Sunday, August 17, 2008

Gina Morito: Talentong Pinay


Si Gina habang umaawit sa isang konsierto sa Germany.




Si Gina S. Morito ay isang tipikal na Pinay subali’t naiiba siya sa karamihan ng mga babae dahil nag-uumapaw siya sa talento. Dati siyang guro rito sa Pilipinas, tulad kasi ng iba nagpasya siyang mangibang bayan para doon makipagsapalaran. Ngayon ay nasa Kolhn, Germany siya at nagtratabaho bilang English tutor. Habang siya naman ay patuloy pa rin sa pag-aaral ng wikang Aleman para na rin sa kanyang pakikipagsalamuha sa mga tao roon.

Siya ay dating kasapi ng ASFIPO(Association of Filipino Poets) noong taong 2000. Doon ay nagpakitang gilas na siya ‘di lamang sa larangan ng pagtula. Kundi gamay din niya ang pagiging aktres at pagigigng direktor sa entablado. Nakapagtanghal na siya sa Music Museum na matatagpuan sa Greenhills, San Juan, Metro Manila. Mayroon din siyang talento sa boses dahil bukod sa pagkanta ay kaya rin niyang magpapalit-palit sa labing-isang boses. Palibhasa rin ay isang taal na manunulat kaya’t gumagawa rin siya ng maikling kuwento at nobela. Minsan ay gumagamit siya ng pen name na “Little One.” Marahil ito ay tumutukoy sa kanyang pagkakaroon ng mababang height at sumisimbolo rin sa kanyang kababaang loob. Dahil buo ang kanyang suporta pagdating sa kapwa niya artist at manunulat. Pero ‘di maaaring ismolin si Gina dahil sa kanyang mga katangian.

Nito lang nakaraang taon ay inilabas ng New Day Publishing ang kanyang libro na may pamagat na “Did You Know?, na ang nilalaman ay hinggil sa mga tao sa mundo na naging bahagi na ng kasaysayan at namumukud-tangi sa kani-kanilang larangan. Saksi ako sa kanyang determinasyon na makapaglathala ng libro mula nang ito ay kanyang i-conceptualize at isulat. Katunayan ay kasama pa niya ako nang ito ay kanyang ipasa sa New Day. Medyo may katagalan din ang kanyang ipinaghintay bago ito lumabas at meron itong Vol. 2, na hindi pa lumalabas. Ito naman ay patungkol sa magaganda at namumukod-tanging lugar sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pero kahit gaano pa katagal ang pagjhihintay ‘di matatawaran ang ligayang nararamdaman lalo na’t ito naman ang pangarap ng bawat manunulat, ang makapaglathala ng libro!

Bagama’t nasa ibang bayan na ngayon si Gina ay ipinagpapatuloy pa rin niya ang kanyang pagkahilig sa sining at musika. Paminsan-minsan ay naiimbitahang umawit sa mga konsierto. Sumusubok din siyang mag-apply-apply sa mga radio station o movie outfit bilang voice talent. Kahit pa medyo paborable ang mga Aleman sa kanilang kalahi. Tulad kasi sa ibang bansa mayroon din doong diskriminsayon sa ibang nationalidad. Pero lahat ng ito ay ipinagkikibit-balikat lang ni Gina. Basta’t para sa kanya kahit nasaan man siyang panig ng mundo siya ay isang Pilipino na likas na ang pagiging malakas ang loob.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...