Akala ko maayos na ang lahat pero hindi pa pala. Ilang beses ko ng iniiwasang makita ang tagpong 'yun. Pero paulit-ulit na bumabalik sa isip ko. May mga bagay na talagang 'di malilimutan kaya't kipkip-kipkip hanggang sa pagtulog. Ang mukha ni Minerva patuloy kong nakikita. Pakiramdam ko buhay na buhay pa rin siya, kasama kong nakikipagtawanan at nakikipaglambingan.
Si Minerva ang kasintahan ko sa loob ng isang taon. Pero kahit maiksing panahon lang ang pinagsamahan namin aaminin ko minahal ko siya ng sobra. Siguro masyado akong nabulag sa kanyang kagandahan, mapungay ang mga mata, mahaba ang buhok, matangkad at balingkinitan. Sabi nga ng iba parang 'di makabasag pinggan. Bukod sa mga katangian niyang 'yun mabait din siya. Kaya ganun na lang ang pagkahulog ng loob ko sa kanya.
Maayos ang relasyon namin noon halos walang problema maliban sa konting tampuhan. Pero naaayos din naman agad ang lahat. Nagbago ang lahat ng ito nang dumating si Jojo, 'di naman kaguwapuhan. 'Di sa pagyayabang mas may hitsura pa ako run. Pero ang lintek na ito panay dikit kay Minerva ko. Binabalewala ko lang ang mga nakikita kong madalas na paglapit-lapit ng mokong na ito. Ayaw ko siyang komprontahin baka sabihin ni Minerva ba wala akong tiwala sa kanya. Pero sa loob-loob ko parang sasabog na ako sa matinding selos.
Hanggang isang araw 'di na ako nakatiis nagsalita ako sa kanya, "Napapansin ko yata panay dikit niyang Jojo sa 'yo, bakit?"
"Ah, 'yun, wala 'yun. Palakaibigan lang talaga 'yung si Jojo. Don't worry ;di kita ipagpapalit sa iba, ikaw pa!,"paniniguro niya habang nakangiti sa akin. Pero sa loob-loob ko parang nagdududa pa rin ako.
Lumipas pa ang isang linngo parang normal ang lahat. Pero isang araw bigla na lang dumating ang oras na kinatatakutan ko, ang iwanan ako ng pinakamamahal ko.
"Eric, mag-break na tayo," walang kagatul-gatol na sabi ni Minerva.
"Pero bakit? Ano'ng nagawa ko? Ba't pabigla-bigla ka?." takang-takang sabi ko.
"Basta, wala kang kasalanan, wala sa 'yo ang problema nasa akin," maluluha-luhang sagot niya.
Nang mga sandaling 'yun 'di ko alam kung saan kakapain ang sagot sa tanong ko kung bakit? Wala akong ibang magawa kundi ang tumanggi sa gusto niya. Pero kahit ano'ng ayaw ko siya namang pagpipilit niya. Kahit ano'ng pakiusap ko ay balewala. Para akong batang humahagulgol sa harap niya ng oras na 'yun. Habang siya naman ay pigil na pigil at ayaw ipakita ang tunay na damdamin. Lumakas lalo ang hinala ko na si Jojo nga ang dahilan ng pakikipagkalas niya niya pero wala siyang inamin. Damang-dama ko sa loob ng puso ko na 'yun nga ang dahilan at wala ng iba. Dahil wala naman talagang rason kung bakit kailangan niyangg gawin ang bagay na 'yun. Ni wala man lang pagsaalang-alang sa pinaagsamahan namin. Ni hindi man lang siya nagpahiwatig na mawawala na siya sa akin eh 'di sana hindi ganun ang aking naging pagkabigla. 'Di ko na tuloy maintindihan ang nararamdaman ko, magkahalong galit at pagmamahal ang naglalabaan sa pagkatao ko. Buong buhay ko noon pa lang ako nakaramdam ng matinding sakit. Mas masakit pa sa naramdaman ko nang mamatatay ang tatay ko. Wala akong sinabing kahit ano'ng panunumbat sa kanya hanggang makaalis siya. Hinatid ko na lang siya ng tinggin dahil lulugu-lugo na ako.
Nakauwi na ako ng bahay 'yung eksenang 'yun pa rin ang laman ng isip ko. Pakiramdam ko parang hinihiwa ang dibdib ko. Bigla na lang naramdaman ko na kumukulo ang dugo ko!
"Hayup kayo, kung totoong kayo na nga!," usal ko sa sarili ko. 'Di ako nakatulog ng gabing 'yun. Naiisip ko silang dalawa na naglalampungan. Pero kailangan ko munang mapatunayan kung totoo nga ang hinala ko para makaganti ako sa kanila. Buhat ng bata 'di ako pumapayag na basta na lang naaagabriyado. Gumagawa talaga ako ng paraan para makaganti. Ngayon pa kung kailan naging mabait ako nangng husto, halos sambahin ko si Minerva tapos gagaguhin niya lang pala ako. Ito lang pala ang mapapala ko, hindi puwede sa akin ang ganun. Hindi talaga...
Umaga na naman, dati-rati laging masigla ang gising ko. Pero pakiramdaman ko waring nalalambungan ng itim na ulap ang kalawakan gayung tirik na tirik ang araw. Giniginaw ako gayung wala ng hamog. Lumipas ang isang araw wala akong ginawan kundi ang magsenti at mag-inom ng serbesa para kahit paano ay makalimot ako.
Sumapit na ang gabi 'yun at 'yun pa rin ang nasa isip ko. Pumunta ako ng kusina at nakita ko ang kutsilyo kaya't dinampot ko ito. Ang kislap ng kutsilyo ay parang liwanag na kumislap sa nagdidilim kong paningin. Pinaglaru-laruan ko ang kutsilyo hanggang sa masugatan ang aking daliri. Tumatagas ang dugo pero wala ako sakit na maramdaman. Hinayaan ko lang tumulu-tulo ang dugo sa sahig. Naisipan kong kuhanin ang puting panyo ssa drawer ko. Isinawsaw ko ang isa kong daliri sa dugo saka isinulat ko sa panyo ang katagang Eric Love Minerva. Pinatuyo ko ito pagkatapos matuyo ang ibinulsa ko na ang panyo. Kumuha ako ng basahan at pinunasan ang mga 'di pa natutuyong dugo sa sahig.
Naisip kong lumabas ng bahay para pumunta sa park. 'Yun kasi ang madalas naming puntahan ni Minerva noong kami pa. Habang naglalakad ako sa kalsada nang biglang may umalulong na aso. Pero 'di ko pinansin, sanay na akong makarinig ng alulong ng aso. Para saan ba 'yun? Mas kailangan kong intindihin ang sarili ko. Alas dose na ng gabi nang makarating ako sa park at gaya ng dati may mangilan-ngilan pa ring lovers ang aandun. may nagyayakapan, may magka-holding hands at meron din namang garapal, naghahalikan kahit may nakakakitang iba. Gumapang ang inggit sa buo kong pagkatao kasi namimiss ko si Minerva. Malalim akong nag-iisip ang sa, di kalayuan may natanaw akong babae at lalake sa ilalim ng puno na nasisinagan ng malamlam na ilawan sa park.
"Parang kilala ko 'yun, ah."
Inaninag kong mabuti kong mabuti, "Si Minerva at si Jojo, ang mga taksil!"
Nang mga oras na 'yun biglang nanginig ang katawan ko sa galit. 'Di nila nakikita ang puwesto ko pero sila tanaw na tanaw ko. Ang saya-saya nila habang ako naman ay nilalamon ng lungkot at matinding panibugho! Pakiramdam ko umakyat ang dugo sa ulo sa sobrang galit. Tiim bagang akong tumayo, naglakad papunta sa kanila. Umikot ako para 'di nila makita. 'Di nila namalayan nasa likod na pala nila ako. Napangiti ako at walang sabi-sabi, inundayan ko ng sunud-sunod na saksak si Jojo sa likod para siguradong patay pagbagsak. Samantalang 'di nakasigaw sa sobrang sindak si Minerva, nakatulala lang siya dahil sa pagkakagulat. Marahil ay 'di niya sukat akalain na magiging ganun pala katindi ang reaksyon ko sa pag-iwan niya sa akin.
"Eric, bakit mo ito ginawa?," garalgal ang boses niya habang nagsasalita.
Hinawakan ko ang baba niya, hawak-hawak ko pa rin ang kutsilyong puno ng dugo.
"Nagtatanong ka pa? 'Di pa ba sapat ang pagmamahal na ibinigay ko sa 'yo, nagawa mo pa akong pagtaksilan?," panunumbat ko sa kanya.
"Hayaan mo muna akong magpaliwanag saka humingi naman ako ng sori sa 'yo ah. Huwag, huwag mo rin akong papatayin. Kung gusto mo tayo uli 'wag mo lang akongg papatayin," halos mabaliw-baliw na pagmamakawa niya.
Pero sino ba namang tao ang nasa kawalang katuwiran ang makikinig sa pagmamakaawa ng mismong mahal niya gaya ko? Masyado ng matigas ang puso ko para pakinggan pa ang pagmamakaawa niya.
"Huwag kang sisigaw kundi papatayin kita," sabi ko sa kanya habang hila-hila ko ang bangkay ni Jojo papunta sa mas madilim na sulok. Habang hila-hila ko naman ang buhok ni Minerva. Pagkatapos nun sinakal ko siya nang mahigpit na mahigpit. Dahil sa maliwanag ang buwan nakita ko na lumawit ang dila ni Minerva sa tindi ng pagkakasakal ko sa kanya. Inihiga ko sa damuhan ang kanyang bangkay saka ko sinaksak ang kanyang dibdib. Pero hindi para kainin kundi para patuloy na angkinin ang puso niya. Pero saan ko ilalagay ang puso ni Minerva? Hinubad ko ang suot niyang blusa para doon mismo ibalot ang puso niya.
Sigurado bukas magiging laman ito balita sa TV, dyaryo at radyo. Tumingin-tingin muna ako sa paligid baka may nakakita sa krimeng ginawa ko o baka mamaya may rumurondang pulis sa paligid-ligid ng park. May bahid pa ng dugo ang damit ko pero dahil sa nakaitim ako kaya 'di na siguro halata ng kung sino mang makakasalubong ko sa daan. Tumakas ako na parang walang nagyaring anuman. Pero ewan ko ba't ganun 'di man lang ako nakaramdam ng munti mang pagsisisisi. Pero aaminin ko namimisss ko si Minerva. Pero wala na siya dahil pinatay ko na siya kasama ni Jojo!
Nakauwi ako ng bahay, agad kong hinubad ang suot kong damit. Kailangan kong tumakas bago pa man matuklasan ng iba ang ginawa kong krimen. Dali-dali kong iniligpit lahat ng mga damit ko. Siyempre walang ibang pagbibintangan kundi ako. Malalaman din ng lahat na ako ang gumawa ng krimen. Pero saan ako magtatago? May kamag-anak ba o kabigan na gustong magkupkop ng isang kriminal? Gulong-gulo ang isip ko ng mga sandaling 'yun, napahagulgol ako ng iyak. Naisip ko ano kaya magpakamatay na lamang ako para 'di ako makulong? Pero ano ako gago? Susundaan ko agad sila? Wala talaga akong ibang pupuntahan kaya napagpasyahan ko na lang manatili sa bahay, bahala na! Damputin na nila kung gusto nila akong damputin tutal sa kulungan din naman ang bagsak ko. Nasa ganun akong pag-iisip nang makatulog ako sa sobrang pagod at gulo ng pag-iisip. Nanaginip ako, may batang babae akong nakita, nagtaka ako ba't kamukhang-kamukha siya ni Minerva. Tapos dumating daw si Minerva bigla siya nitong tinawag, "Halika na, 'wag kang lalapit sa mamamatay taong 'yan," galit na sabi niya.
Pagtalikod nila biglang dumating si Jojo para akayin silang dalawa papalayo sa akin. Nang mawala sila paningin ko bigla na lang bumaha ng dugo sa buong paligid. Puro dugo, umaapaw na dugo! Hindi! Nagising ako, walang-hiya binabagungot agad ako dahil sa krimeng nagawa ko! Pakiramdam ko parang totoo ang lahat, napatingin ako sa kisame mayroong kulapol ng dugo gayung 'di naman ako dumikit dun. Napatalukbong ako ng kumot baka mamaya biglang magmulto si Minerva. Nang lisin ko ang kumot tumingin ako uli sa dingding pero wala na ang dugo. Naisip ko baka guni-guni ko lang ito. Bumangon muna ako para uminom ng tubig dahil uhaw na uhaw ako. Pagkatapos nun balik-higa at saglit na nawala ang bangungot na 'yun.
Alas-sais na pala ng umaga, natural 'di ako nmakakapasok sa trabaho. Isa na akong kriminal na naghihintay ng sistensiya at 'di nga ako nagkamali maya-maya lang alas-dose na ng tanghali dinampot na ako ng mga pulis. Nalaglag pala sa pinangyarihan ng krimen ang panyo na sinulatan ko ng dugo, na ang nakalagay nga ay Eric Love Minerva. Kaya 'di na sila nahirapan pa na tukuyin kung sino ang kriminal. Sumama ako ng matiwasay sa mga pulis para walang problema pero bago 'yun itinuro ko sa kanila kung saan ko inilagay ang puso ni Minerva.
Nasumpungan ko na lang ang sarili ko sa loob ng kulungan, may hatol na habambuhay na pagkabilanggo. Gabi-gabi napapanaginipan ko ang ginawa kong pagpatay sa kanila. Nakikita ko ang sarii ko na nanlilisik at pulang-pula ang mga mata, nakangisi habang sinasaksak ko sila Jojo at Minerva. Paulit-ulit ding nagpapakita sa akin ang batang babae na kamukha ni Minerva, napakalungkot ng mukha niya habang nakatingin sa akin. May mga gabing ayaw ko ng matulog dahil babangungutin na naman ako. Sabi nga ng mga kakosa ko, ang laki na ng eye bag ko.
Hanggang isang hatinggabi bumulaga sa harap ko ang multo ni Minerva, umiiyak. Pero nang sandaling 'yun 'di na ako nananaginip, totoo na! Tumayo ang lahat ng balahibo sa katawan ko. Gumapang ang kilabot sa akin mula paa hanggang ulo.
"Minerva, patawarin mo ako 'di ko sinasadya, nagawa ko lang 'yun dahil sa sobrang galit ko."
Nakatingin lang siya sa akin habang umiiyak pagkatapos nun bigla siyang tumalikod at pagharap niya agnas na ang kanyang mukha, wakwak ang dibdib! Lalo tuloy akong nahintakutan dahil sa tagpong 'yun. Akala ko lalapit siya sa akin para sakalin gaya ng ginawa ko sa kanya. Hinihintay ko lang na gawin niya 'yun sa akin, napapikit na lang ako ng mata pero pagdilat ko wala na siya. Saka ako nakahinga ng maluwag, pinagpawisan ako nang husto gayung ang lamig sa loob ng selda ng mga oras na 'yun.
Kinabukasan meron akong 'di inaasahang bisita, si Lynn, kaibigan ni Minerva. Alam kong nandun siya para usigin ako. Mabigat man ang pakiramdam ko ay hinarap ko pa rin siya.
"Eric, bakit mo naman ginawa 'yun sa kaibigan ko?," pambungad niya sa akin.
'Di ako kumikibo habang nakayuko dahil sa labis na kahihiyan na nararamdaman ko. Isa pa, ayokong magpakita ng emosyon sa harap ng kaibigan ni Minerva.
"Alam mo ba na mahal na mahal ka ni Minerva?," pagpapatuloy niya.
'Di ako makapaniwala sa sinabi niya. Kung ganun ba't siya nakipaghiwalay sa akin?
"Magkakasama kaming tatlo ng gabing makita mo sila sa park. 'Di lang maganda ang pakiramdam ko kaya nag-CR muna ako pero pagbalik ko wala na sila sa pinag-iwanan ko kanila. Tapos nalama ko na nga lang na patay na pala sila at ikaw pa ang pumaslang sa kanila," umiyak na sabi ni Lynn.
Kaya naman daw laging nakadikit si Jojo kay Minerva ay dahil nagpapalakad ito sa kanya. At nanng gabing isinama lang nila si Minerva para mapasalamatan ito dahil sinagot na raw ni Lynn si Jojo. Tinanong ko na rin sa kanya kung bakit ito nakipaghiwalay sa akin...
"Kaya naman siya nakipag-break sa 'yo dahil lumabas sa pregnancy test na buntis siya. Gulung-gulo ang isip niya, natatakot kasi siya na baka mapatay siya ng tatay niya 'pag nalaman ang kalagayan niya. Alam mo namang sobrang bagsik ng tatay nun. Pero sasabihin din daw niya sa iyo kailangan lang niya munang makapag-isip-isip."
Kaya pala may batang babae na nagpapakita sa panaginip ko na kamukhang-kamukha ni Minerva. 'Yun sana ang magiging anak namin. Kung sinabi lang sana ni Minerva ang katotohanan, 'di sana nangyari sa amin ang ganun dahil mahal namin ang isa't isa. Pero walang dapat sisihin kundi ako dahil hinusgahan ko agad siya.
Gabi-gabi na lang binabangungot ako, paulit-ulit kong nakikita ang eksena kung paano ko patayin sina Minerva at Jojo. Ang nagagawa nga naman ng panibugho sa buhay ng tao, minsan ay nagdudulot ng panibugho. Kailan kaya titigil si Minerva sa kamumulto sa akin? 'Di ko na makakayanan ito, masisiraan na yata ako ng ulo...AAAAAHHHHH!!!!
-Wakas
No comments:
Post a Comment