Wednesday, June 11, 2008

Ang Mamamahayag


Tawagin na lang natin siyang si Kuya, isang madiskarteng mamamahayag. Kung tutuusin ay matagal na rin siya sa larangang ito. Katunayan dito na siya tumanda 'yun nga lang ay 'di siya sikat gaya ng ilang mamamahayag na kilala ng marami. Hindi siya sikat kagaya nina Ted Failon, Korina Sanchez, Joe Taruc, Mike Enriquez at iba pa. Pero bigatin din itong si Kuyang dahil kilala siya ng maraming pulis, pulitiko, mga opisyales ng gobyerno, mga lider ng asosasyon ng samahan ng mga maralita, mga traysikel sector at kung anu-ano pang samahan.

Siya ay isang broadcaster sa 'di gaanung pinapakinggang istasyon sa radyo at isa ring columnist sa mga diyaryo na marahil ay 'di mo pa naririnig ang pangalan. Hindi kasi ito ipinagbibili sa mga bangketa kundi through subscription ang pagkuha. Pero para sa akin wala namang pinagkaiba ang mga ito sa ilang media outfit maliban sa sila ay hindi mga dambuhala. 'Yan kasi ang hirap, ang gusto natin ay 'yung sa malalaking kumpanya ng media nagtratrabaho para kilalanin ang propesyon mo bilang mamamahayag. Kahit sa usaping ito ay nagkakaroon din ng diskriminasyon. Kaya maling paratangang Hao-Siao si Kuyang o yaong nagpapanggap lang na taga-media.

Kung sabagay wala naman sa hinagap ni Kuya ang sumikat. Basta noong bata raw siya ay mahilig na siyang makinig sa mga broadcaster sa radyo kaya't pinangarap niyang isang araw ay magiging ganito rin siya. At dahil na rin sa pagsisikap niya ay natupad naman. Kung pakikinggan ay karaniwan lang naman ang boses ni Kuya dinadaan lang niya ito sa pagmo-modulate ng boses. Ika nga practice makes perfect. Andyan 'yung palakahin n'ya ang boses niya na parang si Rey Langit. Pero ayon na rin sa kanya mas maganda kung natural lang ang gagawin baka biglang masamid. Ang katuwiran niya ang importante sa kanya ay ang kumikita siya. Titulo lang naman ang kailangan niya at hindi tulad ng iba na nagkukumahog para sa kasikatan. Ang matawag lang siyang broadcaster o columnist ay ayos na. Ito kasi ang ginagamit niya para magkaroon ng dating ang kanyang pangalan. Ikaw ba naman ang makakilala ng boradcaster o columnist ay hindi magkakaroon ng dating sa iyo? Siyempre kakailanganin mo rin sila para magkaroon ka ng kakampi. May taga-media na magbibigay sa iyo ng proteksyon, may magtatanngol sa iyo kapag nasangkot ang pangalan mo sa kontrobersiya. 'Yan ang silbi ng media para kay Kuya at hindi totoo na para magsilbi sa mamamayan.

Malinaw sa kanya na ang media ay isang negosyo at kung nagsisilbi man sa bayan ito ay sekondaryo na lamang. Paano raw makakapagpatuloy ng operasyon ang mga ito kung wala namang silang kikitain? Saka mahirap rin namang magpatakbo ng media outfit kung walang pumapasok na mga sponsor dahil siguradong bangkarate ang aabutin ng mga ito. Idagdag pa riyan ang matinding kumpetisyon. Kaya nga may mga dyaryo na kabubukas pa lang ay nagsara na agad dahil maiksi ang pisi. Dumarami ang diyaryo kapag malapit na ang eleksyon na ang gumagastos din ay mga pulitiko. Na kapag natalo ay iiwan sa ere ang mga nagtrabaho para sa diyaryo. Kumbaga para sa propaganda lang talaga ang intensyon.

Kaya nga kanya-kanya sila ng gimik lalo na ang mga tabloid, makatawag-pansin talaga ang headline nila. Pero sabi nga ng isang editor, ang kailangan mo lang naman sa headline ay kung hindi ka mananakot, ang kailangan mong pamagat ay 'yung kontobersyal. Basta't 'yung masasapul mo ang kuryusidad ng mambabasa. Tulad noong napabili ako ng 'di oras ng dyaryo dahil nauto ako ng pamagat pero putsa sa ibang bansa naman pala nangyari. Bakit naman kasi ganito ang pamagat nila eh 'di ba dapat balita sa Pilipinas ang ibalita nila? 'Yan ang sinasabi ni Kuyang na kailangan ng gimik. Dahil matira matibay ang labanan sa media. Kaya't ipinagmamalaki niya na 'di siya makaka-survive kung 'di siya madiskarteng tao. Magkano nga lang ba ang bayad sa isang istroya sa mga diyaryo? Tapos ang dami pa nilang mag-aagawan sa espasyo.Kapag 'di pa trip ng editor ang istorya mo ay hindi rin ito gagamitin kaya't sayang lang ang pagod mo. Kaya dapat marami kang isinulat na istorya. Pero kapag star reporter ka ng isang pahayagan o kaya kadikit mo ‘yung editor siguradong lagi kang may labas. Wala rin naming pinagkaiba ang media sa loob ng ibang organisasyon. Kung ‘di ka ka-tropa estsapuwera ka. Palakasan din ng kapit ‘yan. Oo, alam lahat ni Kuya ang mga ito eh maliit lang naman ang industriya ng pamamahayag sa bansa para 'di magkaalaman sa sistema rito.

Pero papano ba kumikita si Kuya.? Bakit kahit walang pinapasukang opisina ay araw-araw siyang umaalis at nakapustura pa? Tapos ang dami pa ng miembro ng pamilya niya na kailangan niyang pakainin. Simple lang naman malakas na ang koneksyon ni Kuyang kung kani-kanino.Kumbaga ito ang pinaghirapan niyang itayo sa loob ng maraming taon. Marami na siyang pinuri at pinakisamahang mga tao. Ang katuwiran niya ginagamit ka lang din naman ng mga ito kaya mabuting gamitin mo rin sila. Para sa kanya pera-pera lang 'yan.Sabi nga ni Kuya siya man ay may pangangailangan din kaya dapat din siyang matulungan ng mga ito. 'Yan ang prinsipyo ng give and take! Ayaw niyang matulad sa mga pinaslang na journalist at broadcaster dahil sa pagganap ng kanilang porpesyon. Hindi raw martir si Kuya kagaya nila!

Maraming raket si Kuya and'yan 'yung may mga lumalapit sa kanya para magpaayos ng problema sa lupa at kung anu-ano pang problema at kapag naayos ito ni Kuyang ay bibiyayaan siya ng mga ito.Ang bawat taong nakikilala niya ay itinuturing niyang asset na pagdating ng araw ay pakikinabangan niya. Sabi nga niya 'di baleng walang nakikinig ng programa niya sa radyo basta mayroon lang siyang mga guest na heneral at kung sinu-sino pang mga personalidad na gustong makapanayam sa radyo at maisulat sa dyaryo. Dahil sa kanila ay buhay na buhay na siya at ang kanyang programa. Oo nga naman pogi points din kasi sa kanila ang ganito. Na kailangan mong ipagwagwagan ang mabuti nilang ginawa para sa bayan. Buti sana kung may maganda ngang ginawa eh kadalasan lang naman ay puro pang-uuto at pambobola ang kanilang pinagsasabi. Lumalabas tuloy na parang PR man si Kuya dahil ganito rin naman ang gawain nila ang magpaganda ng imahe ng isang personalidad. Eh, ano ang pinagkaiba nila? Ang PR Man may koneksyon sa media samantalang si Kuya ay nasa loob mismo ng media.

Teka hindi yata ganito ang pagkakaalam ko sa code of ethics ng mamamahayag. Pero lecheng code of ethics 'yan papatayin ka naman sabi ni Kuya! Sa liit ba naman ng nakukuha mong bayad sa pagsusulat sa mga diyaryo ay hindi ka nito kayang bumuhay ng pamilya. Kailangan kasi marami kang pinagsusulatan, 'yung iba nga gumagamit pa ng alyas para 'di ma-trace na nagsusulat din siya sa iba. 'Yung kakilala ko nga habang nagsusulat sa diyaryo ay nagmamaneho rin siya ng FX. Kaya nga si Kuya kahit 'di bayaran ng publisher ay ayos lang. Dahil ilang pangalan lang sa kolum niya ang pupurihin ay pera na. Kapag sinusuwerte at hindi kuripot ay galante magbigay. Pero may pagkakataon din namang wala siyang napapala imbes na pera ang ibigay sa kanya ay may nagbibigay lang ng alak at kung ano pang pakunsuwelo de bobo. Kaya sa susunod ay 'di na siya pupurihin nito. Aba ano'ng akala nila kay Kuyang 'di marunong magtampo. Hindi ba sila nakakaramdam na may kailangan si Kuya sa kanila. Pero iba-iba raw talaga ang araw, may sandaling masuwerte at mayroon ding malas. Malas kung nagkataong walang pera ang kliyente o kaya mainit ang ulo o wala naman sa opisina.Meron din naman walang pakialam kahit purihin mo dahil wala naman daw silang sinabing gawin 'yun ni Kuya. Hay, naku palusot lang siguro nila 'yun para makalibre sila kay Kuya.

Mabait naman si Kuya eh at least hindi siya Collect and Attack kundi Depend and Collect lang. Ang iba nga raw niyang kasamahan ay mayayaman na, mga yumaman sa pagiging AC/DC! Hindi siya gaya ng iba na kung sinu-sino ang pagbabanatan sa kanilang programa o kolum pero gusto lang nilang masupalpalan sila ng pera tapos mananahimik na. Pero ibang klase rin itong si Kuya hindi na niya kailangang bumanat dahil ang pananahimik lang ay may katapat din na kabayaran. Pero marunong din maglibot sa mga perya o si Kuya kung kinakailangan para dumilehinsya. Pero ilag si Kuyang na maglibot sa mga jueteng lord o sa mga birhaws dahil 'di niya raw linya ito. Mas gusto pa niyang maglibot sa mga may-ari ng mga kolurom na junkshop at least walang gaanong hassle. Magaling din mag-organisa ng mga seminar si Kuya at mag-imbita ng kung sinu-sinong bisita. Ang habol niya rito ay semniar fee, sponshorship at panibagong kuneksyon. Siyempre magaling siya pagdating sa soliticitation para diumano sa programa niya sa radyo. Gumagawa rin siya ng grupo tapos gagawa ng ID na mayroong bayad. Ang iba naman kumakagat sa kanya dahil may tatak ito na "media." Alam mo naman ang ibang Pinoy mahilig magyabang. Meron nga d'yan may nakalagay na media sa sa kanilang sasakyan at t-shirt pero wala naman silang kauugnayan dito. Ang ugaling ganito ang nadale ni Kuya. Ika nga ni Kuya kung ano ang kahinaan nila 'yun ang dapat na madale mo! Kung mayaman lang siguro si Kuya ay magtatayo siya ng sarili niyang diyaryo. Minsan nga gumawa na siyang mag-isa ng sarili niyang diyaryo na siya lahat ang gumawa mula sa pagsusulat at pag-dedeliver nito at kahit paano kumita naman siya. Pero mas gusto nga niya sa radyo kasi bibili lang ng air time tapos siya na ang bahalang magmaniobra, 'yun bang hindi na siya aasa sa financier niya dahil siya na nga ang gagastos.

Kung sa iba kukundinahin nila si Kuya dahil sa pinaggagawa nito. Sasabihin nilang dinudungisan niya ang hanay ng mga media. Pero aminin man o hindi naging kalakaran na rin ito sa media. Ang iba nga lang ay patago o yaong tinatawag na under the table para 'di masipa ng dyaryo o istasyong kanilang pinaglilingkuran. Minsan pa ang ilang personalidad na rin ang nagbibigay ng pakimkim sa mga ito. Hindi ko siya maaaring sisihin dahil sa kanyang gawain. Sabihin na nating hindi ito tama. Siguro sasabihin din ng iba na dapat ay hindi ka pumasok sa ganitong propesyon kung ganito lang ang gagawin mo. Dahil ang media raw ay isang dakilang propesyon. Pero sabi nga ng mga nagpuputa aanhin mo ang pagiging marangal kung mamamatay ka namang dilat ang mga mata? Oo ganito ang nasa isip ni Kuyang. Pero ayaw ko ngang husgahan si Kuyang kung tama man o mali ito ay bahala na siya tutal matanda na siya at alam niya ang kanyang ginagawa. Para kay Kuya patuloy lang ang kanyang pagsasalita at pagsusulat...

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...