Sa nagbabagang apoy ng panahon
May usok sa isipan na tumatabon
Na sa ating katatagan ay humahamon.
Mga sarili ay atin nang pinatapang
Yamang alam nating maraming salanggapang
Natuto ngang magsindi ng apoy ng sasang
'Pagkat ang kadiliman laging nakaabang.
Hindi na tayo takot sa mga terorista
'Pagkat ikaw at ako ay pawang biktima
Na pinaglalaruan ng mga pasista
Napapaslang lagi sa isang kisapmata.
Noon pa man tayo na'y sumambulat
Utak at lamang loob ay kumalat
Sabog-sabog lagi sa ating pagkamulat
Abo ng katawan pinalipad sa dagat.
Kahit noon pa ay nagimbal na ang lungsod
Karupukan ng sistema ay ating nasayod
'Pagkat karalitaan ay nagpapahilahod
Na sa ating kalooban ay ayaw magpahinuhod.
Hindi na tayo kinakabahan pa sa atis
'Pagkat mga ito'y inari na lamang lusis
May lulupit pa ba sa panggagahis?
Tila manding bomba, sa atin ay inihahagis.
Laging nasasabugan mga inosente
Kaya ang kaguluhan lalong grumagrabe
Bayan ay matagal nang narurumpe
Na kung tawagin ay bomb scare in the city!
No comments:
Post a Comment