Hindi na nakapagtataka kung patok man ito sa mga listener. Una dahil popular na talaga ang mga kantang ito, na sinakyan lamang ng mga baguhang mang-aawit para mapansin din sila. Mahirap nga namang magpasikat ng kanta lalo na’t kung bagong pasok pa lang sa eksena. Kaya kung hindi revival ang ginagawa ng iba tulad ng grupong MYMP ay ito ngang pagsasa-Tagalog ng mga kantang mula sa banyaga. Isama pa natin sa dahilan ang katotohanan na likas na sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng colonial mentality. Kung papansinin ang industriya ng aliwan, mpa-radyo man o telibisyon ay pinangingibabawan ng mga kanta at programang banyaga. ‘Di ba’t sa telibisyon ay namamayagpag pa rin ang mga Korean Novela, na ginagawan pa ng Filipino version. Uso rin ang pagkuha ng franchise ng mga palabas mula sa ibang bansa. Patunay lang ito na sadyang tinatakilik natin ang lahat ng ito.
Sasabihin ng ilan na wala namang masama sa ganitong uri ng kalakaran. Maganda nga raw ang ganito para maintindihan daw ng marami. Bunsod na rin daw ito ng pagpapalitan ng kultura ng magkakaibang lahi. Pero sa bawat panggagaya ay walang ibang nasasakripisyo kundi ang ating sariling kultura at kalinangan. Eh, ang tanong, tayo kaya kailan makapagbibigay ng impluwensiya sa ibang bansa? ‘Yun bang tayo naman ang ginagaya at hindi tayo ang laging nanggagaya? Kung mayroon man sa ating nanggagaya ay hindi ito ganuon kalakas katulad sa atin.Pero gaya-gaya nga lang ba ang Pinoy? Maaaring oo at maaari rin naming hindi. ‘Di kasi ako lubusang naniniwala na gaya-gaya lang ang mga Pinoy dahil nag-uumapaw tayo sa talento lalo na sa pagsusulat ng mga liriko. Dahil kung si Miss Ganda mismo ang tatanungin ay mas gusto niyang gumawa ng orihinal na musika na nagmumula sa kanyang kaloob-looban. Pero sa ngayon sama-sama muna tayong magsipagkuha ng paoyng dahil inuulan na tayo ng musika ng panggagaya!
No comments:
Post a Comment