Parang kailan lang ay ang lakas-lakas pa ng ina ni Tyron. Pero ngayon ay hindi siya makapaniwalang buto't balat na lang ito. Wala na ang dating sigla na lagi niyang nasisilayan sa labi ng ina. Ni hindi na nga nito magawang magsalita, tanging ang mga mata na lang nito ang gumagalaw. 'Di nga alam ni Tyron kung naiintindihan pa ng kanyang ina ang sinasabi niya. Nasa stage 4 na kasi ang breast cancer nito.
Nagtataka si Tyron kung bakit nangyari ito samantalang inoperahan na dati ang kanyang ina. Tinanggal na nga ang isang dibdib nito para 'di na kumalat pa ang kanser. Pero sadya yatang sa mundong ito lahat ay walang kasiguruhan. Kaya't bumalik ang kanser na unti-unting sumisira sa buong sistema ng kanyang ina. Kung siya lang ang masusunod ay gusto niyang humaba pa ang buhay ng ina. Bilang anak mahal na mahal niya ito lalo na't wala naman silang naging mabibigat na away ng kanyang ina. Maliban sa konting tampuhan na naaayos din naman agad.
"Ano'ng pasya mo Mr. Galvez, tatanggalin na ba natin ang oxygen ng mother mo?," tanong ng duktor.
"Huwag po muna, dok..." mabilis at madiing sagot ni Tyron.
"Ikaw ang bahala, nasa naman 'yun," sabay talikod ng duktor.
Ayaw pang isuko ni Tyron ang buhay ng kanyang ina. Umaasa pa rin siya na baka may milagrong magaganap. Na isang araw ay gagaling din ang ina. 'Di bale ng maubos ang lahat ng kanyang pera basta madagdagan pa ang buhay ng kanyang ina. Di bale ng sabihin ng iba na makasarili siya dahil pinapatagal pa niya ang paghihirap ng ina. Pero sino ba sila para manghusga? Kung alam lang nila ang pakiramdam ng isang anak na nakikita ang ina sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan.
Noong nakakapagsalita pa ang kanyang ina lagi nitong sinasabi na gusto na niyang gumaling. Sinasabi rin nito na kung ano man daw ang kahinatnan ng lahat ay nakahanda na siya. Pero si Tyron hindi pa rin siya handa, hindi kasi siya sanay na hindi nakikita ang ina. Kaya't paano niya haharapin ang umaga na wala na sa piling ang ina? Sa kanilang magkakapatid siya pa naman ang pinakamalapit dito.
"Hindi ka Diyos para dugtungan pa ang buhay ni Mama. Puwede ba pagpahingahin mo na siya," ito ang sinabi ng kanilang panganay na ngayon ay panay ang ukilkil sa kanyang utak.
Sabi pa ng kanyang kuya magpasalamat pa rin daw sila at nabigyan pa sila ng pagkakataon na iparamdam sa kanilang ina ang pagmamahal nilang magkakapatid. Nasabi na rin naman ng kanilang ina ang gusto nitong mangyari kung sakaling wala na siya. Mas mapalad daw sila kumpara sa mga taong bigla na lang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa aksidente.
Kinabukasan sa loob ng kuwarto ng kanyang ina sa hospital ay kumpleto ang buong pamilya. Magkakayakap ang magkakapatid kasama ang ilang malalapit nilang kamag-anak. Nagpasya na kasi si Tyron na tanggalin na ang aparato na bumubuhay sa kanyang ina. Walang tigil ang kanyang pagluha habang unti-unting tinataggal ang aparato. Pakiramdam niya para rin siyang malalagutan ng hininga. Napakasakit para sa kanya na sa kanyang kamay humugot ng huling hininga ang ina. Pero sa kabilang banda makakapagpahinga na rin ito dahil tinapos na niya ang paghihirap ng pinakamamahal niyang ina...
No comments:
Post a Comment