Friday, February 8, 2008

Zaldy Arbozo: Makakalikasan at Makatutubong Pintor ng Antipolo


Maraming magagandang tanawin sa lungsod ng Antipolo dahil puno ito ng bulubunduking lugar na tunay na nakakahalina sa kritikal na panlasa ng isang pintor. Kaya’t hindi rin kataka-taka na magkaroon dito ng maraming magagaling na pintor. Isa na rito si Cruzaldo E. Arbozo, may palayaw na Zaldy, isang visual artist.
“Bata pa lang ako ay hilig ko na talaga ang pagpipinta,” pahayag ni Zaldy. Kaya noong nag-aaral pa siya sa high school ay nanalo siya sa mga patimpalak sa pagpipinta. Kumuha siya ng kursong fine arts sa University of Northern Philippines sa Vigan, Ilocos Sur pero hindi rin niya tinapos. Palibhasa ay likas na ang galing sa pagpagpipinta kaya’t naging propesyon na niya ang pagguhit. Pang-international ang kalibre ng mag obra ni Zaldy dahil binibili ito ng mga taga ibang bansa.

Sa kasalukuyan si Zaldy ang chairman ng SINAG (Siyudad Antipolo Arts Guild). Ayon kay Zaldy, “Itinatag ang SINAG para matulungan ang mga young artist. Siyempre, para i-preserve din ang environment through arts.” Siya din ang nagtatag ng KASINING o Kaisahan para sa Katutubong Sining na kanyang pinamunuan mula 1998 hanggang 2003. Dahil sa paglago ng KASINING ay ipinaubaya na niya ang pamamahala nito sa mga tribal community sa Pilipinas.

Nakapagdaos na din si Zaldy ng tatlong art exhibit. Ang una, Kayumanggi, ay ginanap sa Rizal Library Foyer ng Ateneo de Manila University noong 1994. Ang pangalawa, Atubiling Panahon ay giannap sa lobby ng Capitol Building of Rizal sa Pasig City noong 1998 at ang pangatlo, Kulay at Buhay, ay sa SSS Gallery sa East Avenue, Quezon City.
Kabilang din siya ngayon sa bumubuo ng Earth Art na kinabibilangan ng mga artist di lamang sa Antipolo kundi maging sa iba’t ibang lugar. Tunay ngang ipinagmamalaki si Zaldy ng kanyang mga kalalawigan dahil inalay niya ang kanyang talento para sa katutubo at maka-kalikasang sining. “Dapat suporthaan natin ang sarili nating kultura at pag-ingatan ang ating kalikasan,” ayon pa kay Zaldy.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...