Sa mga alagang hayop, ang aso ang tinaguriang “man’s best friend” dahil paborito itong alagaan ng marami. Ito kasi ang nagsisilbing bantay sa ating mga bakuran at talaga namang nakakaaliw dahil sa magagandang katangian nito. Pero para sa ilan, ang aso ay isa lamang kakataying hayop gaya ng baboy at manok. Masaklap pa nito, kung minsan ay sariling amo pa ang kumakain at kumakatay sa alagang aso.
Bagama’t ipinagbabawal na ang pagkatay sa aso ay di maitatanggi na sadyang may mga taong matitigas ang ulo. Walang awa nilang hinahabol ang aso hawak ang dos por dos para pukpukin sa ulo. Ang ilan pa nga ay isinisilid pa sa sako at doon na hahatawin hanggang sa mamatay. Wala namang gumagawa nito kundi ang mga manginginom na gusto ng di pangkaraniwang pulutan na kanilang lalantakan.
Inabutan ko ang isang grupo ng mga kalalakihan na kumakatay ng aso. “Masarap kasi itong gawing pulutan, mas malinamnam pa sa karne ng manok,” ayon sa isang lalake habang tinatanggalan ng balahibo ang aso gamit ang isang maliit na tangke na nagbubuga ng apoy na nagpapakinis sa balat ng aso. Animo’y wiling-wili naman ang mga batang nakapalibot sa panonood sa kanilang ginagawa. Paborito diumano nila itong ihanda kapag may okasyon o kahit sa mga simpleng inuman lang basta may available na asong pwedeng katayin. Marami daw silang putahe na nagagawa tulad ng kaldereta, adobo, inihaw, kinilaw at iba pa. Samantalang ang dugo ay kanila lang pinapatulo sa semento. Pero sabi ng isang lalake sa grupo, pwede rin daw ihawin ang dugo ng aso o kaya ay gawing dinuguan.
Nang tanungin sila kung alam ba nila na bawal ito ay sinabi nilang alam nila pero wala namang nanghuhuli. Isa rin ito marahil sa mga dahilan kung bakit laganap pa rin ang pangangatay sa aso, patago man o hayagan.
No comments:
Post a Comment