Ilang taon ding paa ko'y inampon
Nagunita ko nang una kang nabili
Hanggang sa huling swelas nagsilbi.
'Di ka man gawa't tatak Marikina
Naiskor lang kung saang bangketa
Nakipagtawaran sa chakang tindera
Mahal kita kahit presyo mo'y mura.
Saksi ka sa marami kong lakad
Naroon ka nang may asong nanghagad,
Naroon nang habulin ng alat sa kalye't
Pagtripan ng mga saragate.
Ilang ulit na ring naiapak sa putik
At sa taeng tumpok na namumutiktik
Muntik ng madisgrasya at mawala
Nang malasing ako't nagpakaburara.
Naalala ko nang una kang dumila
Para kang taong malaki ang dyunganga
Ngunit sa paulit-ulit na kadirikit
Bumigay din parang yumaong sumalangit.
'Di ka na mababalik sa dati kahit ipaayos
Gasgas ka na't nauubos na upos
Ngunit kailanman ay hinding-hindi malalaos
Inamag ka man at nabulok pagkatapos.
Para kang patay na kukong 'di maipalibing
Kaya't 'di ko alam kung saan ka pupulutin
Aalalahanin din kita sa araw ng mga patay
Tulad nila 'di ka na rin magbabanyuhay!
No comments:
Post a Comment