Friday, October 17, 2008

SINAG:Kauna-unahang Solar car sa Pinas



Mga Kuha ni William M. Rodriguez II

Likas na sa ating mga Pinoy ang pagiging malikhain, dahil dito ay nagagawa nating makipagsabayan sa buong mundo sa anumang larangan. Pagdating sa teknolohiya ay ‘di rin tayo pahuhuli, mayroon na tayong sasakyan na pinapatakbo sa pamamagitan ng nakukuhang enerhiya mula sa araw.
Ang kauna-unahan at nag-iisa pa lamang na solar car ay tinatawag na SINAG. Ito ay nilikha ng mga faculty at estudyante mula sa Mechanical Engr. Dept. at Electronics and Communications Engineering Department ng De La Salle University, sa pamumuno ni Prof. Rene Fernandez. Ito ay kanilang binuo ng ‘di bababa sa isang tao. Naisakutaparan dahil na rin sa tulong ng malalaking kumpanya tulad ng Ford Group Philippines, Motolite, Philippine Airlines, San Miguel Corporation, Pilipinas Shell, SunPower, U-Freight at Ventus.
Ang katawan ng SINAG ay gawa sa carbon fibers at tumitimbang ng 295 kilograms. Kung ikukumpara sa ibang sasakyan ay sadyang kakaiba ito. Para kasi itong malaking skate board dahil sa palapad ang ibabaw. Para ring isang sasakyang pamhimpapawid katulad ng mga napapanuod sa mga palabas sa pelikula at telebisyon. Isang tao lang ang kakasya sa loob at marahil ay idinisenyo para maging sasakyang pangarera.
Noong nakaraang taon, buwan ng Oktobre ay sumali sila sa World Solar Challenge na ginanap sa Australia. Doon ay nakalaban nila ang apatnapung grupo mula sa magkakaibang bansa. Pasok sila sa 12th place sa kabuuan ng laro. Bagama’t ‘di napasama sa top 5 ay proud pa rin sila. Dahil ang mapasama lang sa ganitong uri ng kumpetisyon ay isa ng malaking karangalan.Kinilala pa nga ng ating gobyerno ang kanilang husay noong sila ay dumating sa bansa pagkagaling sa naturang kumpetisyon.
Naimbento ang unang solar car noong 1883 na kilala rin sa tawag na “photovoltaic cell” noong 1883. Subali’t hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga dalubhasa kung paano ito magagamit para sa kapakinabangan ng mga tao at ‘di lang basta pangarera.Kapag nagkagayun nga naman ay magiging sagot ito sa napakataas na halaga ng gasolina. Ang maganda pa ay environmental friendly ito dahil walang polusyon. Pero matagal pa sigurong mangyayari ‘yun. Sa ngayon, saluduhan muna natin ang mga taga-La salle na lumikha ng SINAG dahil sa pambihira nilang sasakyan!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...