‘Di siya nakapagtapos ng pag-aaral, pero madiskarte si Badong dahil laging may pera ang kanyang bulsa. May nagturo lang sa kaniya ng kaunting kaalaman hinggil sa electricity at napapakinabangan niya ito nang husto.Maasahan si Badong ng kanyang mga kalugar dahil kapag may problema sa kuryente ay siya ang nilalapitan. Kahit bara-bara pa ang gawa ay marami pa ring nagtitiwala sa kanya. ‘Yun ay dahil siya ang number one na magnanakaw ng kuryente kaya maraming nagpapatulong sa kanya. Wala itong takot kahit pa live wire ay kanyang tinitira. Kayang-kaya niyang kumabit mapa-metro man ng Beralco o kahit sa may wire ng wire. Kahit ‘yung tinatawag na 1/10 ay yakang-yaka rin niya rin. Ito ‘yung kalahati lang ang wire na ikakabit tapos ‘yung isa ay sa iba naman ikokonekta para ‘di gaanong halata.
Dahil sa raket na ito ni Badong ay natutustusan niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Regular kasi ang kanyang kita buwan-buwan. Para rin siyang Beralco kung maningil, kapag ‘di nakapagbayad ay baklas agad. ‘Yung nga lang ay mas mura ang singil ni Badong. Sa dami ng mga nakikikabit sa kanya ay tiba-tiba siya. Pero laging kakabug-kabog asng dibdib ng asawa ni Badong. Nag-aalala ito na baka makuryente na lang ito bigla kahit sabihin pang siya si Kuryente King. Baka rin mabulok ito sa loob ng bilangguan kapag nahuli ng mga pulis. Kahit ano pang pagsawata na gawin ng asawa kay badong ay balewala.
Ilang beses na ring nagkakaroon ng raid sa Putok Buho, pero mabilis na nakakapagtago ang mga residente. Alam kasi nilang malaki ang magiging multa nila sa Beralco kapag nahuli sila at maaari pang kasuhan. Kaya kapag dumarating ang mga pulis ay walang tao sa mga bahay ng mga may-ari ng illegal na koneksyon ng kuryente. Si Badong na rin ang nagturo sa kanila na ganito ang gawin. Kapag nagkakumpiskahan ng wire ay nag-aambag-ambag lang sila pambili ng wire. Sadyang matinik si Badong dahil walang makapagturo sa kanya kung nasaan siya kapag may raid. Ito na rin ay dahil maraming nakikinabang sa kanya. Ang asar lang sa kanya ay ‘yung mga taga-Beralco at mga kapitbahay niyang nanakawan ng kuryente. Pero takot sila kay Badong dahil nang minsang may kumalaban dito ay pinagtulungan pa itong gulpihin ng mga kaibigan ni Badong. Kahit mga taga-Beralco ay ilag din, kaya’t ‘di puedeng walang escort na pulis kapag mamumutol sila ng wire ng mga illegal.
Ang tulad ni Badong ang dapat sisihin sa system loss na ipinapataw ng Beralco sa kanilang mga kuryente. Paano’y binabayaran nga naman nga mga kostumer ang ninanakaw ng katulad niya na. Pero amg sabi ni Badong, “Pare-pareho lang naman kaming madudugas, ang mahal ng singil nila!” habang may hawak-hawak na namang wire na kanyang ikakabit sa ibang wire. Kung anu-ano pang lintaya ang pinagsasabi ni Badong laban sa mga taga-Beralco. Katatapos lang uli kasing mang-raid ng mga pulis kaya’t balik trabaho uli siya. Ang kaso, sa pagkakataong ito ay marami siyang alak na nainom at nagkataong umuulan-ulan pa. Pinipigilan siya ng kanyang asawa na saka na lang siya magkabit ng wire pero ‘di siya nakinig. Nasa taas ng puno si Badong nang biglang tamaan siya ng kidlat. Laglag siya sa puno at kikisay-kisay pa nang bumagsak sa lupa. Dagling tinawag ng mga tao ang asawa ni Badong at pagkakita rito ay napahagulgol siya ng iyak. Isa sa kalugar ni Badong na madalas niyang nakawan ng kuryente ang napabulong ng ganito; “ Ang taong nabubuhay sa kuryente ay sa kuryente rin mamamatay.”
No comments:
Post a Comment