Sunday, February 17, 2008

Gutom na Makata

Ba't kailangan pang magsulat ng tula?
Gayung hindi mailaman sa sikmura
Tangi lang nabubusog ay ang diwa
Samantalang ikaw'y pinagiging dukha
Ang tula nga ba ay para lang sa wala?

Tula'y 'di man lang magamit bilang armas
'Pag paligid ay kubkob ng pandarahas
Mga kataga lang kayang ipangahas
Habang nililingkis ka ng mga ahas.

Akda'y 'di mailimbag sa peryodiko
Kung malimbag man kapalit lang ay 'tenk yu'
Sa dami ng tula 'di mo maipalibro
'Pagkat ayun sa kanila'y 'di na uso
Makata'y biktima ng komersyalismo
Kaya't wika'y itaga na lang sa bato?

Tunutula ba para sa sarili
O kinatawan lang ng nakararami?
Ngunit bakit nga ba 'di na raw mabili?
Tila produktong inaamag sa tabi.

Ngunit walang kuwenta ang pagsasalat
'Pagkat lahat ay sa ngalan ng panulat
Laman ng dibdib ibig lang isiwalat
Sa mundo ay makapag-iwan ng bakat!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...