Malayo-layo na rin ang narating ng mga homosexual o iyong mga kabilang sa third sex sa buong mundo. Sa ibang bansa tulad ng America, Denmark, France at iba pa ay tanggap na tanggap ang katulad nila at malayang naisasagawa ang kanilang mga karapatan. Pero dito sa Pilipinas, bagama’t namamayagpag na sila sa maraming larangan tulad ng show business at patok din sa marami ang kanilang lenggwahe, hindi pa rin maiiwasan na ituring silang iba ng ilan nating kababayan dahil sa pagkakaroon ng macho image sa kalalakihan at dahil na rin sa pagiging konserbatibo.
Ilan sa mga nakapanayam ng mamamahayag na ito ang nagsabing hindi pa rin sila ligtas sa mapanghusgang mata ng lipunan kaya’t wala silang ibang hangad kundi sila ay tratuhin ng tama dahil ito ay kanilang karapatan.
Ayon kay Paul, taga-Antipolo, "karapatan ko ring mabigyan ng pantay na pagtingin at respeto katulad ng mga babae at lalake." Ayon sa kanya, hindi naman nila kasalanan kung bakit sila nagkaganito at bawat isa ay may karapatang pumili kung ano ang gusto nilang maging klase sa buhay.
Sabi naman ni Rodel C., isang parlorista sa Cogeo, lungsod pa rin ng Antipolo, "Karapatan naming huwag bastusin kasi kapag naglalakad kami sa kalsada ay lagi kaming binabastos, lalo na ng mga bata." Kaya’t natutuwa raw siya sa ginawang pag-amin ni Rustom sa PBB na siya ay isang gay. Mahirap naman kasi ang pagkukunwari nang dahil sa iniisip ang sasabihin ng ibang tao.
Diskriminasyon sa trabaho – ito naman ang idinadaing ng nagpapakilala sa alyas na Diosa Grasa, taga-Quezon City. "Karapatan naming huwag tingnan bilang mahina dahil kung ano ang kaya ng babae at lalake ay kaya rin namin." Naranasan daw kasi niyang maliitin ng mga katrabaho o maging ng employer dahil sa kanyang kasarian.
Ayon naman kay Germaine Leodin, Policy and Research Committee Chair ng LAGABLAB, isang grupo na nagsusulong sa karapatan ng mga gay at lesbian, "Hindi kami naniniwala na may pagkakaiba dapat sa karapatan ng mga homosexual at hetero sexual. Pare-pareho tayong lahat."
No comments:
Post a Comment