. Nakasama pa ni Lois ang isa sa pinakamagaling na motivational speaker sa bansa na si Franscis Kong sa isang seminar sa Cebu.

        Para ‘di mag-alala ang pamilya sa kanilang mga biyahe ay sinasabi nila kung saan sila pupunta at kung kailan sila makababalik. Suportado naman sila ng kani-kanilang pamilya sa ginagawa nila basta’t sinisiguro lang nila magiging ismarte at maingat sila sa pagbibiyahe. Pagdating naman sa kanilang mga love life, sinabi ni Lois na sumasama sa kanilang biyahe ang kanyang nobyo. Gaya niya ay mahilig din itong magbiyahe.

         Kapag nagbibiyahe sila sa ibang bansa bagama’t nalilibang sa mga lugar na kanilang nagagalugad, kapag may nakikilala silang mga dayuhan ay ‘di nila nalilimutang i-promote ang Pilipinas. Lagi nilang inirerekomendang puntahan ang mga surfing area sa atin gaya ng Baler, Siargo at Catanduanes. Ibinibida rin nila ang mga beaches sa Palawan at Calaguas Island. Inirirekomenda rin nila ang Cebu at Bacolod dahil masasarap ang mga pagkain doon. Pati na rin ang Davao na hometown ni Lois dahil sa pagkakaroon nito ng white water kayaking, durian at siyempre pa may Kadayawan Festival!

    Ang pinakamahalagang natutunan ng Sole Sister kapag nagbibiyahe, ito ay ang pakikisalamuha sa mga local ng bawat lugar na kanilang pinupuntahan. Dahil sila ang makapagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang lugar at kultura. Sila ang dapat tanungin kung saan magandang kumain, lumagi at magbiyahe. Nang tanungin kung ano ang pinaka ‘di nila malilimutang lugar, sinabi ni Lois na, “Siguro ‘yung India very unique kasi ang culture at energetic ang vibe nila saka sa Myanmar dahil totoo at napaka-lovable ng mga tao roon.”  Gusto rin ng Sole Sisters na makapag-biyahe sa South at Central Amerika sa hinaharap. Sa ngayon ay tuluy-tuloy lang ang adbentyur. “Palagay ko magbibiyahe ako habang nabubuhay ako kasi ito ang pinaka-passion ko,” dagdag pa niya.  

          Kapag travel blogger, dapat ay maging pasensyoso ka at huwag maging bugnutin kapag nagkamali habang nagbibiyahe dahil doon nagsisimula ang pagkakaroon ng adbentyur. Kinakailangan na maging madiskarte sa paghahanap ng lugar at siyempre pagkasyahin ang budget. Makatitipid diumano kung sa mumurahing hotel mag-check in, kakainin ng mga street food, sumakay sa public transportation, matutong tumawad at iba pa. Kapag nagbibiyahe rin ay siguraduhing ‘di gaanong mabigat ang laman ng bag dahil ikaw din ang mahihirapan. Gaya ng kanilang ginagawa na ang laman ng bag ay ‘di tataas sa pitong kilo. Kinakailangan din na maging bukas ang iyong isipan and maging palangiti sa lahat ng mga tao na nakikilala mo kung nasaan ka mang lugar. Kapag meron kang nais gawin, gumawa ng plano at hingin ang suporta ng mga tao pagkatapos ay umabante. Magiging imposible lang ang isang bagay kapag ‘di ka gumagawa ng paraan.

           Kung nais maging matagumpay na travel blogger, dapat magkaroon ng kakaibang istorya gaya ng ginawa ng Sole Sister na nagbiyahe ng anim na buwan sa Sotheast Asia sa limitadong budget lang. Kumbaga, magkaroon ng sariling tatak na matatandaan ng mga tao. Manatili ring positibo sa lahat ng oras at magbigay ng inspirasyon sa iba. Sabi nga ni Lois, “Ang key words lang naman d’yan ay makapag-inspire, malapag-motivate at makapag-entertain ka anumang topic at field na piliin mo.”

Sa Hawla ng Pag-ibig

Ayoko, ayoko ng maging malaya
Sa pagkakakulong h'wag nang makawala
Muli't muli mong itanikala, mutya
Ikarsel sa mga yakap maya't maya
Bilanggo akong may nadaramang tuwa
'Pagkat tanod kang sa diwa ko'y pumapayapa.
Kay sarap mahimlay sa rehas na bakal
Panaginip may kagandahang katambal
Salamat sa damdamin na nagsasakdal
Kasuno ang langit mula nang makasal
Nakakabusog ang hinaing minindal.
Kay saya naman sa hawla ng pag-ibig 
Wala ng kalungkuta't pagkaligalig
Kundi puro lang malalamyos na tinig
Mainit ang pandama kahit malamig
May silab ng apoy na 'di malulupig.
Sa buong magdamag ako ay igapos
Mga mata ko ay takpan pagkatapos
Sibat na matulis sa aki'y itulos
Kalayaan sana ay h'wag nang matubos
Yamang puso'y bihag mo ng lubos-lubos.

Batubalani

Unang kita pa lang sa 'yo ako'y napatda
Napatitig nang husto't biglang natulala
Mistulang anghel na bumaba sa lupa
Dahil sa 'yo isip ay naging mapayapa.
Makipot mong labi ay tila pulang rosas
Ngiti mo ay napakatamis na mansanas
Makintab na buhok sadyang maaliwalas
Nakakaakit, kay ganda ng iyong bulas.
Araw-araw ikaw ay laging hinahanap
H'wag ka sanang magtatago sa may ulap
Magpakita ka naman, huwag maging mailap
Ang tulad kong aba sana ay bigyang lingap.
Puso kong sugatan ay iyong pinagaling
Kakulanga'y napunan sa iyong pagdating
Maging akin ka na sana, tangi kong hiling
Bagama't wala akong halaga't 'sang haling.
Sa aking piling hinding-hindi ka hihikbi 
Iyong-iyo lang ako'twala kang kahati
Sana'y sagutin mo ako kung maaari
Inibig na kita buhat nang mabighani.

Pag-ibig, Bakit Kay Lupit Mo?

Pag-ibig, 'di ba't ikaw ay nagbibigay ng pag-asa?
Tanging pag-asa sa mundo na ligalig ang dala
Kapag nadarama ka ay ano'ng aking ligaya
Nakalilikha ng mga salitang magaganda
'Di maipaliwanag parang nananalinghaga
Nakaukit sa puso ko bilang obra maestra.
Nais kong itangis ang aking mga kalungkutan
Sa natamo kong napakasakit na kabiguan
'Pagkat ang inibig ko'y mayroon ng kasintahan
Mahal na mahal niya ito't 'di kayang iwanan
Kaya't ako'y mababalewala lang naman
Ako ba'y laging biktima ng mga kaganapan?
Pag-ibig, bakit kay lupit mo at napakailap?
Ang nangyari sa akin ay lubhang napakasaklap
Bakit masamang simoy ng hangin ang nalalanghap?
Sa sobrang sakit ang balat ko parang matutuklap
Ang matamis na pag-ibig kailan malalasap?
Magkaroon ng kabuluhan ang aking paghihirap.
Marahil ay madaling makadaya ang alindog
Kaya't dagling umiibig, dibdib ay kumakabog
Ngunit ang kalooban ko'y nalasog at nadurog
Sa kaiisip ang utak ay tila binubugbog
Tila ako nasa gilid ng bangin, nahuhulog
Madilim ang langit, kumikidlat at kumukulog!
Pag-ibig, nais kong madamang muli ang 'yong paggiliw
Katulad noon na lagi mo akonbg inaaliw
'Di tulad ngayon na para akong nababaliw
Naliligo sa ulan kaya't tila basabg sisiw
Sa malungkot na damdamin ibig ko ng bumitiw
Ibigay ang tunay na pag-ibig na walang maliw...

KSP (Kulang sa Pagmamahal)

Singlamig ng Disyembre ang bawat umaga
Nababasa't giniginaw sa pag-iisa
Dinidilaan ng hamog ang aking mga paa
May tinig na bumubulong sa aking tainga
Nagpapaalalang pag-ibig mo'y wala na.
May ligaya bang uusbong sa aking dila?
Kung namumulaklak itong pangungulila
Dating mayabong na saya ngayo'y nalanta
Nasa'n na ang binhi ng pagsintang napunla?
Bakit labis ang hirap sa pagdaralita?
Sinusundan ko ang iyong dating anino
Ngunit madali palang magbago ang mundo
Iba ng kapiling mo sa bagong paraiso,
Iba na ang mahal mo at 'di na ako
Gayun pa man walang karapatang manibugho.
Bakit pa nga ba kita hahanap-hanapin?
Kung wala na akong puwang sa iyong damdamin
Sapatna ang minsang ikaw ay naging akin
Ibabaling na lang sa iba ang pagtingin
Ang isa't isa'y labis naming mamahalin.
Ang pag-ibig mo man sa akin ay nagkulang
Ba't ang pagkatao ko pa ri'y nadadarang?
Tila ka isang nakakatusok na subyang
Ngunit malaki na ngayon ang ating patlang
Sa pag-ibig ko 'di ka ba nanghihinayang?

Aanhin Ko Ang Ganda

"Huwag kang iibig nang dahil sa ganda
Ang ganda'y nagbabawa
kapag tumanda na
Ang lahat sa mundo'y sadyang nag-iiba".
                         -Jose Corazon de Jesus
Ngunit ang kagandahan ang unang nakikita
Sa pagtingin mo sa isang dalaga
Sadyang nakabubulag ito ng mga mata
Katulad ko na umibig dahil lang sa ganda
Wika mo nga lahat ng ito ay nag-iiba.
Dinurog ang puso ng babaeng maalindog
Dahil sa ibang lalake siya'y nagpatuhog
Matapos iakyat ako pa ang inihulog
Kay tagal palang sa katotohana'y natulog
'Di pa magigising kung 'di pa naumpog.
Iyang kagandahan ay totoong mapaglaro
Ang pag-ibig kung minsan ay ginagawang biro
'Pagkat may katayugang nadarama sa puso
Kay dami ang naghahangad at namimintuho
O, bakit kay dali namang matangay sa tukso?
Merong kagandahan na ang hilig ay manghuthot
Kunwari'y mahal ka't sa iyo'y nagkukumamot
Ipagpapalit ka lang pala sa ibang kelot
Ang ganitong ganda ay lubhang nakatatakot
Nagdudulot lang sa puso ng ibayong lungkot.
'Di baleng 'di maganda basta siya'y mabait
Mabuti ang loob at 'di ka ipagpapalit
Aanhin ang ganda kung magbibigay ng sakit?
Ang ibig kong kasintahan ay 'di manggagamit
Basta't h'wag lang doon sa babaeng mukhang puwet!

Nakamamatay Ang Pag-ibig

Ang pag-ibig ay sintamis ng pulot sa magsing-irog
Kasing lawak ng dagat at kasing lalim ng ilog
Ngunit kung saka-sakaling ang puso ay madurog
Huwag aakyat sa building para magpatihulog.
Ang pag-ibig ay 'yung dalisay ang layon
Sa ating kabuuan ay may itinuturong leksyon
Ngunit kung mabigo tayo sa ating ambisyon
Pakiusap ko lamang huwag iinom ng lason.
Ang pag-ibig ay talaga namang nakakaloko
Dapat marunong kumontrol kapag nadarama mo
Ngunit huwag kumuha ng batong pamukpok sa ulo
Kahit masaktan ay huwag maglaslas ng pulso.
Ang bawat tao ay naghahangad ng luwalhati
Kaligayahan ang pangarap sa bawat sandali
Ngunit kung iniwanan ka at naging sawi
Huwag kukuha ng lubid para magbigti.
Nakakapaso ang pag-ibig dahil nagbabaga
Nagliliyab ang dibdib sa sandaling nadarama
Walang pakiaalam kahit sino pang makabangga
Hindi aatras kahit na sugurin pa ng taga.
Ngunit delikado kapag naglaro na ng apoy
Ang bawal na pag-0ibig ay kailangang itaboy
Maging dahilan pa ng pagkalubog sa kumunoy
Pare-pareho kayong ngangawa at magngunguyngoy.
Mga minamahal, nakamamatay ang pag-ibig
Kahit itong kahulugan ng buhay sa daigdig
Mag-ingat kayo't h'wag masyadong magpakaligalig
Kung di n'yo gustong kay Kamatayan makipagniig!

Sinisiil Ako ng Iyong Mga Halik

Sinisiil ako ng iyong mga halik
Tila ba tinamaan ng lintek
Ang kaligayahan ay muling nagbabalik
Sa kasisipsip mo ay para kang limatek
Walang paki kahit laway ay tumalsik.
Ang halik mo ay sadyang pagkasarap-sarap
Tamis ng ligaya ang ipinalalasap
Para nang nakarating sa taas ng ulap
Ikaw ang babaeng kay tagal pinangarap
Ngunit sa aking piling ay iyong tinanggap.
Wala ng tatamis pa sa halik mo, mahal
Damang-dama pa rin ang 'yong pagmamahal
'Di ako makaimik kaya't nauutal
Lalo kitang inibig habang tumatagal
Halik mo sa isip ko ay 'di na matanggal.
Sinta, nasasamyo ko pa rin ang 'yong bango
Tila ka isang bulaklak; hasmin o liryo
Napapatanga ako't parang namaligno
Nang ihatid ako sa kakaibang mundo
'Di ko malilimutan ang ganitong tagpo.
Tinighaw mo ang uhaw at tuyo kong labi
Kaya't ang kalungkutan ay dagling napawi
Binigyan mo ng kulay ang bawat sandali
Halik mo'y tunay at wlang ikinukubli
Sana'y ulit-ulitin natin itong muli...

Panganib na Dulot ng Malarya

     Ang malarya ay kasing mapanganib ng sakit na dengue dahil nakamamatay ito. Kung ang dengue ay inihahatid ng lamok na tinatawag na aedes aegypti, na umaatake sa araw. Ang malarya naman ay dala ng babaing lamok na anophele, na karaniwang umaatake sa gabi. Ang ganitong lamok ay namamalagi sa masusukal na lugar at maging sa maruruming kapaligiran. Mapupunanang kapag kumakagat ito ay nakataas pa ang dalawang paa sa likod. Laganap ang malarya sa mga liblib na lugar, sa sakit na ito namatay si Lester Langit, anak ni Rey Langit matapos itong magtungo sa isang bahagi ng Palawan.


     Ang malarial parasites ay dahilan ng pagkakaroon ng malarya. Dumadaloy ito sa dugo at pumapasok sa red blood cells. Ang rbc ay lumalaki at dumadami hanggang sa pumutok. Kapag pumutok ito ay kumakalat ang malarial parasite at pumapasok din sa iba pang rbc. Sabi ng mga duktor ay mayroong apat na uri ng malarial parasite at ang mga ito ay ang plasmodium vivax, plasmodium ovale, plasmodium malariae at ang plasmodium falciparum. Dito sa ating bansa ang nabanggit na huli ang pinakalaganap at pinakamalala.

     Ngunit anu-ano nga ba ang sintomas ng pagkakaroon ng malarya? Nagsisimula ito sa trangkaso, makararamdam ng sakit ng katawan, ubo at sipon, sakit ng ulo at masususndan ng pagtaas ng lagnat. Pagkaraan ng ilang oras pagpapawisan nang husto at maya-maya lang ay mawawala na ang lagnat. Kinakailangang magamot agad ito dahil mauuwi sa maraming komplikasyon. Maapektuhan nito ang iba't ibang parte ng ating katawan. Halimbawa, sa kidney mapapansing nag-iiba ang kulay ng ihi, nagiging kulay pula dahil nga sa dami ng nasisirang rbc. Apektado rin ang utak kaya't nag-iiba ng ugali ang taong may malarya at minsan pa ay hindi nakakakilala ng mga dati nang kakilala. Isa pa, nahihirapang dahil sa hindi maayos ang daluyan ng hangin sa baga. Nasisira rin ang atay, mapapansing naninilaw ang mata dahil ang atay din ay puntahan ng malarial parasdites kaya't nasisira ito.

     Kapag tinamaan na ng malarya ay puwede pa itong maulit kapag nakagat uli ng lamok na nagdudulot ng malarya. Kaya't kinakailangan ng ibayong pag-iingat at para maiwasan ito ay maging malinis sa kapaligiran. Tiyaking may takip ang imbakan ng tubig para 'di pangitlugan ng lamok. Siyempre, kapag nakaramdam ng mga nabanggit na sintomas magtungo agad sa hospital para maagapan nang hindi na mauwi pa sa komplikasyon at kamatayan.

Katakawan sa Pagkain Paano Maiiwasan?

Natural na sa tao ang kumain kapag nakararamdam ng gutom. Ngunit sadyang may mga tao na waring ang pagkain na yata ang ginawang libangan. ‘Yun bang makikita mong halos oras-oras ay mayroong kinakain. Hindi na normal ang ganito, maituturing na kasi itong pagkagumon sa pagkain o food addiction sa Ingles at hindi rin maganda ang epekto nito sa kalusugan. Nagiging dahilan ito para maging sobrang taba, dahilan din para maging lapitin ng sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, high blood at kung iba pa.

Samantalang ang iba nga ay nakararanas pa ng depression at nakararamdam ng guilty pagkatapos kumain ng marami. Mayroon ngang kasabihan na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Ngunit paano ba mapipigil ang pagiging sobrang takaw sa pagkain?

-Kapag pumupunta sa grocery ay limitahan lang ang pagbili ng pagkain, ‘yung tama lang sa pangangailangan at huwag pupunuin ng stock ang refrrigator ng pagkain. Kapag marami ka kasing nakikitang pagkain ay matutukso rin na kumain ng kumain.

-Umiwas sa tukso. Iwasang pumunta o dumaan sa mga paboritong restaurant. Isa-isip na bukod sa magastos ito ay mapapalakas lang lalo nito ang  iyong craving o pagnasa sa pagkain. Kumbaga, kung ano ang iyong kahinaan, ito ang dapat na iyong labanan sa pamamagitan ng pag-iwas dito.

-Kapag kakain ay maliit na plato na lang ang gamitin. Kapag malaking plato kasi ay marami ka ring mailalagay. Iwasan nga lang na magpabalik-balik sa kaldero dahil mababalewala rin ito. Kontrolin ang isip, na dapat ay hanggang ganito lang kadami ang iyong kakainin. Kumain lang din kapag ngugutom at hindi maya’t maya ay panay kain. Dahil baka dahil dito ay hindi pa matunawan.

-Ugaliin din ang pag-i-ehersisyo para mabawasan ang timbang. Nang sa gayun ay maiwasan din ang pagbigat nang husto. Pero balewala ang lahat ng ito kung hindi rin naman kokontrolin ang pagkain. 

-Ibahin ang panlasa. Kung matatamis na pagkain ang hilig ay mas mainam kung ang kakainin ay mga pagkaing kaunti lang ang asukal. Sa pamamagitan ng ganitong praktis ay tiyak na mawawala na ang sobrang pagkahilig sa matatamis na pagkain.

-Ituon sa ibang bagay ang atenyon. Puwedeng bigyan ng pansin at linangin kung ano’ng talento ang mayroon ka. Kumbaga, gawing abala ang sarili, sa mga oras kasi na walang ginagawa ay dito umaatake ang pagkagumon sa pagkain.

Tips Para Iwas-Wrinkles

Ang mukha ang agad na napapansin kapag tinitingnan mo ang isang tao. At kapag mayroon kang wrinkles malamang ay mapapansin din ito. Ang wrinkles pa naman ay nakapagpapatanda sa ating hitsura. Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng wrinkles. Ngunit ito naman ay madaling iwasan kung atin lang gugustuhin. 

Ang isa sa dahilan nito ay ang sobrang pagkabilad sa araw. Nakatutuyo kasi ito ng ating balat ‘di lamang sa mukha kundi sa lahat ng parte n gating katawan na nabibilad sa araw.  Nagiging sanhi ito para maging aktibo ang mga free radicals na sumisira ng balat. Kaya’t para maiwasan ang wrinkles ay huwag magbilad sa araw lalo na sa oras na napakainit ng araw, mula alas-dyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Bukod dito ay kumain ng mga prutas na mayaman sa katas para ‘di nanunuyo ang ating mga balat. 

Ang facial expressions din ay may kinalaman kung bakit nagkakaroon ng wrinkles ang isang tao. Halimbawa, kung madalas ang ginagawang pagsimangot malamang ay magkaroon ka ng wrinkles. Maaaring kaya ka nakasimangot ay dahil sa masyadong naapektuhan ng mga problema o may mga bagay o tao na kinaiinisan. Imbes na magpadala rito ay harapin ito ng buong hinahon. Mas mabuti kung ang magiging masiyahin para laging maging maganda ang pakiramdam.

Maging ang paninigarilyo ay hindi lamang delikado sa ating kalusugan, nagreresulta rin ito sa pagkakaroon ng problema sa balat. Napapabagal nito ang pagdaloy ng ating dugo na nagiging hadlang para hindi makapagbigay ng sapat na hangin sa ating selula ng ating balat at buong parte ng katawan. Nagreresulta ito sa pagkakaroon ng wrinkles. 

Kapag kulang ka rin sa nutrisyon gaya ng protina at collagen ay maaari ring maging sanhi ito ng pagkakaroon ng wrinkles. Isama na rin dito ang kakulangan sa enzymes. Para malabanan ito ay kumain ng mga pagkaing mayaman sa mga nasabing protina.

Iwasan din ang pagpupuyat dahil isa rin ito sa dahilan ng pagkakaroon ng wrinkles.

Sobrang Pag-iehersisyo Masama sa Kalusugan

Ang ehersisyo ay maraming mabuting dulot sa atin. Nagpapalakas ito ng muscle, nagpapaganda ng daloy ng dugo, nagpapasigla ng katawan, nagdudulot ng malusog na puso at marami pang iba. Pero sa kabilang banda ay hindi rin naman mahanda kapag nasobrahan sa pagsasagawa nito. Maaari ka kasing magkasakit lalo na kapag panahon ng taglamig.

Base sa pag-aaral ng mga eksperto, ang mga atleta na sumasailim lagi sa matinding ehersisyo ay nababawasan ang natural killer cells at lymphocytes. Ang nasabing mga selula ay parehong mahalaga na nagbibigay proteksiyon laban sa sakit. Kapag sobrang tagal o haba ng isinasagawang eherisisyo ay maaaring dapuan ng sipon o ‘di kaya’y lagnat. Mahirap naman kasi kapag napupuwersa ang katawan. Pero kapag tama lang ang isinasagawang pag-iehersisyo ay napapalakas nito ang ating immune system na lumalaban sa pagkakaroon ng sakit.

Kapag sadyang kinakailangan talagang mag-work out ng matindi ay huwag itong gawing araw-araw para ‘di magkaroon ng ‘di magandang epekto sa katawan. Dapat ay magkaroon ito ng pagitan. Mahalaga ring kumain nang husto para magkaroon ng sapat na suplay ang katawan ng antioxidant para ayusin ang mga nasirang free radical habang sumasailalim sa matinding ehersisyo. Kinakailangan ng mga pagkaing mayaman sa protina at complex carbohydrates. Samahan din ito ng pagkain ng gulay at mga prutas para manatiling malakas ang katawan at resistensiya.

Para rin maiwasan ang sobrang pag-iehersisyo ay gumawa ng talaan at ilista ang mga isinagawang ehersisyo sa loob ng isang araw at isulat din kung ano ang iyong naramdaman bago at matapos ang ehersisyo. Kapag nakararanas ng ‘di pangkaraniwang antok at madalas na sipunin aba’y makabubuting ibahin na ang isinasagawang workout. Kapag nasobrahan imbes na lumakas ang katawan ay tiyak na manghihina ka lang dahil may iniindang sakit.

Paano Maiingatan Ang Ating Atay?

Ang liver o atay ay napakahalagang parte ng ating katawan dahil sa marami itong naitutulong sa atin. Ilan lang dito ay nagiging imbakan ito ng mga bitamina, mineral at asukal. Sinasala rin nito ang ating dugo para alisin ang mga toxin sa loob ng ating katawan.  Sinasabing sa bawat pagtibok ng puso, 25% ng ating dugo ang napupunta sa atay upang salain. Ang atay ang pinakamalaking glandula sa loob ng ating katawan. Tinatayang nasa 1.5 kg ang timbang nito.

Ilan lamang sa dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa atay ay ang ‘di pagka-ihi sa umaga at sobrang paggamit ng gamot. Maging ang ‘di pagkain ng almusal at pagkain ng mga pagkaing gawa sa preservatives, food coloring at mga artipisyal na pampatamis ay nag-aambag din ng pagkasira sa atay. Puwede rin naman kapag nasobrahan sa pagkain. Kaya’t ipinapayong hinay-hinay lang sa pagkain para ‘di magkaroong ng diprensya ang atay. Maging ang pagkain ng marurumi at mga hilaw na pagkain ay maaari ring magdulot ng problema sa atay. Isama pa rito ang labis na pagkain ng mga pagkaing sagana sa mantika. Kaya’t dapat lamang kapag nagpiprito ay bawas-bawasan ang paglalagay ng mantika.

Siyempre, kasama na rin sa mga dahilan ng pagkasira ng bato ang sobrang pag-inom ng alak at pag-inom ng gamot. Kapag iinom ng alak dapat ay katamtaman lamang at huwag sosobrahan. Sa pag-inom naman ng gamot, hindi dapat nagsasagawa ng self-medication. Dapat ay ‘yung inireseta lang ng duktor para siguradong ligtas ang pag-inom ng gamot.
Ilan sa sintomas para malaman kung nasira na ang atay ay kapag nawawalan ng gana sa pagkain at bumababa na ang timbang. Maaaring makaramdam ng pagsusuka, pagkahilo, pagtatae, sakit ng ulo, pamumula at panganagati ng mata, mabilis na pagkainis, depresyon, alergi, pabagu-bagong emosyon at iba pa. Kung tutuusin ay madali lang namang iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa atay basta’t magkaroon lamang ng healty life style at piliing mabuti ang ating mga kinakain. Ugaliin din ang pag-iehersisyo at pag-inom ng maraming tubig. Gawin din ang taunang pagpapatingin sa duktor para malaman ang kundisyon ng ating atay. Kapag nakaramdam ng mga sintomas ay kumonsulta agad sa espesyalista. Mahirap kung sa huli na magpapatingin, malalaman mo na lang na unti-unti na palang kinain ng mikrobyo ang atay. Kaya’t ‘di dapat winawalang halaga ang problema sa atay kung gusting humaba pa ang buhay!

Paano Manatiling Bata Habang Tumatanda?

Ang pagtanda ay sadyang ‘di natin maiiwasan. Kapag tumatanda tayo ay kasabay din nitong humihina ang iba’t ibang bahagi ng ating katawan. Ngunit may mga pamamaraan para ‘di maging mabilis ang pagtanda. 

Kumain ng mga pagkaing sagana sa bitamina para mapanatiling malakas ang pangangatawan tulad ng mga gulay at prutas na mayaman sa fiber, calcium, iron magnesium at anti-oxidants. Mahalagang tiyaking wasto ang pagkain para maging wasto rin ang ating timbang. Ugaliing ding uminom ng maraming tubig para maging malusog ang balat at hindi ‘yung nanunuyo. Siyempre, huwag kalilimutang mag-ehersiyo dahil bukod sa nagpapalakas ito ng katawan at ng buto ay nagpapalakas din ito ng ating panlasa upang maging ganado sa pagkain. Bukod dito ay nakatutulong din ito upang maging maganda ang ating panunaw at maging maayos ang daloy ng ating dugo. 

Kapag nasa labas ng bahay ay gumamit ng salamin sa mata para maiwasan ang sunburn. Bukod dito ay protektagan din ang ating balat sa pamamagitan ng paglalagay ng mga cream oil na kumukontra sa sunburn.  Ayon sa mga eksperto, ang pagkairita o pagkasunog ng balat sa araw ay nakakapagpabilis sa pagtanda. Kung naninigarilyo ay mabuting itigil na ito. Iwasan din ang secondhand smoke. Sinasabi kasing ang sigarilyo ay nakapagpapataas ng tsansa para magkaroon ng kanser at sakit sa puso. 

Iwasan din ang sobrang pagpapagod at pag-iisip ng mga problema. Kapag lagi kasing ganito ay mabilis ka ngang tatanda dahil sa madalas na pagkunot ng noo at pagsimangot. Kapag may problema, imbes na dibdibin ay harapin ito ng maayos at huwag masobrahan sa reaksyon na para bang wala ng solusyon. Ugaliing mag-isip ng positibo at mga bagay na makapapagpasigla sa buhay. Maaring maghanap ng mga bagong mapaglilibangan. Pagbutihin din ang pakikitungo sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kapag kasundo mo kasi ang lahat ng tao ay wala kang mararamdamang stress. Importante ito dahil kapag may kinikimkim na galit sa kalooban ay ‘di rin maganda ang epekto nito sa kalusugan.  

Kaakibat din ng pagtanda ang pagkakaroon ng mahinang memorya. Bago pa ito mangyari ay palakasin ang memorya sa pamamagitan ng pagsagot sa mga cross word puzzle at mga kahalintulad nito na nakakalulong para tumalas ang isipan.
Maging alerto kapag nakararamdam ng sakit. Iwasan ang paggagamot sa sarili bagkus ay komunsulta sa duktor. Ang kaunting sakit na nararamdam ay ‘di dapat ipinagwawalang-bahala para ‘di na ito mauwi pa sa malalang situwasyon. 

Hindi naman talaga dapat pinoproblema ang pagtanda bagkus ay dapat pa nga itong tingnan bilang biyaya dahil nabubuhay pa sa mahabang panahon. Ang sa atin lang, ingatan ang kalusugan para ‘di mapabilis ang pagtanda.

Mga Pagkaing Panlaban sa Sipon

Ang sipon ay sanhi ng virus at wala pa talagang gamot na naiimbento para dito. Ngunit ang maganda ay kusa din itong nawawala. Pero mayroong mga paraan para ito ay maiwasan. Kabilang na rito ang mga pagkain ng mga pagkaing nagpapalakas ng immune system. Kapag malakas ang immune system ay mailalayo rin tayo sa pagkakaroon ng sipon. Narito ang ilang mga pagkain na mabisang panlaban sa sipon:
Ang broccoli ay mainam kainin dahil nagtataglay ito ng antioxidants at vitamin A at C. Sagana rin ito ng nutrients gaya ng calcium, potassium at fiber.  Para higit na makuha ang sustansya nito ay mas maganda kung kakainin ito ng hilaw. Kung ayaw naman ng hilaw ay i-steam na lang ito. Epektibo rin ang pagkain ng kamatis dahil nagtataglay ito ng lycopene. Ang lycopene ay hindi lamang sa sipon lumalaban bagkus kaya rin nitong labanan ang pagkakaroon ng prostate cancer sa kalalakihan at lumalaban din sa cardiovascular disease.
Siyempre, mawawala ba naman ang lemon at oranges na kilalang epektibo sa sipon. Pero epektibo ito kapag nag-uumpisa pa lang na maramdaman  ang sintomas ng sipon, hindi kapag malala na. Kung ayaw naman ng maaasim na prutas ay pupuwede rin ang strawberries na nagtataglay din naman ng Vitamin C.
Alam n’yo bang maging ang pagkain ng bawang at sibuyas ay tumutulong din sa pagpapalakas ng ating immune system. Mayaman ito sa phytonutrients na kilala dahil sa pagkakaroon ng antibiotic at antiviral properties. Ang bawang ay mayroong flavonoids na tumutulong sa vitamin C para patayin ang bacteria. Kaya’t ‘di dapat isnabin ang bawang at sibuyas at ituring lang na bilang rekado. May mga tao kasing ayaw kumain ng bawang at sibuyas dahil sa ‘di nila gusto ang lasa.
Kung may mga pagkaing dapat kainin ay mayroon din namang dapat na iwasan. Halimbawang mayron nang sipon ay iwasan ang pagkain ng maalat at ng sabaw. Maari kasing itong maging sanhi ng drainage. Dapat ding iwasan ang pagkain ng tsokolate, mani, hipon, talaba at iba pa. Basta’t kapag may sipon ay uminom lang ng maraming tubig at kailangan ng kaunting pahinga. Kapag nakaramdam na ng kakaiba ay mabuting magpakonsulta na sa duktor dahil baka hindi na ‘yan ordinaryong sipon lang.

Mga Pakinabang sa Papaya

Ang papaya ay paboritong kainin ng karamihan dahil sa kaaya-aya nitong hitsura masarap nitong lasa. Manamis-namis kapag ito ay hinog. Kapag hilaw ay masarap ihalo sa mga lutuing gulay. Puwede ring gadgarin para gawing atsara. Kilala ito bilang pantulong sa mabilis na pagtunaw sa ating mga kinakain at nagsisilbing gamot sa constipation. Ngunit higit pa rito ang pakinabang sa papaya dahil sadyang maraming magandang epekto kapag ito ay ating kinakain.

Sadyang maganda itong pagkahuan ng fiber na nakakapagpababa ng cholesterol sa katawan. Mataas din ito sa Vitamin C na nakapagpapalakas ng panlaban sa impeksiyon at mga mikrobyo na pumapasok sa ating katawan. Mayaman din ito sa potassium na nagiging sanhi ng pagbawas ng panganib sa hypertension at stroke. Mainam din itong panlaban sa  pagkakaroon ng colon cancer, colitis at hemorroids. Rekomendado rin ang pagkain ng papaya kapag nakararanas ng pag-init sa loob ng katawan o heatburn.

Mainam din itong panlaban sa astma, ugaliin lamang kumain ng 250 gm ng papaya sa araw-araw. Uubra rin ito sa mga mayroong arthritis ang kinakailangan lamang gawin ay uminom ng anim na tasa ng pinakuluang papaya seed tea kada araw mula dalawa hanggang tatlong linggo. Tiyak na mawawala ang pananakit ng iyong mga kasu-kasuan. At kung nangangati naman ang iyong lalamunan dahil mayroon kang tonsillitis ay mainam din ang papaya. Ang kinakailangan lang gawin ay tanggalin ang buto ng papaya saka ito pagpira-pirasuhin sa maliliit na parte, pagkatapos ay saka ito lagyan ng kaunting asin at suka. Ang iba nga ay ginagawa pang syrup ang papaya dahil sa magandang dulot nito sa katawan at ito ay tinatawag nilang carica syrup.

Ang papaya rin ay mayaman sa folic acid, isang mahalagang bitamina para maging fertile ang babae at lalake. Bukod pa rito ay nilalabanan din nito ang pagkakaroon ng depekto ng sanggol habang ito ay nasa sinapupunan pa lang ng kanyang ina. Maliban sa benepisyo sa kalusugan ay kilala din ang papaya sa ginagawang sangkap sa paggawa ng sabon dahil mayroon itong natural na sangkap para sa pagtatamo ng makinis at maputing kutis para sa mga kababaihan. Patunay lang ito na mayaman talaga sa samu’t saring nutrients ang papaya.

Ang Sustansiya ng Bigas

Hindi nawawala ang bigas o tinatawag ng kanin kapag niluto sa hapag-kainan nating mga Pinoy. Kapag wala ito ay parang kulang ang ating pagkain lalo na sa tanghali at gabi. Nakagawian na rin naman kasi nating tinapay na lang ang kainin sa umaga. Pero mas maganda talagang kumain ng kanin sa umaga para mas may resistensya ang ating katawan. Totoo namang nagbibigay ng resistensiya ang pagkain ng kanin.

Ang bigas kasi ay mababa sa fat, salt at wala itong halong cholesterol kaya naman mainam itong kainin. Mababa rin ito sa asukal, magandang pagkunan ng lakas at complex carbohydrate. Wala rin itong additives at preservatives dahil hindi naman ito ginagamit sa bigas.  Bukod sa mga ito ay mayaman din ang bigas sa thiamine, niacin, iron, riboflavin, vitamin D, calcium, at fiber. Nagtataglay din ito ng tinatawag na amino acids.

Ang resistantant starch naman sa bigas ay tutumutulong sa pagdami ng good bacteria sa ating katawan na tumutulong para maging mabuti ang pagdumi. Samantalang ang insoulbe fiber ay nagbibigay tulong naman para maiwasan ang hirap sa pagdumi. Kumbaga, kahit mabigat sa tiyan ang kanin ay hindi ito nagiging sanhi ng pagiging sagabal sa pagdumi. Hindi naman ito katulad ng karne na matagal matunaw sa tiyan kaya mahirap idumi. 

Sa kabilang banda naman, mayroon din mga tao na naniniwala sa tinatawag na Rice Diet Solution taliwas sa paniniwala ng iba na ang kanin ay nakakapagpataba. Siyempre, bukod sa pagkain ng kanin ay may halo rin itong prutas o gulay. Saka limitado lang ang pagkain ng kanin para ito amging epektibo.

Ngunit alin ba ang mainam na kainin ang brown rice o white rice? Sinasabing ang brown rice ay nagtataglay ng magnesium, manganese at zinc. Samantalang sa white rice naman ay nabawasan na ang naturang mga nutrients. Wala namang kaso kung brown rice o brown rice ang kinakain. Mas masustanya nga lang ang pagkain ng brown rice. Pero inalis lang naman ang kulay brown na tumatakip sa bigas kaya naging kulay puti ito para mas madaling lutuin. Sa puno’t dulo, pareho lang naman itong bigas. Magkaganun pa man ay  isa lang ang sigurado, mahirap ang mabuhay ng walang bigas lalo na’t marami naman pala itong ibinibigay na nutrisyon sa ating katawan.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...