Wednesday, October 10, 2012

Nuissance Candidates



    Ilang buwan na lang ay sirkus na naman este eleksyon pala. Nag-umpisa nang maghain ng kanilang kanditura ang mga tatakbong pulitiko. Siyempre, kanya-kanyang hatak, kanya-kanyang baligtad at kung ano pang pagkakanya-kanya. Wala e, ganyan talaga ang pulitika sa Pinas. Kung may mga seryosong kandidato siyempre mawawala ba naman ang mga nuissance candidate o mga panggulo. Naalala ko tuloy si Eddie Gil, nasaan na kaya siya? Kailangan nga ba natin ang mga nuissance candidate? Oo naman, dahil kung wala sila ay paano na lang tayo? Walang magpapasaya sa atin dahil wala tayong pagtatawan. Masyado pa namang mainit ang pulitika sa atin kaya’t kailangan ng ice breaker. Saan ka pa, may libreng entertainment na tayo.

     Ops, kumandidato na naman pala itong paborito kong karakter na si Daniel Magtira ng Tondo, gustong maluklok bilang senador Dati ay pang-rak en rol siya, ngayon naman ang inilista niya sa kanya COC ay si Kris Aquino ang kanyang asawa. Siya na ba ang ipinalit ni Kris kay James Yap? Wow, hanep showbiz ang dating! Pero sabihin na nating panggulo nga sila. Pero kahit ganu’n ay may kanya-kanya silang naiisip na solusyon sa problema ng ating bansa. 

    Noon ay may isang kandidato na kapag nahalal daw siya bilang mambabatas ay babawasan niya ng boltahe ang kuryente imbes na 220 volts ay gagawin na lang niyang 110 volts ang lahat ng appliances sa bansa. Hmm, para nga naman makatipid tayo sa kuryente. Ikaw naisip mo ba ‘yun? Ang iba sa kanila ay talagang pinagtatawanan pa natin dahil kakaiba ang kanilang karakas. May mga parang nautusan lang na bumili ng suka sa tindahan ang hitsura o di-kaya’y parang mga ale-ale lang d’yan sa kalye tapos gustong tumakbo ng pagka-alkade o ng mas mataas pa na posisyon. Ikumpara mo nga naman sa mga kandidato na mga makikinis ang kutis at mga sosyal, mga naka-barong pa kung manamit. 

    Meron ding mga tila propeta sa Quiapo na nagsasabing magugunaw na raw ang mundo kaya’t dapat nang magbago ang lahat. Baka kapag nanalo ang ganitong tipo ng kandidato ay umayos ang takbo ng gobyerno. Kasi laging kakalampagin ang konsenya ng mga nagsisilbi sa pamahalaan. Ang nakakabilib pa ay may umaangkin na sa kanya raw ang Pilipinas. Ilang beses ko na ring narinig ang ganitong istorya. Aba’y kung totoo ito, puwede niyang ipamahagi ang kanyang lupa sa mahihirap nating mga kababayan. E, di wala ng Pinoy na magiging iskuwater sa sarili niyang bansa. 

    E, kumusta naman kaya ‘yung kandidato na kaya dapat daw siyang iboto dahil kaboses siya nina April Boy Regino, Renz Verano pati si Imelda Papin? Baka kailangan nga siya sa Senado para puwede siyang kumanta kapag may session. Hindi yung puro baliktaktakan at bangayan na lang ng mga Senador ang maririnig natin. 

    Pero ba’t kahit mukhang walang alam ang tatakbo, pero kapag may pera at sikat puwedeng tumakbo? Minsan kahit nakukulong pa ay nagagawa pa ring tumakbo at nananalo pa. Sadya nga bang ang pulitika ay pera-pera lang? Hindi naman siguro. Paano ka nga naman makakapangampanya kung wala kang malaking pondo at walang nakakakilala sa iyo? Kaya nga may tinatawag tayo na makinarya sa pulitika. Paano naman yung mga seryoso talagang kandidato pero di naman kilala? Malamang sa kangkungan din sila pupulutin.

Sunday, October 7, 2012

Huwag Kang Epal

    Likas na yata sa mga pulitiko ang magpapansin. Madalas mo kasing makikita ang kanilang mga mukha at pangalan kung saan-saang lugar. Mga nakangiti na akala mo ay pagkabait-bait. Kung hindi may nakasulat na ‘project by’ay ‘donated by’ ang nakalagay. O di kaya‎ ay pagbati ng kung anu-ano. Halimbawa, Happy Fiesta, Happy Valentine, Happy Graduation at kung anu pang hapi-hapi. Lahat ng puwedeng batiin ay binabati nila sa mga poster at tarpaulin. Pati sa Operation Tule ay may mukha pa nila. Bakit mukha ba silang itits? Huwag na nating isama pa ang mga ambulansya at iba pang sasakyang ginagamit ng mga tauhan nila na may mukha at pangalan din nila. Mas magaling yung dahil ang sasakyan ay kung saan-saan nakakaikot na parang rolling store lang ang dating. Inilalako ang sarili, e.

    Ang katuwiran ng mga pulitiko natin, wala namang masama sa kanilang ginagawa. Kahit sabihin pa na pera naman ng taong bayan ang kanilang ginagamit sa proyekto. Maliban na lang kung sariling pera nila ang ipinanggastos dito. Ang sa kanila lang daw ay ayaw nilang mapulaan na wala silang ginagawa. Kaya dapat na ipaalam sa madla na sila ang nagpagawa ng isang proyekto. Kaya maraming paaralan at ospital ang nakapangalan sa kanila. Para nga naman kahit wala na sila sa serbisyo ay nakatatak na ang kanilang pangalan.

    Pati sa mga relief goods ay hindi pinapaligtas. Kapag sumasapit ang sakuna at mga kalamidad ay may nakatatak pa na mukha nila at pangalan. Kunsabagay, sa oras ng kagipitan nga naman magandang magpapogi. Para isipin ng mga tao na napakatulungin pala ng kanilang alkalde, kongresista, gobernador etc. Hindi uubra sa mga pulitiko ang kasabihang, ang ginagawa ng kanang kamay ay huwag mong ipaalam sa kaliwa. Dahil hindi naman sila mga pilantropo na tumutulong ng walang kapalit. Pulitiko nga sila, di ba?! Dapat ay laging may kasunod na kamera para lumabas sa mga balita. Kailangan laging bida dapat para maganda ang dating. Sino ba naman ang may gusto sa kanila na mailabas ang baho kung mayroon man silang itinatago. Ýung mga kalaban lang naman nila sa pulitika ang may gusto nu’n.

    Oi, malapit na palang mag-eleksyon kaya kahit hindi pa oras ng pangangampanya ay marami na ang nagpaparamdam. Yung iba may mga adhikaing ipinaglalaban na sila ay para sa pagkakaroon ng kabuhayan, mayroong maka-kalikasan at kung anu-ano pa. Habang ang iba ay mga modelo ng kung anong serbisyo o produkto. Hanep, ang galing ng estratehiya. Hindi nga naman ito pangangampanya dahil wala ang salitang iboto n‎’yo ako. Siyempre, ang ginagawa nila ay isang uri ng advertisement ng kanilang mga sarili. Mas natatandaan kasi ng mga tao kapag ang isang tao ay lagi nilang nababasa, naririnig at nakikita kung saan-saan. Kaya kung ako sa kanila sasamahan ko ito ng jingle na madaling maka-relate ang mga tao para ma-LLS (last song syndrome sila.

    Hangga’t walang batas na naipapasa na nagbabawal sa pagiging epal ng mga pulitiko ay magpapatuloy pa rin ang ganitong tradisyon. Pero ang tanong hahayaan ba ng mga mambabatas na makapasa ang ganitong klase ng batas kung maraming epal sa kanilang hanay?

Wednesday, October 3, 2012

Cyber Martial Law na!

    Nagmistulang Cyber Martial Law itong bagong katutupad na batas na RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Kaya naman kaliwa’t kanan ang natatanggap na batikos nito mula sa mga netizens. At bakit hindi nga naman babatikusin ang mga may pakana nito? Sukat bang isama rito ang online libel. At take note, 12 years ang hatol. Wow ha, kapag nagkataon puwede kang magbakasyon sa kulungan ng mahaba-habang panahon dahil lang sa may naisulat ka sa net na minasama ng iba.

    Ibig sabihin, kapag may isinulat ka na itinuturing na kasiraan ng ibang tao ay puwede ka nang ihabla ng libel. Sino ba naman ang madalas na matira sa net kundi ang mababait na mga nasa poder. O ‘di kaya’y mga taong nagpo-power tripping. Kahit yung ilang biktima ng cyber bully ang tanungin mo ay tutol din sila sa batas na ito. Alam nilang ang nambiktima sa kanila ay iisang tao lang. Di tulad ng batas na ito na matindi ang epekto sa lahat ng netizen. Isa ba itong paraan para mapatahimik ang mga Pinoy kapag may isyung laban sa kanila? Alangan namang kapag may ginawa silang kalokohan ay purihin mo pa? E di nagmukha ka namang engot nu’n. Nasaan ang lohika roon? Hmm, puwede rin pupurihin mo kunwari pero kabaliktaran naman ang ibig mong sabihin.

    Pero di ba dapat kapag public official ka ay bukas ka sa kritisismo at hindi ‘yung pikon? Dahil ang pikon yan yung mga taong kapag nasaling mo ang ego ay mga madaling sumiklab. Wala tayong tutol sa pagkakaroon ng batas na ganito dahil kailangan nating laban ang mga loko-loko sa net. Para maiwasan ang human trafficking, child pornography, paglaganap ng sex scandal at kung anu-ano pang krimen na may kinalaman dito. Pero kung ang kalayaan sa pamamahayag ang masasagasaan, ibang usapan na ‘to. Para saan pa at tinawag tayong demokratikong bansa?

    Dati-rati hindi gaanong pinapansin ang internet. Hanggang sa mauso ang tinatawag na citizen journalism kung saan ang kahit na sino ay puwedeng maghatid ng impormasyon at opinyon. Isama na natin rito ang mga bloggers na walang kiming ihayag ang kanilang opinyon at mga saloobin sa kung anuman ang napapansin nila sa paligid. Pero nang may kasamahan ang administrasyon na-bash sa net ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Napaaray sa dami ng bumanat. Marahil ay doon nila naisip na ang lakas ng bisa net lalo na ng social media. Dahil tulad ng mga traditional media ay lumilikha rin ito ng public opinion. Ibig sabihin, nagsisilbi na itong boses ng ordinaryong tao man o hindi sa mga napapanahong isyu.

    May kalayaan tayong ihayag ang ating saloobin negatibo man o positibo. Pero nang dahil sa Cyber Crime Law ay mukhang nagkakatakutan na. Yan kasi mahihilig kasi tayong mag-react. Ayaw nila ng ganyan. Ang gusto lang nila ay makipagbolahan tayo sa kanila. Parang gusto yata ng mga nasa poder na bumalik na lang tayo sa dati kung saan di pa uso ang computer. Imbes na lumakad nang pasulong ay parang paurong ang gusto nila. Tara, balik na lang tayo sa panahon ng bato. Siguradong walang internet dun. Ops, teka lang gawa na ba ang kulungan ng mga makakasuhan ng libel? Makapag-Facebook na nga lang muna.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...