Wednesday, February 13, 2008

Sa kanlungan ng Ilog




Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang dating mistulang patay na ilog at may mabahong amoy, na napapaligiran ng mga barung-barong, ay nagkaroon ng buhay? Ito ay nang idebelop ni Bayani Fernando, dating mayor ng Marikina, ang ilog noong taong 1993. Magbuhat noon ay naging malaking atraksyon na sa publiko ang Marikina River Park.



Ang kabuuuan ng Ilog Marikina ay may kabuuang 220 ha. Waring ang ilog ay naging sangktwaryo ng lungsod dahil makasusumpong ng katahimikan kapag ikaw ay naroroon. Uudyukan ka ng ilog na humabi ng tula kung ikaw ay isang makata. Napakalinis ng paligid at makalalanghap ka ng sariwang hangin dahil maraming puno ang dito ay nakatanim. Lubhang mainam mag-picnic kasama ang buong pamilya o di kaya’y magpalipad ng saranggola.



Romantiko ang tanawin sa Marikina River Park kaya’t naging kanlungan din ng mga magsing-irog ang parke. Kung disenyo lang ang pag-uusapan, maraming magagandang istraktura ang nandito. Andyan ang amphiteater, animal trail, carabao trail, floating stage, Roman Garden at marami pang iba. Kung trip mo ang mag-jogging o magbisikleta ay angkop sa iyo ang lugar na ito dahil pagpapawisan ka ng husto lalo na’t kapag binaybay mo ang kahabaan ng River Park. Naranasan ko na rin kasi itong lakarin minsan gayung meron naman akong pang river taxi.



Pagsapit ng gabi, sa pagkutitap ngmga ilaw ay nangniningning sa may ilog. Masarap maglakad-lakad dahil malamig ang hangin. Kung gusto mong malibang ay nariyan ang perya at kung hilig mo naman ang pag-awit, mag-videoke. Kung pagkain ang hanap may mga kakaibang restawran kabilang na rito ang floating restaurant.



Ang inaabangan ng mga tao sa ilog ay tuwing nagkakaroon ng mga pagtatanghal ng mga sikat na banda o di kaya’y artista. Ang isa sa ‘di makalilimutang kaganapan sa may ilog ay ang pagdalaw ni Thalia, bida ng teleseryeng Marimar noong taong 1996. Siyempre, inaabangan din ang pagkakaroon ng tiangge tuwing nalalapit ang kapaskuhan, pati na rin sa pagsisimula ng summer, na talaga namang dinarayo ng mga tao.



O, ano pang hinihintay nyo? Tara na, pasyal na sa Marikina River Park!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...