Wednesday, February 13, 2008

Bob Ong experience


Ibang klase talaga si Bob Ong, talagang sikat ang awtor na ito lalo na sa mga kabataan. Dahil kapag nagagawi ako sa National Bookstore ay bukambibig lagi ng mga tinedyer ang kanyang mga libro. Ang mga librong kanyang isinulat ay ang mga sumusunod: Bakit Baligtad Magbasa ng Libro Ang Mga Pilipino, ABNKKBSNPLAKO, Paboritong Libro ni Hudas at Stainless Langgonisa. Itong huli niyang libro ay nasa Top 3 ng Best Seller ng NBS sa Non-fiction category nito lang taong 2006.

Malakas ang kanyang karisma sa mambabasa dahil matatawa ka habang binabasa mo ang kanyang mga libro. Mahilig siya sa kuwentong barbero o mga istoryang panay kalokohan. Nasapul niya ang kiliti ng Pinoy; ang pagiging masiyahin. Sa kanya galing ang pariralang, "Bata pa lang ako ay hilig ko na ang magsulat. Katunayan kumita na ako rito at ito ang naisulat ko na kumita talaga ako- ICE FOR SALE." Ikinukuwento lang naman ni Bob Ong ang kanyang mga karanasan noong nag-aaral pa siya sa elementarya o dili kaya ang buhay niya bilang tao. Sa pamamagitan nito ay makikita natin ang ating mga sarili sa kanyang mga isinulat. Dahil ang kanyang karanasan ay maaaring maging karanasan din natin. Ang kanyang mga akda ay kalokohang may kabuluhan dahil ginamit niya ang pagiging komikero para magbigay din ng opinyon sa mga usaping panlipunan. Gaya ng takbo ng pelikulang Tagalog, ang pagkakaroon ng brain drain sa bansa at marami pang iba. Pinuna din niya ang mga negatibong ugali o kagawian nating mga Pilipino. Nangangahulugan lang na seryoso siya sa mensaheng inihahatid niya sa mga mambabasa. Marahil ay upang mapagtawanan natin ang ating mga kahinaan para kahit paano ay mamulat tayo.

Bilang manunulat ay 'di lang sa iisang genre nakakawing si Bob Ong. Sinubukan din niya ang fiction kaya nga nabuo ang Alamat ng Gubat na mala-parabula ang dating. Ito ay tungkol sa adventure ng batang talangka na si Tong
sa loob ng kagubatan para hanapin ang puso ng saging na makagagamot sa ama niyang may sakit. Pero simbolismo lang ito ng agawan ng teritoryo, ng panlilinlang, pagpapahalaga sa kapangyarihan; kung saan ang malalakas ang nakapananaig.
Siyempre, ang pinakagusto ko sa kanyang mga libro ay ang Stainless Langgonisa dahil tinalakay niya rito ang buhay ng manunulat. Mula sa pagbuo ng libro, ang hirap para ma-publish maging ang pananaw ng iba sa manunulat. Kung mayroon mang dapat matutunan ang mga manunulat sa kanya ay ang pagiging simple sa paraan ng pagsulat para maunawaan ng lahat.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...